Kabanata 11

268 22 0
                                    

Kabanata 11

MATAMLAY na bumababa ng hagdan si Flory, kakagising niya lang at ngayon ay patungo siya sa kusina para mag-almusal. Iyon ang routine niya tuwing umaga sa panahong 'to, kung dati ay mouse, keyboard, at computer game ang kaharap niya sa umaga.

Napapaisip rin siya kapag sasapit na ang gabi, at tuwing mag-isa siya kung anong dahilan nang pagkakapunta nila sa panahong 'to. Minsan pumasok sa isip niya na baka napaglaruan sila ng engkanto, pero lahat ng iyon ay haka-haka pa rin. Wala siyang mapatunayan. Naisin man nilang makauwi na sa panahon nila pero paano?

Habang bumababa ng hagdan, sunod-sunod na tahol ang nagpagising sa isip niyang tinatangay papunta sa present.

"Punye*toot*!" Gulat siyang nakatingin sa kulay itim na malaking aso na sumalubong sa kaniya sa ibaba. Kabadong umatras paitaas, kita niya ang pagtataasan ng balahibo ng aso na handa siyang sungaban para kagatin.

Hindi niya alam kung paanong nagkaroon ng aso sa bahay, at kung kanino ito. Naging mas agresibo ang aso sa pag-tahol, kaya sunod-sunod na napamura siya at hindi namalayan ang sariling napatili ng matinis habang tumatakbo muli pataas.

Nakalimutan niya sandaling isa siyang siga, matapang at walang inuurungan. Sa buong buhay niya ito ang kauna-unahang napatili siya dahil sa takot na baka makagat siya ng aso.

Mula sa loob ng kwarto ni Santiago ay rinig na rinig ang matinis na sigaw ng asawa. Kasalukuyan niyang inaayos ang suot na uniporme habang nakaharap sa salamin. Sa pagtataka dahil ngayon niya lang narinig na mapatili ang babae ay napalabas siya ng kwarto.

Nang mabuksan ang pinto doon niya lang malinaw na narinig ang pagtahol ni Makisig. Mabilis siyang humakbang para puntahan ang kinaroroonan nito.

Nagulat siya sa nasaksihan nang makitang nasa bungad ng hagdan si Flory habang buhat nito ang mamahaling paso na dating nakalagay sa gilid ng hagdan.

Nanginginig man si Flory sa kaba ngunit handa siyang ihampas ang hawak na paso kunsakaling lusubin siya ng aso at kagatin. Patuloy ang pagtahol nito sa kaniya dahilan para mas lalo siyang kabahan.

"Huwag mong gawin 'yan!" Sigaw ni Santiago nang makita siya. Mabilis itong nakalapit sa  kinaroroonan niya ngunit ang aso ang agad nitong nilapitan na kaagad kumalma nang mahawakan siya ng amo.

Nanghihinang napaupo sa sahig si Flory habang hinahabol ang paghinga. Sobrang lakas ng tibok ng puso niya.

"Punye*toot* na aso yan! Muntik pa akong atakehin sa puso!" Namumutla man ngunit naroon ang matinding galit nito sa aso. Binalingan siya nang tingin ni Santiago, napabuga ito ng hangin saka muling hinarap nito ang aso.

"Makisig, baba," malumanay na saad niya sa aso. Gulat na napatingin sa kaniya si Flory nang sumunod ang aso sa sinabi nito.

"Maayos ka lang ba? Kinagat ka ba niya? Halika nga rito at aking suriin," sunod-sunod nitong sabi habang naka-squat sa harap niya. Akmang hahawakan na siya nito nang maalerto siya at agad niyang tinapat ang kamao sa mukha nito.

Nagtataka siya sa biglang kilos nito. Dati madalas siyang sungitan at hindi pansinin, ngunit sa mga nagdaang araw biglang nagbago ang pakikitungo nito sa kaniya.

"Subukan mo akong hawakan masasapak kita!" Nanlalaki ang mata ng dalaga habang nakaamba ang kamao nito, ngunit tulad ng dati kalmado at walang pagkabahala sa mukha ni Santiago, animo'y nasanay na siyang gano'n ang pagtrato sa kaniya ng dalaga.

"Lumayo ka nga sa 'kin!" Iretang saad pa nito dahil masyado siyang malapit. "Kapag nakita ko pa aso mo ipapakatay ko talaga siya kay Mang Lando. Punye*toot na aso 'yan!"

Nagawa na lang siyang sundan nang tingin ni Santiago papasok muli sa kwarto dahil sa bilis niyang magsalita bago marahas na kinalabog ang pinto pasara.

Naiwang napailing-iling si Santiago, ngunit kalaunan biglang sumilay ang tipid na ngiti sa labi nang maalala ang matinis na pagtili nito kanina na hindi niya alam kung bakit ikinakatuwa niya.

When Present Meets The Past(COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon