🖤
"May nangyaring masama kay Eeyore!"
"Po?"
Hindi mailarawan ni Elsie ang kabang naramdaman niya nang tumawag ang kanyang ina.
"Umuwi ka na, anak!"
Malapit na ang oras ng uwian, pero ayaw na niyang hintayin ito. Agad siyang tumayo at inayos ang mga papel na nasa harapan niya. Pinatay niya ang computer at patakbong naglakad papunta sa cubicle ni Franco.
"Franco, mauuna na 'ko. May nangyari daw kay Eeyore!"
"Ano? Sumakay ka na sa kotse ko."
Hindi na tumanggi si Elsie. Nagpaalam na sila sa mga katrabaho nila. Tinawagan muli ni Elsie ang kanyang ina, pero hindi ito sumasagot.
Para sa kanya ay napakahalaga ni Eeyore. Hindi lang ito pusa, bigay ito ni Alejandro at itinuring na niya itong parte ng pamilya. Simpleng hayop man sa paningin ng iba, hindi pa rin matatawaran ang pagmamahal niya para sa itim na pusa.
NAKABUKAS ang pintuan ng bahay nila. Naabutan niya ang kanyang ina na nakaupo sa isang mababang bangko. Tinititigan ni Elsa si Eeyore na nakalagay sa isang karton at natatakpan ng puting tela.
"Ma, ano'ng nangyari?"
Bago pa man makasagot si Elsa ay yumuko paluhod si Elsie. Mabilis na nagsilabasan ang kanyang mga luha. Dahan-dahan niyang inalis ang puting tela at tumambad sa kanya ang sugatang katawan ni Eeyore. Wala na itong buhay at lasug-lasog na ang katawan.
Napaupo siya sa sahig kaya inalalayan siya ni Franco. Napatakip siya sa kanyang bibig habang sumisikip ang kanyang dibdib.
"Nasagasahan siya, anak."
🖤
ELSIE
"Hindi ka ba kakain 'nak?"
Hindi ko magawang lumingon sa pintuan. Umiling-iling lamang ako.
Narinig ko na lang ang pagsara ng pinto. Hindi ako pumasok sa trabaho at inabutan na 'ko ng gabi sa kuwarto ko. Naglagay sina Mama at Kuya ng bagong kutson at itinapon na nila 'yong sinirang kama ko.
Nakasandal lang ako sa headboard at nakatitig sa harapan ko. Dumating ang mga pulis kagabi at iimbestigahan na lang daw nila ang pangyayari dahil walang nakitang ebidensya na p'wedeng magturo sa kung sino mang halang ang kaluluwang gumawa nito kay Eeyore. Tinitingnan nila ang anggulo na baka may nananakot sa 'min, lalo sa 'kin. Hindi ko na pinakinggan ang iba pa nilang sinabi. Ang tanging hiling ko ngayon ay guminhawa ang dibdib ko, pero kahit na anong hiling ko . . . kahit na anong iyak ko ay punong-puno pa rin ng sakit.
Isa lamang siyang simpleng pusa na nahanap namin ni Franco, pero para sa 'kin ay parte na siya ng pamilya namin at hindi masusukat kung ga'no ko siya kamahal.
Akala ko ay 'di ako marunong magmahal ng hayop, pero kasing sakit pala ng pagkawala niya ang pagkamatay ni papa noon.
Itinabi na ni Mama ang higaan niya para hindi ko na siya masyadong maisip, pero kahit wala akong makita na magpapaalala sa 'kin ng tungkol sa kanya ay hindi pa rin nawawala sa utak ko ang hitsura ng nahati niyang katawan.
BINABASA MO ANG
A Game of Truth and Dare
ParanormalNot a typical truth or dare because you'll do it BOTH. *** While visiting a deserted temple, a group of friends decided to engage in a game of truth and dare. They are unaware that the location is inhabited by evil spirits. As they answer the truth...