Chapter 10

180 12 0
                                    

INANGAT ko ang paningin ko at nakitang si Anastasia iyon. Nakasinghal siya sa akin habang nakakrus ang magkabilang kamay sa dibdib. Masama ang tingin nito sa akin nang magtaas-baba ito, pero may pagtataka rin sa mga mata niya.

Natakot ako bigla dahil sa paraan ng pagkakatingin niya ay parang nakilala niya ako. Aalis na sana ako pero bigla niyang hinawakan ang braso ko at hinila paharap sa kan'ya.

"B-Bakit?" nauutal kong tanong.

"Hindi ka man lang hihingi ng tawad?" aniya habang nakataas ang kilay. "Saka bakit pamilyar ang boses mo? Nagkausap na ba tayo dati?"

Halos mapamura ako sa sinabi niyang 'yon. Niloko ba ako ng lalaki kanina? Sabi niya, walang makakakilala sa 'kin bukod sa prinsipe! Sinungaling!

"Pasensiya na. . ." sinabi ko na lang 'yong gusto niyang marinig.

Pabalik-balik na ang tingin ko sa orasan at kay Anastasia pero ayaw niya akong pakawalan. Kakaiba na rin ang tambol ng puso ko ngayon. Hindi ko alam kung ano'ng mangyayari kapag hindi ako nakaalis dito sa palasyo, pero sa tingin ko ay hindi ko 'yon magugustuhan.

"May kailangan ka pa ba?" tanong ko, pero hindi siya sumagot.

Nakakatuwa ang reaksyon niya ngayon. Halata kasi ang inis nito sa akin dahil ako ang napansin ni prinsipe Ashton. Akala niya ba, ganda lang ang puhunan para mapansin ka ng taong nagugustuhan mo?

Tanga.

"Bitawan mo siya."

Sa isang iglap ay biglang sumulpot sa harap namin si tita Elizabeth. Nakangiti ito pero kita ko ang pagkamuhi sa mga mata niya. Paanong hindi, eh sinira ko ang mga pangarap niya? Imbes na si Anastasia ang kahumalingan ng prinsipe, naging ako 'yon.

Siyempre, hindi ako papayag na maging masaya siya. Hinding-hindi.

"Pasensiya ka na sa kamalditahan ng anak ko," labas sa ilong na saad niya. "O siya, umalis ka na. Mukhang nagmamadali ka," sarkastiko pa nitong saad.

Umirap lang ako bago muling tumakbo palabas ng palasyo, bagay na ikinagulat nila. Makilala man nila ako o hindi, wala akong pakialam. Hanggang dito ba naman ay ganoon pa rin ang pananalita ni tita? Hindi ako makapaniwala.

"Bilis!" ani Elton nang makita akong tumatakbo. Mabuti na lang at nakita ko kaagad ang karwahe namin! Dalawang minuto na lang!

Sunod-sunod na mura ang lumabas sa bibig ko nang tumalon ako papasok sa karwahe. Sakto kasi ay pinaandar na ni Elton ang karwahe. Mabuti na lang din at kaagad akong naalalayan ni Hades na halatang kinakabahan din ngayon.

"Ang sapatos ko—"

"Hindi na tayo puwedeng tumigil. Hayaan mo na," ani Hades nang akmang bababa sana ako para kunin 'yong isang sapatos na nalaglag ko.

Bumuntong hininga na lang ako. Taimtim kaming nananalangin na sana ay makalayo kami kahit papaano mula sa palasyo bago tuluyang mag-alas dose, at mabuti na lang ay natupad iyon. Saktong nasa kagubatan na kami nang unti-unting magiba ang karwahe.

Ang iilang parte ay nagiging kalabasa na at tumatalsik ito sa daan. Mukhang hindi na kami makakauwi sa bahay nito!

"Ah! Ang balanse ko!"

"Sandali! Ang kati ng puwet ko!"

Kasunod no'n ay ang pagmamaktol ni Tristan at Elton. Bigla kasing lumabas ang buntot nila sa puwet. Ganoon na rin ang kay Hades na nag-aalalang tumingin sa akin. Alam niya kasing maiiwan ako sa madilim na gubat na 'to mag-isa.

"Kumapit kayong lahat!" sigaw ko.

Sa isang iglap ay tuluyan nang nagiba ang karwahe. Umirit ang three musketeers bago sila lumagapak sa daan, ganoon na rin ang puwet ko. Ang magandang damit ko kanina ay nagmukhang basahan na ulit.

"Tapos na ang panaginip mo, Cinderella," malungkot na bulong ko.

Ipinagpatuloy ko na ang paglalakad, pero napatigil ako nang makaamoy ng masangsang sa paligid. Pamilyar sa akin ang amoy na 'yon. Saan ko nga ba 'to nasinghot dati?

"Ah!" saad ko. Doon sa bahay ng prinsipe!

Pero. . . bakit nandito ang bahay na 'yon sa harapan ko ngayon? Sa pagkakatanda ko ay hindi 'yon dito nakapuwesto.

Ano'ng nangyayari?

Hindi ko alam kung bakit pero tila nagkaroon ng sariling buhay ang mga paa ko. Bigla itong humakbang sa kung saan, at hindi ko ito mapigil.

"Aray!" Halos matumba ako sa sahig dahil isang sapatos lang ang suot ko, pero tuloy-tuloy pa rin ang mga paa ko sa paglalakad.

Parang dinadala ako ng mga paa ko sa isang importanteng lugar. . . Sa bahay ng prinsipe.

"Ahhh!" napasigaw ako nang makita ang maraming dugo sa mga paa ko. Hindi ko alam kung bakit palagi na lang dumudugo ang mga paa ko, at hindi ko rin 'yon nagugustuhan.

Ayoko na!

Gusto kong tumakbo pero hindi ko na namalayan na nandito na ako ngayon sa loob ng bahay at nakaharap sa isang malaking salamin.

Pero hindi ko nakikita ang mukha ko.

"Mama. . ." saad ko sa isang babaeng nakasuot ng kulay kahel na pang-itaas at puting mahabang palda pang-ibaba. May bahid na rin ng dugo ang damit nito.

"Ella. . . Anak ko. . ." aniya sa isang malungkot na boses.

Napakurap ako dahil sa gulat, at pinasukan ng takot ang puso ko nang hindi gumagalaw ang babae sa harap ng salamin. Ibig ba sabihin nito ay si mama talaga ito?

"M-Mama?" Halos mautal ako dahil sa pangamba.

Masaya akong makita siya kahit bilang isang kaluluwa na lang, pero hindi sa ganitong paraan. Kapag ganito ay mamamatay ako sa takot!

"Huwag na huwag mong kalilimutan ang araw na 'to," bulong niya, dahilan para kumunot ang noo ko.

Magtatanong sana ako kung bakit, pero hindi na ako nakapagsalita pa nang unti-unting dumaloy ang dugo mula sa mga mata niya, sa ilong niya, at sa bibig niya. Sa senaryong iyon ay tuluyang dumilim ang paningin ko.

NANG magising ako ay nasa kuwarto ko na ulit ako. Teka, paano ako nakauwi galing doon sa gubat? Saka nasaan na si mama? Totoo nga ba ang nakita ko o nananaginip lang ako?

"Cinderella."

Napatigil ako sa pagmumuni-muni nang may tumawag sa pangalan ko. Inilibot ko ang paningin at nakita sa kuwarto ko ang lalaking tumulong sa akin kanina.

Pero ngayon ay may kakaiba na sa itsura nito. Dalawang pulang sungay nga ba talaga ang nakikita ko, o namamalikmata lang ako?

Sa isang iglap ay nasa harapan ko na siya bigla. Mas lumawak ang ngisi nito bago hinaplos ang pisngi ko. "Lahat ng bagay ay may kabayaran. Hindi ako nagkulang sa pagpapaalala no'n sa 'yo."

"SOBRANG saya sa party kagabi, 'di ba, Dasha?" ani Anastasia na halatang iniinggit lang ako habang naglilinis ako rito sa kusina.

"Oo naman, at sobrang nagandahan sa 'yo ang prinsipe! Parang gusto ka na nga niya pakasalan kaagad noong mga oras na 'yon!" sagot naman ni Dasha at tumawa.

Napaigik ako habang nagpupunas. Halata naman kasi na sobrang pilit ng mga tawa nila, at napakaplastik nila. Asa naman silang mauuto nila ako?

Ako kaya ang napansin ni prinsipe Ashton noong gabing 'yon.

Mukhang nainis si Anastasia sa akin dahil sa pagtawa ko. Mabilis siyang lumapit sa akin.

"Hoy, ano'ng tinatawa-tawa mo?" aniya.

"Wala." Umiling ako. Ayoko makipagtalo sa inggiterang kagaya niya.

"Huwag kang bumubulong-bulong kapag nandito ako sa bahay, ha? Naaalibadbaran ako sa 'yo! Lintik!"

Umalis na si Anastasia pagkatapos no'n, at sumunod naman si Dasha. Mas lumawak ang ngisi ko nang wala na silang dalawa.

Wala man akong napala noong magpunta ako sa palasyo kagabi, pero nagawa ko namang buwisitin ang buong pamilya ni tita Elizabeth.

Sa ngayon, sapat na 'yon para sa akin. Pero hindi ako titigil. Hindi pa 'yon sapat sa lahat ng sakit na dinulot nila sa 'kin.

Dapat ay matikman din nila ang lupit ng paghihiganti ko.

The Princess Is A Villainess [TO BE PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon