Chapter 9

184 15 2
                                    

"ANG saya maging tao! Kaya lang, parang ang kati sa puwet nitong damit n'yo?"

"Ano ba 'yan, Tristan! Ang baboy naman!"

Habang nasa biyahe kami papunta sa palasyo ay napapailing na lang ako. Tuwang-tuwa kasi si Tristan sa katawan niya, habang si Elton naman ay naiingayan na. Silang dalawa kasi ang nasa unahan ng karwahe, at sila lang din ang nagpapaingay dito sa daan.

Si Hades naman ang nasa tabi ko dahil siya ang aalalay sa akin pababa ng palasyo. Siya lang naman kasi ang tahimik at matino sa kanilang tatlo. Kung naging tao lang sana siya, malamang ay magiging kalaban siya ni prinsipe Ashton.

"Mag-iingat ka roon," ani Hades at sumulyap sa akin.

Tumango ako. Kahit tao ngayon si Hades, ganoon pa rin ang ugali niya. Maalalahanin at tahimik.

Masuri kong tinitigan ang daan papuntang palasyo. Wala nang ibang karwaheng dumaraan bukod sa amin. Tanggap ko naman 'yon dahil kanina pa nagsimula ang handaan, at alam kong pagtitinginan ako mamaya kapag pumasok na ako sa palasyo.

Sa sobrang sukal ng gubat, parang sa sementeryo ako pupunta imbes na sa palasyo. Tumawa ako nang pilit, pero hindi ko maitatanggi ang kabang nararamdaman ko habang papalapit kami sa palasyo.

Ano kaya ang mangyayari mamaya roon? May makukuha kaya akong kasagutan sa mga tanong ko, o baka naman may mangyari na wala sa plano ko?

"Nandito na tayo," ani Hades na siyang nagpabalik sa akin sa reyalidad. Ipinokus ko na ang sarili ko sa daan, at kinuha ang kamay niya na nakalahad sa harapan ko.

Bumaba na ako ng hagdan. Tila tumatambol na ang puso ko, lalo na nang magpunta ako roon sa dalawang guwardiya na siyang humarang din sa akin noong pumunta ako rito.

Napalunok ako habang sinisipat nila ako ng tingin. Noong una, akala ko ay nakilala nila ako, pero hindi pala. Maya maya lang ay biglang namula ang mga mukha nila bago binuksan ang tarangkahan para makapasok ako.

Katulad ng inaasahan ko ay pinagtinginan kaagad ako ng mga tao.

"Sino siya? Ang ganda niya, ah!"

"Saang angkan kaya siya nagmula?"

"Sa itsura niyang 'yan, hindi na ako magtataka kung mapapansin siya ng prinsipe."

Hindi ko na lang sila pinansin kahit na naiilang ako. Kaagad na naglakbay ang tingin ko at hinanap ang prinsipe. Wala akong balak makisalamuha sa iba, at mas lalong wala akong balak maging asawa niya.

Kailangan ko lang siyang makita para makakuha ako ng impormasyon tungkol sa magulang ko.

Pero nasaan siya? Para sa kan'ya 'tong handaan pero hindi ko siya makita.

"Ay, punyeta," pabulong na mura ko nang biglang may naglakad na babae sa harapan ko, dahilan para mapaatras ako at bumangga sa dibdib ng isang lalaki.

"Pasensiya na—"

Hindi ko natapos ang sasabihin ko nang lumingon ako at makita kung sino ang nabangga ko. Walang iba kun'di ang mahal na prinsipe.

At habang hindi ako nakikilala ng lahat, maging ni tita Elizabeth, Dasha, at Anastasia na nakatingin lang sa akin mula sa malayo, iba ang kay prinsipe Ashton.

Para bang nakilala niya ako kaagad sa unang tingin.

MAKALIPAS ang ilang minuto ay hindi ko inaasahan ang mga pangyayari. Hindi ako prinsesa. Kung tutuusin nga ay mukhang pangmangkukulam itong suot ko kung ikukumpara sa kanila. At mas lalong hindi ako marunong sumayaw!

Pero ito ako ngayon, nakikipagsayaw sa prinsipe sa gitna ng palasyo habang ang mata ng lahat ay nasa amin.

"Huwag mo silang pansinin," aniya at marahang hinaplos ang beywang ko. "Ikaw ang pinakamaganda sa lugar na 'to ngayon. Halos hindi nga kita nakilala kung hindi dahil sa mga mata mo."

The Princess Is A Villainess [TO BE PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon