Kabanata 26

178 8 0
                                    

Kabanata 26

"CARA! Saan ka pupunta?!" Animo'y walang narinig si Cara sa bawat pagtawag sa kaniya. Pilit siyang hinahabol ng dalawa dahil sa bilis niyang pagtakbo.

"I can explain later, not now! I'm going to save him!" Sigaw niya pabalik sa dalawa na nakahabol pa rin sa kaniya. Muntik pa siyang sumobsob sa lupa dahil sa haba ng kaniyang saya.

Samantala, hindi maunawaan nina Clarity at Flory kung ano ang nangyayari. Naguguluhan sila sa kapatid na may ililigtas ito.

Tuluyan na silang nawalan ng lakas para habulin si Cara nang may dumang kalesa at agad itong hinarangan ni Cara, tumigil naman ito at agad roon sumakay ang dalaga saka muling tumakbo ng mabilis ang kalesa.

Tahip-tahip ang kaba sa dibdib ni Cara. Hindi niya maunawaan kung bakit lubos ang pag-aalala niya sa mangyayari sa katotohanang siya ang nagtakda nito. Ngunit kahit papaano ay umaasa siya sa kaniyang sarili na baka pwede pa, baka magawan pa niya ng paraan para mabago ang wakas ng kwentong ito.

Sa mga natitirang kabanata ng kwento, magkakaroon ng gyera, sasalakay ang mga mananakop sa bansang Pilipinas. Dadanak ang dugo sa bayan ng San Juan. Walang pinipili ang mga Hapones lahat ay kanilang ibibihag kahit pa ikaw ay nasa mataas na katungkulan.

"Ginoo, dalhin niyo ho ako sa mansion ng mga San Juan, paki bilisan po!" Lumingon sa kaniya panandalian ang kutsero.

"Alam ko ang tumatakbo ngayon sa isipan mo, binibini." Bahagyang nagulat si Cara sa sinaad ng kutsero. "Nais ko lang sabihin sa iyo, ang kapalarang itinakda ng isang manunulat kailanman ay hindi na ito magagawang baguhin pa ng kahit sino man."

"S-sino ka?" Nahihintatakutan na saad ni Cara parang bigla siyang nagsisi na hinarang niya ang kalesa. Nanginginig ang kaniyang kamay dahil sa kaba at takot. Paanong nababatid nito ang kaniyang nasa isip. "Paki tigil ang kalesa, bababa ako."

"Huwag kang matakot hindi naman ako kalaban. Binabalaan lang kita sa maaari mong gawin."

"Sino ka ba talaga?!" Ang palaging walang kibo  na si Cara ay nagawa nang sumigaw dahil sa takot at inis. Tumaas baba ang kaniyang paghinga dahil sa pagsigaw niya. Mas lalo siyang nainsulto nang marinig niya ang mahinang pagtawa ng lalaki.

Napatingin siya sa bintana ng kalesa, balak na sana niyang tumalon na lang doon dahil wala siyang tiwala sa lalaking kutsero.

"Nakakatuwang tuksuhin talaga ang mga character. Huwag kang matakot sa 'kin." Muli siyang nilingon ng kutsero para tingnan ang kaniyang reaksiyon. Napakunot ang kaniyang noo nang mapansing may bandana ito na tumatakip sa ilong at bibig ng lalaki na tanging mata lang ang nakikita niya. At gusto niyang mapanganga sa gulat at pagkamangha nang mapansin niya ang kulay gintong mga mata nito. "Gusto ko man magpakilala sa 'yo, pero wala akong pangalan sa kwentong ito." Ngumiti ng mayabang ang kutsero sa kaniya at kumindat.

"Ako'y hamak na extra'ng character lang." Dagdag ng lalaki.

Gulong-gulo na ang utak ni Cara. Ang kaninang nararamdaman na pagkatakot sa lalaki ay humupa na ngunit napalitan naman ito ng pagkauyam. Nayayabangan siya sa lalaki. At nais niya itong sampalin dahil nagawa pang kumindat ng lalaki sa kaniya.

Nawala ang focus niya sa pagkainis sa lalaki nang makita ang nadadaanan nila. Mabilis ang pagpapatakbo ng kalesa ngunit malinaw niyang nakikita ang karumaldumal na paligid.

"Ano ang iyong nararamdaman?"

Nagsimulang manubig ang mata ni Cara. Inilabas niya ang ulo sa bintana para mas makita pa ang paligid. Ang mga kabahayan ay kasalukuyang nasusunog. Sa kalsada nagkalat ang mga patay na katawan. May ilang mga tao ang nakaligtas, nilapitan ang mga bangkay ng kanilang yumaong pamilya. Sumisigaw sila ng galit at hustisya.

When Present Meets The Past(COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon