"Sabihan mo lang ako kapag susunduin na kita," sabi ni Callum paghinto ng kotse sa harap ng bahay ng pamilya ni Sharon.
Ngumiti naman ako bilang sagot bago lumabas. Pinanood ko pa muna siyang makaalis bago ako pumasok sa gate at tinungo ang mismong bahay.
Wala ang magulang ng babaeng ito ngayon dahil may business trip ang mag-asawa. Pero alam nilang pupunta ako kaya sinabihan daw nila ang mga kasambahay na darating ako. Kaya lang naman ako pumunta rito ay dahil gusto kong makakalap ng impormasyon patungkol kay Sharon. Gusto kong makita kung ano ba talaga ang tunay niyang ugali't katauhan na maaaring makatulong sa akin sa pag-iimbestiga.
Sinalubong ako ng ilang kasambahay na hindi ko na pinagtuunan ng pansin. Tuloy-tuloy lang ako sa pagpasok at naglakad patungo sa kwarto ni Sharon. Bago ako pumunta rito, inalam ko muna ang pasikot sikot ng bahay nila para hindi magtaka ang mga kasambahay nila kapag magtatanong ako. Nagtanong din ako sa magulang nito kaya alam ko na ang bawat sulok ng bahay. Hinack ko rin kasi ang ilang cctv camera nila rito para makita ang buong bahay.
Nang makarating ako sa kwarto, tahimik akong pumasok dito at sinara ang pinto. Sa aking pagpasok, malinis at maaliwalas na kwarto ang sumalubong sa akin. Halata ring araw-araw itong nililinisan dahil ni isang alikabok ay wala kang makikita. Ang kanyang gamit dito ay halatang mamahalin maski ang queen bed nito at chandelier sa gitna ng kwarto.
Malaki, malawak at pinapasukan ng natural na ilaw ang kwarto kaya hindi na masyado kailangan ng ilaw mula sa chandelier ang kwarto. Ngunit kahit ganun, doble pa rin ng kwarto niya ang kwarto ko noon sa bahay ng walang kwenta kong magulang.
Naglakad ako patungo sa study table nito na napupuno ng mga gamit. May mga pang art work dito na halatang matagal na niyang hindi ginagamit. Binuksan ko pa ang drawer ng mesa kung saan bumungad naman sa akin ang ilang blangkong papel at papel na may mga guhit.
"Parehas kaming marunong mag-drawing," bulong ko namg kunin ko ang isang papel na may sketch nito.
Mahilig din akong gumuhit kapag may oras ako kaya naman magagamit ko ito sa aking pagpapanggap. Binalik ko ang papel sa drawer saka ito sinara. Sa gilid ng study table niya, may lalagyan ng ilang album kaya tahimik ko itong kinuha. Kumuha ako nang ilan na aking nilapag sa mesa para tingnan.
Umupo ako sa upuang nasa harap ng mesa at paisa isa na tinignan ang laman ng bawat album. Sa bawat paglipat ko, mahahalatang masiyahing bata itong si Sharon. Matamis ang bawat ngiti na pinapakita niya at kung tutuusin, maganda siya lalo na kapag wala itong suot na make-up.
May nakita kasi akong ilang litrato nito na nakaayos siya't may make-up. Halos lahat ng litrato niya ay wala siyang suot na glasses kaya napaisip ako sa dahilan kung bakit siya nagpapanggap. Makikita rin sa bawat litrato nito na may sense of fashion siya sa mga suot nito kaya kataka taka talaga ang dahilan para pilit niyang papangitin ang kanyang sarili.
Matapos kong makita ang isang album, sinunod ko ang isa at patuloy na nagtingin.Sa dulo ng pangalawang album, nakita ko ang isang litrato ng dalawang batang babae. Ang isa sa kanila ay si Sharon habang ang isa'y hindi pamilyar sa akin. Parehas silang nakangiti na para bang ang saya-saya nila rito. Hindi ko na lang 'yon pinansin at binuklat ang iba pang albums.
Hindi ko alam kung gaano ako katagal na nagtitingin ng mga album nang tumigil na ako dahil wala naman na ako masyadong makuha sa mga ito. Hinayaan ko ang mga kinuha kong album sa mesa saka naglakad naman patungo sa book shelf niyang napupuno ng libro. Halo-halo ang mga librong nandito na hindi ko alam kung nabasa na ba niya lahat.
Sa aking pagtitingin, nahinto ako sa isang libro. Kinuha ko ito't tinignan, may stamp pa ng school ang labas kaya paniguradong ito ang hinahanap sa akin ng librarian noong huling punta ko roon.
Don't look back
Pinagmasdan ko ito nang maigi saka napagdesisyunang tingnan. Unang buklat ko pa lang, may mga papel ng nahulog na nakaipit dito. Sinara ko muna ang libro saka pinulot ang mga nahulog. Nang aking mapulot, lumapit ako sa kama dahil malapit lang ito. Binaba ko muna ang libro't binuklat ang mga papel.
Una kong nakita ay isang birth certificate na may pangalang Ivy. Base sa taon ng kapanganakan nito, kasing edad lang namin ang may ari ng birth certificate. Nang mabasa ko ang lugar ng kapanganakan niya, napakunot kaunti ang aking noo.
"Bakit n/a?" tanong ko sa aking sarili.
Imposible namang hindi ilagay ang lugar kung saan siya pinanganak dahil kailangan iyon. Binaba ko muna ito saka kinuha ang ilan pang papel. May nakita na naman akong isang birth certificate na may pangalan namang Leona. Agad kong kinuha ang unang birth certificate na aking tinignan at pinagtabi ito. Muling bumalik ang kunot sa aking noo nang makitang parehas sila ng araw ng kapanganakan. Katulad ng nakita ko, n/a rin ang lugar ng kayang kapanganakan at parehas sila ng edad base sa taon na aking nakikita.
Binasa ko ang pangalan ng kanilang magulang ngunit ang pangalan lang ng ina ang meron. May address ding nakalagay kaya tinupi ko ulit ang dalawang papel saka kinuha ang ilan pang papel. Mga resibo na ito galing sa ilang restuarant at terminal ng bus. Huminto ako sa pagtitingin nang matuon ang tingin ko sa ticket ng isang terminal ng bus. Nakalagay kasi rito ang lugar kung saan ko nakita ang address ng nanay ng dalawang babaeng nakita ko sa birth certificate.
Kung tama ang nasa isip ko, kambal ang dalawang ito at patunay ang birth certificate na aking hawak. Sa mga resibo naman, paniguradong ngayong taon lang din dahil sa mga petsa na nakalagay sa mga ito.
"Paniguradong si Sharon ang gumamit ng mga ito," mahina kong sabi at nilapag ang mga hawak kong papel. Muli kong kinuha ang libro't binuklat ang bawat pahina. Tinitignan ko kung baka may nakaligtaan ako o dikaya nama'y may nakaipit pa.
Sa aking pagbubuklat, tama nga ang hinala kong may nakaipit pa. Ngunit sa pagkakataong ito, hindi na siya papel kundi isang litrato ng apat na tao. Isang babaeng may hawak na isang baby at isa ring lalaking hawak ang isa pang baby. Mahahalata sa mukha nila ang saya habang hawak ang dalawang bata.
"Posible kayang sila ang dalawang bata na nalalagay sa birth certificate?" Mariin akong tumingin sa litrato na hawak ko ngayon. "Ano bang hinahanap mo Sharon at meron ka ng mga ito? Sino sila?" Kagat labi kong binaba ang litrato.
Mukhang magagamit ko itong mga ito sa paghahanap ng rason. At mukhang may mas malalim pang rason si Sharon para magkaroon nito. Ngunit ang tanong... ito ba ang dahilan kaya siya pinatay? Hindi lang ba dahil sa mga nalalaman niya patungkol sa eskwelahan ang dahilan kaya siya pinatay?
"Ibig sabihin, may alam pa siyang iba kaya siya pinatay. Pero ano? Ano ang dahilan ng taong ito para patayin siya?"
BINABASA MO ANG
Mission: Pretend to be Sharon the Nerd (PTBSTN) COMPLETED
Tajemnica / ThrillerSa loob ng dalawang taon, hindi nagpakita si Irene sa kanyang pamilya. Isa na sa dahilan nun ay ang nangyari sa kanya sa nakaraan. Ayaw niyang makita ang kanyang pamilya at ayaw niya ring bumalik sa puder nila. Nanirahan siya sa mga taong tumanggap...