Chapter 1

954 22 1
                                    

HABOL ko ang aking hininga habang tumatakbo sa kung saan man. Ano'ng lugar ba kasi 'to? Paano ako napunta rito? Sa pagkakaalam ko, naglilinis lang ako ng bahay kanina tapos nandito na ako sa gubat.

Nakakapagod tumakbo, punyeta. Pakiramdam ko rin, lalabas na ang puso ko mula sa katawan ko. Hindi naman ako makatigil! Para kasing may hahablot sa akin kapag huminto ako sa paggalaw.

May nararamdaman akong humahabol sa akin pero wala naman akong makita. Nababaliw na ba ako?

"Tulong!" sigaw ko. 'Di bale nang magmukhang baliw!

Ilang beses akong sumigaw pero tanging malakas at malamig na simoy ng hangin lang ang sumagot sa akin. Tanging ang buwan lang din na bahagyang tinatakpan ng ulap ang nagbibigay-liwanag sa puwesto ko ngayon.

Ang ganda sana ng tanawin sa totoo lang. Tahimik din, hindi kagaya roon sa bahay kung saan puro bulyaw ng madrasta at mga kapatid ko ang palagi kong naririnig. Hay, sana rito na lang ako.

Mapayapa. Wala ring nanonood sa kilos ko. 'Yon nga lang, wala ring tutulong kapag nakagawa ako ng katangahan.

"Aray!"

At ito na nga ang sinasabi ko. Napadaing na lang ako nang matalisod sa isang maliit na bato. Napatingin ako sa tuhod ko at napangiwi nang makita ang gasgas at mumunting dugo roon.

"Lintik!" Mabilis akong tumayo at tumakbo nang marinig ko ang mumunting hakbang papunta sa direksiyon ko.

Hindi ako makasigurado kung multo ba ang humahabol sa akin o laman loob. Ayokong lumingon. Karamihan kasi ng gumagawa no'n sa mga napapanood ko, namamatay. Ayaw ko pang mamatay!

Kaya lang, mukhang doon na talaga ang destinasyon ko ngayon. Napairit ako nang makitang nasa harap na pala ako ng bangin.

Akala ko ay 'yon na ang pinakanakakagulat na pangyayari ngayong araw, pero bigla na lang nagkaroon ng pader sa magkabilang gilid ko!

Wala naman 'to kanina, ah! Nauntog kaya ang ulo ko nang hindi sinasadya?

"Tangina," napamura ako at napahawak sa aking dibdib, pilit itong pinapakalma.

Kapag pinasukan ako ng nerbyos, mas lalo akong mahihirapang makaisip ng paraan kung paano ako makakaalis dito.

"Mahal na prinsesa."

Hindi naman ako prinsesa, kaya hindi ko alam kung bakit ako lumingon. Nang gawin ko 'yon ay isang matangkad na lalaki na nakasuot ng mamahaling damit ang sumalubong sa akin.

Ang una kong napansin ay kung gaano siya kaguwapo, kakisig, at kung gaano rin kaganda ang kulay asul niyang mga mata. Ang lalim din ng boses na 'to, mukhang mas malalim pa sa bangin dito sa likod ko.

Pero kaagad na nawala sa kan'ya ang atensiyon ko nang itutok niya ang hawak nitong espada sa leeg ko. May bakas pa ng dugo roon. Mabilis tuloy akong napatalon sa takot pero wala naman akong matakbuhan.

"T-Tama na!" bigla ko na lang nabulalas. Hindi ko rin alam kung bakit ko 'yon nasabi, at mas lalong hindi ko maintindihan 'tong takot na nararamdaman ko.

Na para bang pagod na ako sa mga pangyayaring 'to. Nangyari na ba 'to sa akin dati?

"Bakit ka umiiyak?" tanong niya sa mapanghusgang tono. Ang kaliwang kamay niya ay dumako sa pisngi ko, at napasinghap ako nang makitang basa na pala iyon ng luha ko. "Wala pa akong ginagawa sa 'yo, pero natatakot ka na?"

Lalo akong nakaramdam ng takot sa mga salitang 'yon.

Sa isang iglap lang ay nakasandal na ako sa pader. Matalim ang titig niya sa akin nang iangat niya ang kan'yang espada, ambang isasaksak ito sa akin.

The Princess Is A Villainess [TO BE PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon