Kabanata 6
NAKATINGIN sa sariling repleksyon sa salamin si Santiago, habang inaayos nito ang sariling uniporme pang heneral. Ngayon ang balik niya sa trabaho kahit na kakatapos lang ng kasal kahapon. Ang kasal na naganap sa pagitan ng San Juan at Galaciano ay isa lamang kasunduan. Hindi niya ito ginusto, wala siyang pagtingin sa napangasawa, ngunit dahil siya ang panganay ay likas na sa kaniya ang maging sunod-sunuran sa anumang desisyon ng kaniyang mga magulang.
Simula pagkabata tanging mga magulang niya ang nagdedesisyon sa kaniyang sarili. Kahit may mga bagay siyang hindi niya gusto ay wala siyang kakayahang sumalungat o suwayin ang mga ito.
Matapos maging komportable sa suot ay kinuha niya ang baril na nakalagay sa drawer saka ito inilagay sa kaniyang baywang, bago tuluyang lumabas sa kaniyang silid.
Napatigil siya sa tapat ng pintuan ng kaniyang asawa. Naalala niya ang eksena kagabi, kung paano siya sinigawan nito na akala mo'y kung umasta ay sigang lalaki.
Umamba ang kamay niyang kakatok pero nagdadalawang isip. Sa huli ibinaba na lang niya ang kamay, wala dapat siyang pakialam rito kahit na asawa na niya ito. Kasal lang sila sa papel, at hanggang doon lang iyon.
Aalis na dapat siya sa tapat ng pinto nang may dalawang tagapagsilbi ang dumaan at magalang siyang binati.
"Señor, kanina pa po namin kinakatok si Señorita Florida para anyayahan sa agahan ngunit hindi ho siya sumasagot," napalingon muli si Santiago sa pintuan bago muling hinarap ang tagapagsilbi.
"Pakikuha ng susi," muling yumuko ang dalawa bago umalis para sundin ang inutos ng amo.
Nang bumalik ang mga ito dala ang susi ay agad binuksan ni Santiago ang nakasarang pinto. May namumuong ideya sa kaniyang isipan na baka naglayas ang babae. Ngunit nang makapasok siya sa silid ay tumambad sa kaniyang harapan ang payapang natutulog na asawa.
Kumunot ang kaniyang noo nang makita ang ayos nito. Magulo ang kama, ang ilang unan ay nasa sahig na, maging ang sapin sa kama ay wala na sa ayos. Nakabukakang nakahiga si Florida, sa baywang nito ay nakapulupot ang kumot, ang isang kamay niya ay nakalaylay na sa sahig. Isang likot pa ng dalaga tiyak na mahuhulog na ito sa kama.
Pinagmasdan ni Santiago ang asawa, mula sa maamong mukha nito habang natutulog ay hindi niya akalain na mala-dragon ito kapag gising. Hindi niya rin maintindihan ang kinikilos nito isang ugaling hindi natutulad sa mga ordinaryong binibini na sadyang mahinhin at kaibig-ibig.
Naalerto siya nang gumalaw ito sa pagkakahiga, muntik nang mahulog ang dalaga sa sahig buti na lang maagap si Santigao at agad niyang naalalayan. Sa kabila nang nangyari ay hindi man lang ito nagising. Doon niya mas lalong napagmasdan ang mukha ng dalaga.
Agaw pansin sa kaniya ang napakaiksing buhok nito, bagay na hindi pangkaraniwan sa isang babae sa panahong ito. Naniniwala silang isang kahalayan sa mata ng Diyos ang may maiksing buhok sa babae, gano'n rin sa lalaking may mahabang buhok.
Nagulat siya nang sumilip sa pintuan ang dalawang tagapagsilbi at nagsalita. "Señor, narito po ang iyong kapatid kasama ang dalawang kapatid ni Señorita Florida."
Samantala, nagising bigla si Flory at naabutan nito ang nakayukong binata malapit sa mukha niya habang nakabaling ang tingin nito sa tagapagsilbi. Gulat na napabangon siya.
"Hoy! Anong ginagawa mo rito?!" Napakurap at biglang napaatras si Santigao habang nakatingin sa kaniya na nakatayo sa ibabaw ng kama, nakaporma ang dalawang kamay na handa siya nitong suntokin.
Masama ang tingin ni Flory sa lalaki, wala siyang tiwala rito lalo na hindi naman niya ito kilala. Bukod sa hindi niya makalimutan ang ginawa nito sa simbahan ay naiinis rin siyang makita ito sa mismong silid na tinutulugan niya.
BINABASA MO ANG
When Present Meets The Past(COMPLETED)
Fiksi SejarahENCHANTED BOOK SERIES No.2 Philippines Historical Fiction Fantasy, Romance By Señora Starla "Kung maaaring humiling, sana sa mga susunod na kabilugan ng buwan, sa susunod na pagbukas ng libro at paglipat ng mga pahina hangad naming sana ay muli tayo...