Chapter 5

275 14 1
                                    

"MAHAL na prinsipe?!" tanong ko habang nanlalaki ang mga mata ko. "Totoo ba 'yon?!"

Hindi niya ako sinagot. Imbes ay humarap ito sa guwardiya at malamig itong tiningnan. "Ano 'yon?"

"Ipinapatawag kayo ng reyna sa palasyo."

Siya nga! Si Prinsipe Ashton Corohelia, ang susunod na hari rito sa lugar namin! Teka, napapanaginipan kong papatayin ako ng prinsipe? Pangitain ba ito na pangit ng ugali niya?

"Ella Cinderia. . ." rinig kong pagtawag niya sa akin.

Kaagad niyang nakuha ang atensiyon ko, lalo na nang humawak siya sa pisngi ko at bahagyang hinaplos iyon. Isang matamis na ngiti ang ipinakita niya sa akin na siyang nagpatigil sa tibok ng puso ko.

"Alam kong magkikita pa tayong muli," nakakaakit na saad niya bago ito umalis.

Saktong pagkaalis ng prinsipe ay nanghina ang mga tuhod ko. Kung hindi lang ako nakakapit doon sa sofa ay paniguradong dumausdos na ako sa sahig.

Nakakatakot na ang presensiya niya noong una pa lang, pero nang malaman kong siya pala ang prinsipe, tila hindi na ako makahinga nang maayos.

Sigurado akong ngayon ko lang siya nakita, pero bakit palagi siyang nasa panaginip ko? Mabuti sana kung nakakakilig 'yon, pero gusto niyang kitilin ang buhay ko.

Isa pang nakapagtataka, paanong hindi niya naamoy 'yong mabaho sa lugar na 'to?

"Teka, 'yong litrato."

Nang maalala ko 'yong mabaho ay naalala ko rin si mama. Mabilis kong inalis ang litrato ni mama sa picture frame. Kahit na siya pa ang susunod na hari ng Corohelia, sigurado akong mas may karapatan ako sa litrato ng nanay ko.

Kailangan kong makaalis dito. Wala na akong pakialam kung malakas ang ulan. Iba ang pakiramdam ko sa bahay na 'to at hindi ko 'yon nagugustuhan. Pakiramdam ko ay may nagmamasid sa akin. Para ring may nakasakal sa leeg ko kaya nahihirapan akong huminga.

Mabilis kong inayos ang mga gamit ko. Aalis na sana ako nang mapadako ulit ang tingin ko roon sa gilid, at nakita kong nandoon pa rin ang sapatos. Sa hindi malamang dahilan ay kakaibang lungkot ang naramdaman ko.

"Kunin mo. . ."

Para bang may bumubulong sa akin ng mga katagang iyon.

Hindi na ako nagdalawang-isip at kinuha ko 'yon. Ipinunas ko ang dugo sa damit ko at inilagay 'yon sa maleta. Pagkatapos no'n ay tuluyan na akong umalis. Ngayon talaga ay pinagsisisihan ko na ang padalos-dalos kong desisyon.

"Ano ba naman 'to! Ang lakas ng loob kong maglayas, wala naman akong mapuntahan!" pagmamaktol ko, nararamdaman kong babagsak na ang luha ko anumang oras.

Mula sa isang patak ng luha ay nagtuloy-tuloy na 'to. Sa ilalim ng puno, sa malakas na ulan, sa kalignaan ng dilim, ipinarinig ko sa mundo ang aking hinaing. Wala akong ibang magawa kun'di kuwestinunin ang langit.

Anong kasalanan ba ang nagawa ko kaya ganito kasakit ang nararamdaman ko ngayon?

Bakit sa dinami-rami ng tao sa mundo, ako pa ang kailangang makaranas ng ganito?

Ipinikit ko ang aking mga mata habang dinadama ang sakit. Lumalakas palagi ang loob ko kapag naaalala ko si papa at ang pangako niyang kukunin niya ako.

Ilang taon akong nagtiis. Ilang taon akong naghintay.

Pero ngayon, ano pa ang hihintayin ko? Saan pa ako kukuha ng lakas ng loob kung tuluyan na rin pala akong iniwan ng mga taong pinagkakapitan ko?

"Ay!" Napabalikwas ako nang biglang may nalaglag sa harapan ko, at napakunot ang noo ko nang makitang 'yon 'yong litrato ni mama na kinuha ko kanina. "Paano nalaglag 'to?"

The Princess Is A Villainess [TO BE PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon