Chapter 7

202 13 1
                                    

"ANO 'yan? Basahan?" tanong ni Anastasia sa akin habang nakataas ang kilay nito.

Tiningnan niya ako mula ulo hanggang baba, tila hinuhusgahan ang suot at itsura ko. Hindi ko naman siya masisisi kung bakit tinawag niyang basahan ang damit ko dahil sobrang simple lang nito.

Ang suot niya ay isang lila na gown na hanggang talampakan ang haba. Maganda si Anastasia, at saktong bumagay pa ang make-up niya sa damit niya, ganoon na rin ang buhok niyang nakaipit sa likod.

Mas lalong nadepina ang pagiging mukhang manika niya. Masamang manika nga lang. Gusto ko tuloy matawa sa naisip kong 'yon.

"Damit 'to, Anastasia. Damit," sarkastikong sagot ko.

Hinawakan ko pa ang tela ng damit ko at ipinakita sa kan'ya, dahilan para ngumiwi siya dahil halata namang ginagago ko siya. Ang sarap niyang pikunin. Hindi ko alam kung bakit, pero kapag nagagalit siya ay parang tumataas ang enerhiya ko.

"Pilosopo ka?" naaasar niyang tanong. Sa itsura niya ngayon ay parang gusto na niya akong hampasin ng sapatos niya.

"Hindi. Ano ba ang dapat kong isagot doon?" pagmamaang-maangan ko. Wala lang, natutuwa akong lumalaki ang butas ng ilong niya, eh.

"Tanga." Inirapan na lang niya ako, wala nang masagot. "Huwag mong sabihin sa 'kin na pupunta ka sa palasyo?"

"Sige. Hindi ko na lang sasabihin," kaswal na sagot ko bago nagkibit-balikat. Madali naman kasi akong kausap.

"Boba!" Sa inis niya ay sinampal niya ako. Lumingon ito kay tita Elizabeth na kakababa lang ng hagdan. "Ma, si Cinderella may gagawin na namang katangahan!"

Napangiwi ako dahil sa lakas ng sampal niya. Gigil na gigil, ah. Pero mas napangiwi ako nang makita ang matalim na tingin sa akin ni tita. Kung si Anastasia ay gusto akong hampasin, si tita naman mukhang gusto akong lamunin nang buhay.

"Abangan mo muna ang sundo natin sa labas. Ako na ang bahala rito," ani tita at ibinaling ang tingin sa akin.

"Opo, ma."

Kasabay ng pag-alis ni Anastasia ang pagharap ko kay tita Elizabeth. Wala akong maramdamang takot ngayon. Kung tutuusin nga, lamang ang kuryosidad sa katawan ko dahil gusto kong malaman kung anong gagawin niya sa akin.

"Inutil, tanga, o bobo. Alin ka sa tatlo?" mariing tanong niya sa akin, tila sinusubukang saktan ang damdamin ko. "Pupunta ka talaga sa palasyo? Maganda ka ba? Mayaman? Hindi ka nababagay sa lugar na 'yon!"

Yumuko ako at ngumisi. Nakita ko pa ang gulat ni tita nang marinig ang bahagyang pagtawa ko.

"Hindi man ako mayaman pero maganda ako, tita. Itanong n'yo pa kay Dasha," magalang na sagot ko.

'Yong tono lang ng pagsasalita ko ang magalang, pero hindi ang mga salitang binigkas ko.

"Bruha ka talagang babae ka!"

Sa sinabi kong 'yon ay tuluyang naubos ang pasensiya ni tita. Hinila nito ang buhok ko at sinabunutan. Pucha, ang galing talaga manabunot ni tita! Sobrang sakit ng anit ko!

"Nakalimutan mo ba 'yong sinabi ko sa 'yo noong bumalik ka rito?" May gigil sa tono ng boses niya. "Dapat ay alam mo kung saan ang lugar mo!"

"Aray!"

Halos hindi ko na maipinta ang ekspresiyon ng mukha ko nang bigla akong bitawan ni tita. Akala ko ay matutumba ako sa sahig dahil sa bilis ng mga pangyayari, pero kaagad niyang hinawakan ang tela ng damit sa ibabaw ng dibdib ko.

"Tita! Ano pong ginagawa n'yo?!"

Katulad ng pagsabunot niya sa akin ay naging mabilis ang mga pangyayari. Tanging ang tunog ng pagpunit niya sa bestida ko ang umalingawngaw sa buong lugar.

The Princess Is A Villainess [TO BE PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon