Selfless love

21 6 26
                                    

🖤

"Laro tayo ng truth or dare!" Pumapalakpak si Fatima dahil sabik siyang maglaro.

"Larong pambata 'yon. Ang tatanda na natin," sabi naman ni Grim.

Natawa si Alejandro, samantalang tahimik lang sina Franco at Elsie.

"Hindi ba pambata 'tong ginagawa natin na slumber party?" taas-kilay na tanong ni Fatima. Isa-isang nagsilabasan ang mga ngipin niya habang patuloy na naglalaro ang tuwa sa mga mata niya.

Gabi ng Sabado ngayon. Narito sila sa bahay ni Alejandro. Wala na siyang mga magulang dahil namatay ang nanay nila noong bata pa lang sila, samantalang nagkaroon naman ng ibang pamilya ang tatay niya kaya iniwan na sila. Ang nakababatang kapatid ni Alejandro ay nasa kanyang kuwarto dahil nag-aaral ito para sa pagsusulit nila sa eskuwelahan. Nasa senior high school ang kapatid niyang lalaki at dadalawa na lamang silang magkasama.

"Wala namang masama kung young at heart tayo," sabi ni Elsie.

"Sige na nga, maglaro na tayo. Kuha ka ng bote, Al," utos ni Grim kay Alejandro.

Nakangiti namang tumango si Alejandro at nagtungo sa kusina.

Pagbalik niya ay nakaupo na sila sa sahig at hinihintay siya. Umupo siya sa pagitan nina Elsie at Grim.

"Game na! Kung saan hihinto, 'yong bunganga ng bote, 'yon 'yong tatanungin, tapos 'yong katapat naman ng dulo ng bote ang magtatanong," paliwanag ni Alejandro.

"Game!" sabay-sabay nilang pagkasabi.

Pinaikot na ni Alejandro ang bote. Lahat sila ay natutuwa habang pinapanood ang pag-ikot nito. Unti-unti nang bumagal ang ikot nito at tumapat ang bunganga kay Franco. Nakaturo naman kay Elsie ang dulo.

"Elsie!" sigaw nina Fatima at Grim.

Natawa si Elsie dahil hindi niya alam kung ano'ng itatanong niya.

"Truth or dare?"

Napahawak si Franco sa batok niya. "Kailangan ba nating laruin 'to?"

Tumawa silang apat dahil sa pamumula ng pisngi ni Franco.

"Kailangan!" sagot ni Grim.

"Okay. Truth."

Napatingin silang lahat kay Elsie, naghihintay sila sa itatanong niya.

"Uhm . . . Kung p'wede kang makipagpalit ng katauhan sa 'ming apat, sino ang gusto mo?"

"Ang weird naman ng tanong mo. Siguradong hindi sa 'kin kasi poor ako," natatawang sabi ni Grim. Nakangiti lamang sina Fatima at Alejandro.

"Sorry, 'yon kasi unang pumasok sa isip ko," sagot ni Elsie.

Isa-isa silang tiningnan ni Franco, 'tsaka siya tumigil kay Elsie. Isang mapaglarong ngiti na bihira lamang nilang makita ang sumilay sa labi niya.

"Kay Alejandro."

🖤

ELSIE

A Game of Truth and DareTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon