Franco's Dare

18 4 29
                                    

ELSIE

"Kailangang makaalis na tayong dalawa rito. Hindi natin alam kung kailan matatapos ang laro!"

Natahimik ako sa sinabi ni Franco. Hindi ko akalaing ganito siya mag-isip. Kaibigan din niya sina Grim, Fatima at Alejandro. Pero sa kabilang banda, baka gano'n din sina Grim at Fatima. Mukhang mawawasak na ang pagkakaibigan namin.

"Hindi ko alam 'yong dare ko . . . kasi, wala pa akong naaalala," sagot ko. Nawalan na 'ko ng tiwala sa kanya at kahit na ano'ng gawin ko ay nakararamdam ako ng sakit sa t'wing magkasama kami.

"Kung gano'n, kailangan talaga nating malaman ang mga dare nila."

Napapikit ako at dinama ang mellow music ng sasakyan niya.

"Alam mong imposible 'yon."

Napangisi siya, isang bagay na 'di niya ginagawa. "May alas pa tayo."

"Ano?"

Tumigil ang sasakyan niya dahil sa stop light. Muli siyang napatingin sa 'kin. "Hindi ano, kundi sino."

"Sino?"

"Si Aling Berna."

Napabuntong-hininga ako. Sawang-sawa na 'kong huminga.

"'Yon ba 'yong kapit-bahay ni Grim?" Hindi ko siya gustong tingnan dahil baka mabuko niya 'ko na nakakaalala na 'ko.

"Oo. Ang sabi ni Grim, siya ang nagsabi ng tungkol sa ginawa natin."

Tumango lang ako.

"Baka nakausap na siya ni Grim," sagot ko. Napatingin ako sa labas ng bintana ng kotse. Nakaramdam ako ng panginginig sa balat. Parang ang sama-sama kong kaibigan. Naglolokohan lang kaming lahat.

"Possible. Pero . . . mahirap pa sa panahon na 'to si Aling Berna. Kapit-bahay lang siya ni Grim. Madali natin siyang mapapaamin kung tatapatan natin siya ng pera."

Napatingin ako sa kanya. Si Franco ba talaga 'tong kasama ko? Alam na kaya ni Aling Berna ang tungkol sa templo sa panahon na 'to?

"Sa susunod na araw . . ." Napatingin siya sa 'kin.

"Pupuntahan natin siya."

★★★

"Ano sa tingin mo ang dahilan kung bakit ayaw ka nilang kausapin?" tanong ko kay Alejandro.

Nakatitig lang ako sa kanya. Nandito kami sa restaurant kung sa'n kami madalas kumain noong magkarelasyon pa kami. Hindi na namin napag-usapan ang tungkol sa 'ming dalawa. Hindi pa 'yon mahalaga sa ngayon.

"Dahil sa 'yo. Ang alam nila ay 'di ka pa nakakaalala. Alam nilang magiging dahilan ako para ma-confuse ka at magtanong."

Hindi ako nakapagsalita. Bakit parang alam ko naman ang sagot, pero gusto ko pa ring mapatunayan?

"Hindi mo pa ba natatanggap? Mula pa no'ng umpisa ay gusto lang nilang makaalis at matupad ang wish nila. Kasi kung gusto nilang lahat tayo ay makaalis, 'di nila 'ko iiwasan at sasabihin nila sa 'yong nandito tayo sa past. Siguro no'ng nandito na sila, nagtaka rin sila no'ng una, pero kahit gano'n dapat ay sinabi nila sa 'yo."

A Game of Truth and DareTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon