#13
*TRIGGER WARNING: Suicide Ideation*
"Amy, maghugas ka na!"
"Ih! Bakit ako na naman? Ako nga ang naghugas kagabi!"
"Ako ang naghugas kagabi! Tigilan mo kasi 'yang kakacellphone mo! Buong araw ka na lang nakababad d'yan!"
"Anong maghapon? Ngayon nga lang ako nakaupo! Ako ang naglinis ng buong bahay simula pagdating ko galing school! Ikaw nga, puro basketball!"
Kagagaling ko lang sa paglalaba sa ibang block at sigawan nina Amy at Jek ang nadatnan ko. Alas otso na nang gabi. Parang binugbog ang katawan ko sa sakit sa maghapong pagkukusot at pagyuko. Drained na drained na ang utak ko sa buong linggo. Trabaho, midterms, requirements, at thesis, lahat na nagsabay-sabay. Wednesday pa lang pero hindi ko na alam kung kaya ko pang tapusin ang linggong 'to sa pagod.
Sobrang stressed at puyat ako na umaabot sa punto na nanginginig ang katawan ko at napakabilis kong tamaan ng emosyon ngayon.
Dismayado at nanghihina kong kinuha si Gigi na pinaglalaruan na ang natapong kanin at ulam n'ya. "Kambal naman! Bakit naman hinayaan mo si Gigi magkalat ng pagkain? 'Di n'yo man lang mapunasan ng laway."
"Si Kikay 'yun, Ate!"
"Lah! Ikaw ang nagsabing magbabantay kay Gigi, Mikay!"
It was chaotic. Sanay ako sa ganitong gulo pero sa tuwing nasa hindi maayos na takbo ang utak ko, ang bilis kong magalit. Ilang beses akong huminga para kumalma pero napintig sa sakit ang ulo ko dahil sa ingay.
"Tumahimik kayo!!"
Sa isang iglap, parang may dumaan na anghel sa katahimikan. Mabilis ang bawat paghinga ko at kinuha si Gigi. Dumiretso ako sa hapag at sinimulang magsimot ng mga pinagkainan ng mga kapatid. Kahit kumakalam na ang tiyan ko sa gutom, 'di ko muna 'yun inintindi.
"A-Ate..." Nilagpasan ko sina Amy at Jek at hindi sila sinagot dahil siguradong bubuhos ang luha ko at baka 'di ko makontrol ang mga sasabihin ko.
Malakas na bumukas ang pintuan at nag-uusok sa galit na pumasok si Mama. Nakapostura pa 'to at binagsak ang bag n'yang ngayon ko lang nakita sa upuan. Dumiretso s'ya sa'kin at hinampas ang braso ko.
"Anong narinig ko na sinisigawan mo 'yung mga kapatid mo, ha? Bakit mo pinagagalitan nang gan'un? Anong karapatan mong pagtaasan sila ng boses, ha, Phillie?! Rinig na rinig ko kahit nasa unahan pa lang ako ng compound! 'Di ka man lang nahiya sa mga kapitbahay! Pinagtitinginan nila ako na parang kasalanan ko na gan'yan ang ugali mo!"
Isa... dalawa... tatlo... 'di ko na mabilang ang lahat ng hampas na nakukuha ko. Kagat ko ang dila at hindi nagrereklamo para hindi na madagdagan ang masasakit na salita. Matatapos din s'ya. Konting tiis lang, Phillie.
Walang nagsasalita sa mga kapatid ko. Walang umaako na may parte sila kaya nagalit ako.
Kinuha ni Mama si Gigi na umiiyak na. "Pinagkakatiwalaan kita na maayos mong inaalagaan ang mga kapatid mo tapos ito pala ang ginagawa mo kapag wala ako?! Jek! Amy! Lagi ba kayong ginaganito ng ate n'yo?! Magsabi kayo ng totoo!"
Nagsalubong ang mga mata namin ni Jek na napalunok at si Amy na nangingilid ang luha. Umaasa ako na kahit papaano ay ipagtatanggol nila ako pero umiwas sila ng tingin at sabay na nagsalita. "M-Minsan po..."
Mabilis kong pinunasan ang nakaalpas kong luha bago pa nila makita. That's okay, Phillie. Alam nila kung paano magalit si Mama. Takot lang sila. Ikaw, hindi ka na dapat natatakot. Hindi magkakaroon ng lakas ang mga kapatid mo kung ikaw mismo, mahina.
BINABASA MO ANG
Phillie, Wear Your Shoes (Loving Her Series I)
RomancePhillie fits in every shoe. Except hers. Si Phillie na yata ang reyna ng labada sa buong barangay nila. The best pa na kapatid, anak, at kaibigan. Maging kurso ng engineering na halos gapangin niya palabas ng classroom araw-araw ay kayang-kaya niyan...