Elsie Belleza
Bachelor of Arts in Journalism.Nakatitig si Elsie sa notebook niya. Ito ang unang araw sa ikalawang taon niya sa kolehiyo. Naninibago siya dahil may mga bago na siyang kaklase. Huminga siya nang malalim. Nasa kolehiyo na siya, pero nakararamdam pa rin siya ng hiya.
Ang kaibigan niya na si Grim ay hindi muna nagkolehiyo dahil nag-iipon pa siya ng tuition fee. Patigil-tigil si Grim sa kanyang pag-aaral dahil laging kulang ang pangmatrikula niya. Si Fatima naman ay kumukuha ng Bachelor of Science in Nursing. Pagiging guro talaga ang gusto niyang tahakin, pero sinusunod lamang niya ang kagustuhan ng kanyang ina.
Napuno na agad ang mga upuan at hinihintay na lang nila ang kanilang instructor.
Kinabahan si Elsie nang bumukas ang pinto. Akala niya ay papasok ng ang kanilang instructor, pero isang makisig na lalaki ang pumasok. Matangkad ito at kayumanggi ang balat. Undercut ang istilo ng kanyang buhok. Nakasuot siya ng itim na T-shirt at jeans.
Inilibot ng lalaki ang kanyang paningin at tumigil ito sa tabi ni Elsie. Naglakad ang lalaki papunta sa pinakagilid sa pinakalikod.
"May nakaupo ba rito?" tanong ng lalaki.
"Wala."
Umiwas ng tingin ang lalaki at hinila ang upuan. Sa loob ng isipan niya ay nagpapasalamat siyang nabawi niya agad ang kamalayan niya bago tuluyang matitigan ang babaeng katabi niya.
Marami siyang nakikitang babae, pero ngayon lang niya binigyan ng pansin ang hitsura ng isang tao. Simple lang ang babaeng katabi niya, pero hindi niya maiwasang isip-isipin ang aura nito.
DUMAAN ang kalahating oras at gusto nang lumabas ng lalaki. Graphic design ang kinukuha niyang kurso, pero kumukuha rin siya ng ilang subjects ng journalism dahil gusto niyang magtrabaho sa isang newspaper company balang araw. Punong-puno ang oras niya, pero hindi ito pabigat sa kanya dahil gusto lamang niyang palipasin ang bawat malulungkot na araw.
"Mag-p-partner d-daw t-tayo."
Napatingin ang lalaki sa katabi niyang babae, nabigla dahil sa sinabi nito.
"Ano?"
Napanganga si Elsie. Akala niya ay nakikinig ang katabi niya.
Napatitig naman ang lalaki. Ang pagnganga ni Elsie ay pinagmasdan niya nang mabuti.
"S-sabi ni sir, m-mag p-partner daw t-tayo," pag-uulit ni Elsie.
Napatingin ang lalaki sa kanyang mga kaklase at abala na ang lahat sa ginagawa nila. Napahawak siya sa kanyang batok. Ngayon lang siya nawalan ng pokus sa pag-aaral dahil sa babaeng katabi niya.
"Pasensya na, hindi ko narinig 'yung sinabi ni sir."
Ngumiti lang si Elsie para maitago ang hiyang nararamdaman.
"Okay lang. Ano'ng pangalan mo?"
Lumalakas ang tibok ng puso ng lalaki. Pakiramdam niya ay isa siyang normal na tao dahil sa kaharap niya. Buong buhay niya ay nakakulong lang siya sa kalungkutan, kaya naibaon din ang mga emosyon niya.
"Pangalan ko?"
Tumango si Elsie. "Oo, isusulat ko na kasi rito sa taas ng papel para makapagsimula na tayo," paliwanag niya.
Napatingin ang lalaki sa ballpen na hawak ni Elsie.
"A . . . Franco—Franco Alfaro."
Ngumiti lamang si Elsie. Natatakpan ng ilang hibla ng kanyang buhok ang mukha niya.
BINABASA MO ANG
A Game of Truth and Dare
ParanormalNot a typical truth or dare because you'll do it BOTH. *** While visiting a deserted temple, a group of friends decided to engage in a game of truth and dare. They are unaware that the location is inhabited by evil spirits. As they answer the truth...