Birthday wish

22 7 19
                                    

🖤

"Happy new year!"

Sabay-sabay na sumigaw sina Elsa, Edward at Elsie. Makikita ang mga masasayang ngiti nila habang sinasalubong ang bagong taon.

Si Grim naman ay nakaupo sa sulok. Hindi na niya magawang maging masaya tuwing may ganitong okasyon. Tuwing Pasko at Bagong Taon ay lagi siyang sumasabit sa mga handaan. Minsan kina Fatima, pero madalas kina Elsie. Sa totoo lang ay ayaw niyang makipagdiwang sa kahit sino, pero mapilit lagi si Elsie dahil ayaw niyang mapag-isa si Grim.

Ang lagi lang natatandaan ni Grim sa tuwing may okasyon ay ang nakikita niya sa mga mata ni Elsie—awa. Ito ang pinakaayaw niyang ibinibigay ng isang tao sa kanya.

"O, bakit nand'yan ka?" tanong ni Elsie.

Ngumiti nang sobrang lapad si Grim na kung nakakapunit lang ng mukha ang ngiti ay kanina pa ito nasugat.

"Napagod lang akong nakatayo."

"Happy new year, Grim!"

Namuo ang kaunting luha sa mga mata ni Grim.

"Happy new year . . . Elsie."

🖤

ELSIE

"Happy birthday, Fatima!"

Hinipan ni Fatima ang tatlong red candles sa ibabaw ng color pink na two-layered cake. Masayang-masaya siya ngayon, kitang-kita sa maningning niyang mga mata. Nasa tabi niya si Tita Frida. Napakasaya nilang tingnan. Ang tagal niyang pumikit kanina habang nag-wi-wish at napunta sa direksyon ko ang usok ng kandila. 'Di ko tuloy maiwasang kabahan.

Narito sina Grim at Franco. Hindi na nakapunta ang mga magulang namin. Narito rin ang ibang mga kamag-anak nila. Masaya naman ako para kay Fatima, pero hanggang ngayon ay gulong-gulo ako.

Ang sabi ni Alejandro ay mag-observe ako. Hangga't hindi raw niya alam ang gagawin ay wala muna raw kaming dapat na pagsabihan.

Napakatanga ko na ba? Maaaring oo, pero may tiwala na ako kay Alejandro. Base na rin sa nararamdaman kong mga weird na bagay, sinasabi rin ng instinct ko na dapat ko siyang pagkatiwalaan.

Lumayo muna ako at dumungaw sa kanilang bintana.

"Okay ka lang?" tanong ni Franco. Inabutan niya ako ng champagne.

"Oo, thank you."

Ang sabi ni Alejandro, noong araw na nagising ako sa bahay niya ay 'yon 'yong araw na nakabalik kami sa past. Kaya pala ibang-iba ang gising ko no'ng araw na 'yon. Nauna siyang nagising noon at nakita niya ako sa kanyang kama.

March 01, 2012 ang araw na yon. May 31, 2012 na ngayon. Halos tatlong buwan na kami rito kung gano'n. Sa susunod na buwan ang nakatakdang pagkikita namin ni Alejandro at magiging kaibigan din siya nina Franco, Grim at Fatima. Sa susunod na taon, April 20, 2013 ko raw siya sasagutin. Kaya pala nasabi niya na monthsary namin kapag April twenty.

Hindi masabi ni Alejandro ang dahilan kung bakit kami nandito, pero sinabi niyang alam ng mga kaibigan ko. Bakit parang normal lang ang lahat sa kanila? O baka tulad ni Alejandro ay hindi rin dapat nila sasabihin sa 'kin? Bakit naman kung gano'n?

A Game of Truth and DareTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon