🖤
"Ano'ng mas gusto mo, aso o pusa?"
"Hindi ko alam. Hindi ako mahilig sa pets."
Hinaplos ni Alejandro ang buhok ko. "Ikaw talaga. Ganito na lang, ano sa tingin mo ang mas cute . . . aso o pusa?"
Sandali akong nag-isip.
"Pusa."
Ngumiti siya nang magtama ang mga mata namin. Mula umpisa ng relasyon namin ay laging sinasalubong ng ngiti niya ang mga mata ko. Ang lahat ay magaan kapag kasama ko siya. Mabait siya at maaalalahanin. May freedom akong gawin ang mga gusto ko.
"Gusto mo bang bigyan kita?"
Tinitigan ko siya. Hinahanap ko kung may senyales ba ng pagbibiro sa mukha niya, pero wala akong nakita.
"P'wede. Baka magustuhan kong mag-alaga kung may pusa ako, pero sabi ni Tita Pina ay malas daw ang mga pusa."
Gumuhit ang ilang gatla sa noo niya. "Hindi malas ang mga pusa. Blessing sila."
Tumango ako. Siguro ay wala namang magagawa sina Tita Pina at Mama kung mag-aalaga ako ng pusa.
"Sige, gusto ko ng itim na pusa. May nakikita kami ni Franco sa daan na itim na pusa noon. Gusto ko ng gano'n."
Ngumiti siya nang malawak.
"Sige . . . bibigyan kita, Elsie."
🖤
ELSIE
"Ilang araw na 'yang pusa rito. 'Di mo ba 'yan ibabalik kung sa'n mo kinuha?" singhal ni Mama sa 'kin.
Kalong ko si Eeyore habang nakaupo ako sa pulang sofa namin.
"Hindi naman po umalis si Eeyore, ibig sabihin ay walang nagmamay-ari sa kanya."
Nakapamewang si Mama, parang makikigiyera.
"At kailan ka pa nahilig sa pusa? Buong araw kang wala kaya sa 'kin naiiwan si Eer."
"Eeyore, Ma."
"Bakit kasi komplikado pa ang pangalan niya, p'wede namang Muning o Kitty, 'tsaka pag nakita ni Pina 'yan, sasabihin niyang malas 'yan."
Napabuntong-hininga na lang ako. "Attached na 'ko sa kanya, Ma. Hindi siya malas. Pusa siya at may buhay."
Tatlong araw na ang lumipas mula no'ng nakita ko 'tong si Eeyore, pero pumasok na siya agad sa puso ko. May puwang pala sa puso ko ang pag-aalaga ng hayop. Hindi ko masabi, pero parang matagal ko na itong alaga.
Tumalikod si Mama at pinagpatuloy niya ang pagpupunas sa lamesa. "Wala na 'kong magagawa, pero hindi dapat laging tilapia ang ulam niya. Mag-ulam din siya ng gulay."
"Opo, Ma."
Natawa ako nang mahina. Hindi talaga ako matitiis ni Mama. Mahal na mahal ko siya. Mula pa noon ay itinaguyod na niya kami ni Kuya. Bata pa lang kami ni Kuya no'ng namatay si Papa. Maraming naipamana sa 'min si Papa na pera kaya nakapagnegosyo noon ng mga panindang damit si Mama. Ngayong nakatapos na kami at tumatanda na si Mama ay nandito na siya sa bahay. Ayaw naman niyang kumuha kami ng kasambahay. Hindi rin siya humihingi sa 'min ni Kuya ng pambayad sa mga bills dahil kinukuha niya ang pera sa pension niya. Dahil do'n ay sa pagkain na lang kami bumabawi ni Kuya. Sa edad na sixty ay maliksi pa si Mama at nagpapasalamat kami sa kanya nang sobra.
BINABASA MO ANG
A Game of Truth and Dare
ParanormalNot a typical truth or dare because you'll do it BOTH. *** While visiting a deserted temple, a group of friends decided to engage in a game of truth and dare. They are unaware that the location is inhabited by evil spirits. As they answer the truth...