Chapter 12

158 13 0
                                    

HINDI lang si prinsipe Ashton ang nalilito ngayon. Nanlalaki rin ang mga mata ko habang nakatitig sa kan'ya, hindi alam kung ano ang sasabihin. Maging ako, hindi ko rin maintindihan ang mga nangyayari.

Mali.

Naiintindihan ko ang nangyayari, pero hindi ko alam kung bakit humantong ang sitwasyon sa ganito.

Bakit hindi kasya sa akin ang sapatos na ako mismo ang may ari?

Iyon ang tanong ko sa sarili ko, at iyon din ang tanong na nababasa ko sa ekspresiyon ni prinsipe Ashton ngayon. Isa lang ang puwedeng dahilan kung bakit. . . May nagmanipula ng pangyayaring 'to.

Mabilis na gumawi ang tingin ko kay Anastasia. Pasipol-sipol lang ito habang tinitingnan ang sapatos ko at pinakikinggan ang bulung-bulungan ng mga tao sa paligid namin. Napatagilid ang ulo ko at tinitigan siya.

Ito ba ang dahilan kung bakit niya ako hinila papunta rito?

"Ano'ng tinitingin-tingin mo? Tumabi ka na! Hindi naman kasya sa 'yo 'yang sapatos!" singhal niya bago ako itinulak sa gilid. Pagkatapos no'n ay isang matamis na ngiti ang ipinakita nito kay prinsipe Ashton. "Isukat mo na 'yan sa akin, mahal na prinsipe."

Napakunot ang noo ng prinsipe dahil sa padalos-dalos niyang aksiyon, at ganoon din ang sa akin.

Pero padalos-dalos nga ba? O napaghandaan lang niya ang lahat kaya siya kampante ngayon?

Muling hinawakan ni prinsipe Ashton at isinukat ito kay Anastasia. Isang malawak na ngiti ang sumilay sa kan'ya nang magkasya ang sapatos sa kan'ya. Walang kahirap-hirap niyang nasuot iyon, dahilan para mapasinghap kaming lahat—kami ng mga manonood.

Umirit si Anastasia bago inilibot ang tingin sa paligid. "Ako ang prinsesang hinahanap mo, mahal na prinsipe! Ako ang prinsesa ninyong lahat!"

Sa isang iglap ay hinipan ng guwardiya ang hawak nitong trumpeta. Ang isa naman sa mga ito ay lumapit kay Anastasia para bigyan ito ng pulang roba, senyales na ito ang prinsesa.

"Magbunyi!" sigaw ng guwardiya, kasabay ng palakpakan ng mga tao at maging ng ilan sa mga tauhan galing palasyo.

Hindi kaagad nakagalaw si prinsipe Ashton dahil naguguluhan pa siya sa mga nangyayari, pero maya maya rin ay tumayo na ito at lumapit kay Anastasia.

"Sa wakas. Nahanap na rin kita," ani prinsipe Ashton at hinalikan ang likod ng palad ni Anastasia.

"Wala naman talaga akong balak na pagtaguan ka, aking prinsipe!" irit ng kausap, dahilan upang lumapit ang guwardiya.

Sisitahin sana nito si Anastasia dahil sa inaasal niya pero mabilis na inangat ni prinsipe Ashton ang kamay niya.

Para akong binuhusan ng tubig dahil sa mga nangyayari. Bakit ganoon? Bakit nagkaganito ang lahat ng plano ko? Sa akin dapat kumasya ang sapatos dahil akin 'yon! Sa akin ang glass slippers na 'yon. . .

Hindi ko matanggap. Paano pa ako makakalapit sa prinsipe kung haharang kaagad si Anastasia sa daraanan ko?

"Inggit ka, ano?"

At iyan na nga ang demonyong bumaba sa lupa. Nakakainis ang ngiti nito. Sa mga oras na 'to ay parang gusto kong putulin ang dila niya para hindi na siya makapagsalita pa.

"Tama lang talaga na dinala kita rito para mapahiya ka. Ano, ang sakit, 'di ba?" Mas lumawak ang pagngisi niya. "Umuwi ka at sabihin kay mama at Dasha ang napakagandang balita na 'to, okay?"

Habang nag-uusap kami ni Anastasia ay nakatingin lang si prinsipe Ashton sa amin—Sa akin. Kung dati ay may emosyon ang mga mata nito, ngayon ay malamig na ang ekspresiyon niya.

The Princess Is A Villainess [TO BE PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon