ELSIE
" . . . at ako na lang ang . . . natirang buhay."
Napatingin kami ni Franco sa isa't isa. Parang may nabuhay na takot sa dibdib ko.
"Bakit po? Bakit kayo na lang ang natira?" tanong ni Franco sa kanya.
Biglang ngumiti si Aling Berna. May kredibilidad kaya ang sinasabi niya?
"Sasabihin ko lahat sa 'yo kung bibigyan mo 'ko ng pera," nakangising sabi ni Aling Berna.
Inilabas ni Franco mula sa loob ng jacket niya ang isang puting sobre. Inabot niya ito kay Aling Berna.
Namilog ang mga mata niya habang hawak niya 'yong sobre.
"Twenty-thousand 'yan. Madadagdagan pa 'yan kung sasabihin n'yo sa 'min ang buong detalye."
Binuksan ni Aling Berna ang sobre at tahimik na binilang ang nasa loob. Halos mapunit na ang labi niya sa sobrang ngiti nang matapos siya.
"Ganito 'yon . . ." nakangiti niyang sabi 'tsaka nagpatuloy, " . . . may kaibigan ako—si Edith. 'Yong lola niya ay nakatira noon sa Limoro, kaso lumipat na sila rito."
Walang nagsalita sa 'min ni Franco. Pinapakinggan lang namin siya. "'Yong lola niya ang nagbigay ng mapa kay Edith. Ginamit namin 'yong mapa na 'yon para makapunta sa bayan ng Limoro. Marami pang mga mapa ang ibinaon ng mga misyonaryong nakaligtas sa labanan. Kung saan-saan daw nila 'yon ibinaon, pero nakakuha ng kopya noon ang lola ni Edith. Gusto kasi ng mga misyonaryo na 'yon na balang araw ay muling mahanap ng mga modernong maestra ang lugar na 'yon at muling buhayin ang relihiyon na pinaniniwalaan nila."
Wala pa siyang kuwinikuwentong nakakatakot, pero ramdam ko na ang lamig sa balat ko. Walang bahid ng inis ang boses niya. Napakaamo ng pagsasalita niya matapos niyang mahawakan ang pera.
"Bakit po pumapayag ang mga taga-Limoro na may mga dayong pumupunta sa lugar nila?" tanong ni Franco.
"Para masagot ko 'yang tanong mo, kailangan mong dagdagan 'tong pera," nakangisi niyang sabi.
Napabuntong-hininga si Franco at muling dumukot ng sobre sa loob ng jacket niya. Inabot niya ito kay Aling Berna. "Twenty-thousand ulit 'yan. Please, h'wag n'yo kaming bitinin."
Napatawa nang kaunti si Aling Berna. "Ang sungit mo naman, pogi."
Hindi naman pinansin ni Franco ang sinabi niya.
"Hindi nagsasalita ang mga taga-Limoro tungkol sa lugar. P'wede nilang sabihin kung saan ang kinalalagyan ng templo, pero hindi sila nagbibigay ng babala. Dati kasi, sinubok ng mga ninuno nila na sunugin ang templo, pero hindi ito nasunog. Nagkasakit 'yong mga taong gumawa ng sunog, ang iba naman ay namatay. Hanggang sa lumipas ang ilang henerasyon, kahit ano'ng gawin ng mga taga-Limoro ay 'di pa rin nagigiba ang templo. Nagkakasakit lang at namamatay ang mga taong sinusubukang tibagin 'yon. Tapos, napansin din nilang namamatay ang sinumang magsasabi ng mga babala. Higit sa lahat, ang mga taong nakikita nilang pumupunta sa templo ay hindi na nila nakikitang lumalabas pa."
Napakapit ako sa jacket ko. Pakiramdam ko ay nasakop na ng takot ang buong katawan ko.
"Saan po galing 'yong libro? Sino'ng nagsindi ng mga kandila?"
BINABASA MO ANG
A Game of Truth and Dare
ParanormalNot a typical truth or dare because you'll do it BOTH. *** While visiting a deserted temple, a group of friends decided to engage in a game of truth and dare. They are unaware that the location is inhabited by evil spirits. As they answer the truth...