ELSIE
"Nandito na tayo."
Unti-unti kong iminulat ang mga mata ko. Boses 'yon ni Tita Pina.
Nandito na kami?
Hindi ko na naman maibuka nang maayos ang mga mata ko. Naramdaman ko na lang na unti-unting ibinababa ang duyan na kinalalagyan ko.
Ang tagal ko bang tulog?
"Elsie . . . " May humawak sa kamay ko.
Naibuka ko na ang mga mata ko at nahirapang mag-adjust ng paningin ko. Muli akong pumikit at nilaliman ko ang paghinga ko. Sumakit bigla ang gilid ng dibdib ko dahil sa malalim na paghinga.
Iminulat ko ang mga mata ko. Nakaupo sa tabi ko si Alejandro.
"Nandito na tayo, Elsie," sabi niya. Namumuo ang luha sa mga mata niya.
Tumango ako at pinilit kong bumangon. Inalalayan niya ako hanggang sa makaupo ako nang maayos. Nag-uusap sina Tita Pina at Mang Bagani.
Ibinaba ko ang mga paa ko sa lupa at hinawakan ni Franco ang braso ko, samantalang nakaalalay lang sa likuran ko si Alejandro. Itinayo nila ako nang dahan-dahan. Naramdaman ko ang pagtunog ng mga buto ko.
"Aalis na kami. Hanggang dito na lang ang maitutulong namin. Pasensya na kayo kung ayaw na naming mangialam," paliwanag ni Mang Bagani sa 'min.
"Maraming salamat, Bagani. Sapat na ang itinulong mo sa 'min."
Tumango lamang si Mang Bagani kay Tita Pina. "Mag-iingat kayo."
"Salamat po," magalang na sabi nina Franco at Alejandro sa kanila.
Naglakad na sila paalis dala ang duyan kung saan nila ako isinakay.
Humarap sa 'min si Tita Pina. "Nandito na tayo. Kailangang mahawakan ko agad ang balarao at itim na libro."
Tumango lamang ako. Parang mas lalo akong nanghina kahit na nakatulog ako.
Ipinatong ko ang mga braso ko sa balikat nina Alejandro at Franco. Tulad ng dati ay malamig na pakiramdam ang agad na naramdaman ko nang makapasok kami.
"Grabe . . . ang tapang n'yong pumasok dito noon," sabi ni Tita Pina. May hawak siyang rosaryo sa kaliwang kamay niya. Alam kong kinakabahan siya dahil mabagal siyang maglakad.
Ngayon ko lang napansin ang mga nakahilerang upuan na gawa sa semento. Nauuna si Tita Pina sa paglalakad. Dumaan kami sa masikip na pasilyo at tulad ng dati ay naaamoy ko ang mga may sinding kandila.
Napatigil sa paglalakad si Tita Pina nang malampasan namin ang pasilyo. Inangat ko ang ulo ko at tulad nila ay natulala rin ako sa nakita ko.
"Ano'ng ginagawa n'yo rito?" tanong ni Tita Pina.
Nakatayo sa harapan ng altar sina Grim at Fatima. Hawak ni Grim ang itim na libro at hawak naman ni Fatima ang balarao.
"Els," naluluhang sabi ni Fatima nang matitigan niya 'ko.
"Ano'ng ginagawa n'yo rito?" tanong muli ni Tita Pina nang 'di sila sumagot.
BINABASA MO ANG
A Game of Truth and Dare
ParanormalNot a typical truth or dare because you'll do it BOTH. *** While visiting a deserted temple, a group of friends decided to engage in a game of truth and dare. They are unaware that the location is inhabited by evil spirits. As they answer the truth...