ELSIE"Gising ka na pala."
Gising ka na pala.
Hindi pamilyar ang boses niya. Nasa'n ako?
"Masaya ako dahil nagising ka na."
Lumapit siya sa 'kin at umupo sa tabi ko. Dahan-dahan akong bumangon. Napakabigat ng likod ko at nakaramdam ako ng sakit sa ibabang bahagi ng aking likod no'ng tumunog ang mga buto ko.
"Dahan-dahan lang," malumanay na pagkasabi ng lalaki habang inaalalayan akong makaupo.
Inilibot ko ang aking paningin. Malawak ang kuwarto. Puti lahat ng dingding, pati na rin ang kisame. May malaking kulay brown na aparador sa gilid, malapit sa isang bilog na lamesa. May sliding window sa gilid at red naman ang kulay ng porcelain tiles. Malinis dito, pero sa'n nga ba ito?
"S-sino k-ka?" tanong ko. Parang walang laway ang bibig ko. Hindi ko makilala ang paos kong boses. Masakit ang lalamunan ko nang sinubukan kong lumunok.
"Nauuhaw ka yata. Ikukuhanan lang kita ng tubig." Tumayo ang lalaki at mabilis na lumabas ng pintuan.
Oh my god! Nasa'n ba ako?
Bumalik siya agad dala ang isang baso ng tubig. Maingat niya itong inabot sa akin. Kinuha ko ito mula sa kamay niya. Ramdam ko ang pagkasabik ng aking dila sa malinaw na likido. Halos mabilaukan ako dahil sa mabilis kong pag-inom at tumulo ang kaunti sa aking puting damit.
Napatingin ako sa kanya nang punasan niya ang mga mata niya. Parang pigil na pigil siya sa pag-iyak. Namumula ang mga mata niyang humarap sa 'kin. May sumilay na ngiti sa kanyang namumulang pisngi. Pinasadahan ko ng tingin ang kanyang mukha. Sa tingin ko ay magka-edad lang kami o p'wedeng mas matanda siya ng kaunti. Katulad ng karamihan sa mga lalaki ay makakapal ang mga kilay niya na bumagay sa malalim niyang mga mata. Agaw pansin ang nahubog na linya ng panga niya. Wow. What a jawline! Malinis ito, mukhang na-shave. Pero ang pinakanapansin ko ay ang sugat sa noo niya, parang hiwa na nagkapeklat.
"Akala ko, 'di ka na magigising, "
"Kilala mo 'ko?"
Sino ang lalaking ito?
"Ako ang boyfriend mo."
Ano?
Hindi ko namalayang nakabuka na pala ang bibig ko. Ako, may boyfriend? Umiwas agad ako ng tingin, na-awkward ako bigla.
"Sa tingin ko ay nagkakamali ka. Wala akong boyfriend. Pasensya na, pero kailangan ko nang umuwi."
Ibinaba ko ang mga tuhod ko at 'tsaka ako tumayo. Nawalan ako ng balanse at muntik na akong mapasubsob sa sahig. Mas lalo akong nahiya dahil hawak niya ako sa baywang.
Mabilis akong tumayo at binitiwan naman niya ako.
Kinapa ko ang damit ko. Suot ko pa rin ang white T-shirt ko at maong na shorts. Hindi naman masakit ang katawan ko. Wala naman sigurong nangyari sa amin?
"Ako 'to, si Alejandro."
"Thank you ha kung dito ako nakatulog, pero please h'wag kang gumawa ng kuwento."
Buong lakas akong tumayo. Parang nahihirapan ang mga paa ko na buhatin ang katawan ko.
"Hindi ako gumagawa ng kuwento. Boyfriend mo ako!"
Napatitig ako sa mga mata niya. Ano ba'ng nangyayari sa taong 'to?
Naglakad na ako palabas ng kuwarto. Unti-unti na akong kinakapitan ng takot. May hagdanan sa left side ng bahay, mukhang nasa second floor pa ako. Sumunod siya sa 'kin kaya binilisan kong bumaba. Bahala na kung lalabas akong walang sapatos.
BINABASA MO ANG
A Game of Truth and Dare
ParanormalNot a typical truth or dare because you'll do it BOTH. *** While visiting a deserted temple, a group of friends decided to engage in a game of truth and dare. They are unaware that the location is inhabited by evil spirits. As they answer the truth...