The Climb

19 5 25
                                    

ELSIE

"Kakayanin n'yo kayang umakyat ng bundok?" tanong ni Tita Pina.

"Kaya, Tita. Magpapalitan na lang kami ni Franco sa pagbubuhat kay Elsie."

Nakatayo sila ngayon sa paanan ng bundok, samantalang nakaupo ako sa malaking bato. Pinalitan ko na ang damit ko ng maluwang na T-shirt at jogging pants. Suot ko rin ang jacket ni Alejandro. Hinihintay lang namin ang paglabas ng araw para mas makita nila ang daan.

"Sige, gano'n na lang. 'Di bale, sabi ni Bagani ay aabagangan niya tayo sa gitna ng bundok para tulungan tayo," sagot ni Tita Pina.

"Sino po si Bagani?" tanong ko.

"Siya 'yong nakausap natin noon, 'yong pinagtanungan natin kung saan mahahanap ang templo," sagot ni Alejandro.

Napatingin ako sa lupa sa harapan ko. Tama. Siya 'yong matanda na punong-puno ng tattoo sa buong katawan.

"Nakausap n'yo po sila?"

"Oo, iha. Umakyat kami ni Alejandro papunta sa Limoro para humingi ng tulong sa kanila."

Lumapit siya sa 'kin at umupo sa isang malaking bato sa tabi ko. "Humingi ng tulong sa 'kin si Alejandro. Pumunta kami sa bundok para makausap ang mga taga-Limoro. Mababait talaga sila at marami kaming nalaman."

Napatingin ako kay Alejandro. Ngumiti lamang siya nang magtama ang mga mata namin.

"Ano po'ng mga nalaman n'yo?"

Tumingin muna siya kina Alejandro at Franco bago nagsalita.

"Napag-alaman ng mga taga-Limoro na ang templo ay binabalot ng malakas na puwersa ng kasamaan at mamamatay ang sinumang sisira nito. Maraming kumakalat na folklores tungkol sa templo at sa itim na libro."

Tahimik lang ako. Pakiramdam ko ay may sugat sa lalamunan ko.

"Ang itim na libro ay isinulat ni Griselda, isang batang babae na galing sa huling henerasyon ng mga maestro. Si Griko ay isang maestro na umibig kay Selia—isang babae na taga-Limoro at si Griselda ang naging bunga ng kanilang bawal na pag-ibig. Noong nagkagulo ay namatay si Griko at naiwan si Selia at ang sanggol. Gusto ng mga taga-Limoro noon na patayin ang sanggol dahil naniniwala silang hangga't may nananalaytay raw na dugo ng mga maestro ay hindi kailanman makalalaya ang mga taga-Limoro mula sa pananakop. Dahil sa takot ay dinala ni Selia ang anak niya sa templo at umawit ng dasal para sa demonyo."

Nanginig ang katawan ko. May mas malalim pa palang pinagmulan 'yong libro. Huminga nang malalim si Tita Pina. Mukhang alam na nina Alejandro at Franco ang tungkol dito dahil hindi na sila nabigla. Ang sabi lang sa 'kin ni Franco, no'ng nahimatay raw ako ay dinala niya 'ko sa ospital at pumunta sina Mama at Kuya. Dalawang araw na raw akong tulog at nanghihina. Dahil do'n ay dumaan daw ang katawan ko sa mga tests at lumabas na may cancer ako sa dugo.

"Kapalit ng kaligtasan ni Griselda ay ang pagkuha niya ng maraming kaluluwa para maging tahanan ng mga masasamang espirito ang templo na dating sambahan ng kabutihan. Dahil sa takot at kawalan ng pag-asa ay pumayag ang nanay niya. Nang dumating ang mga kababayan niya na papatay sana sa sanggol na si Griselda ay hindi na nila ito nahanap. Magmula noon, hindi na nahanap ng kanilang mga ninuno ang bata. Pilit nilang tinatanong si Selia, pero kailanman ay hindi siya nagbigay ng kasagutan."

A Game of Truth and DareTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon