Chapter 3

313 19 1
                                    

NANG makarating ako sa palasyo ay mabilis akong nagpunta sa may tarangkahan, pero palakad pa lang ako ay may humarang na kaagad sa daraanan ko. Tatlong guwardiya iyon sa palasyo.

"Hindi ka puwede rito," saad ng isa sa kanila.

"M-May hinahanap lang po ako," mabilis ko namang sagot sa kanila. "Ako po si Ella Cinderia, anak ni Trevor at Naomi Fortelle. Matagal na silang nagtatrabaho rito sa palasyo. P-Puwede ko ba silang mabisita kahit saglit?"

"Hindi ka puwedeng pumasok kung walang pahintulot mula sa pamilya ng Corohelia," walang pag-aalinlangan niyang sagot. "Umalis ka na. Huwag mong hintayin na kaladkarin ka pa namin palayo."

Tila tumatambol ang puso ko dahil sa lakas ng tibok nito. Muntik na akong hindi makapag-isip nang maayos. Mabuti na lang at may naalala ako.

"Teka, ito po." Nilabas ko ang medalyon mula sa bulsa ko. "May nagbigay sa akin nito kanina sa daan. Ang sabi niya sa akin, kapag ipinakita ko 'to, papapasukin n'yo ako."

Tila ay binuhusan sila ng malamig na tubig nang ipakita ko sa kanila ang binigay kanina ng lalaking 'yon. Kinuha iyon ng isa sa kanila at matamang tinitigan iyon.

"Ito nga 'yon. . ." saad niya pa. Halos mamutla ang mga mukha nila habang nakatingin sa akin, na labis kong ipinagtaka.

"Pasensiya na sa trato namin, mahal na prinsesa." Yumuko ang may hawak ng medalyon, at sumunod naman ang dalawang guwardiya. "Maaari na kayong pumasok sa loob."

Prinsesa? Bakit nila ako tinatawag na prinsesa?

Napakunot ang noo ko. Ganito ba sila gumalang sa mga tao rito?

Nagtataka man pero sumunod na lang ako sa guwardiya nang igiya niya ako papasok ng palasyo. Imbes na mamangha ay mas lumala lang ang pagkakilabot ko. Habang tumatagal ay nararamdaman ko ang kakaibang enerhiya rito sa loob.

"Ano ang maipaglilingkod namin sa iyo, mahal na prinsesa?"

Napatigil ako nang may kumausap sa akin na matandang lalaki. Nakasuot din ito ng magarbong itim na damit. Sa tingin ko ay isa siya sa mga tagapagsilbi rito sa palasyo, pero nagtataka ako dahil ginagalang niya ako, eh mukhang parehas lang naman kaming tagasilbi.

Hinayaan ko na lang 'yon. Sige na nga, magiging prinsesa muna ako ngayon. Kahit ngayon lang.

"Trevor Fortelle at Naomi Fortelle. Trabahador sila rito sa palasyo," panimula ko habang nasa likod ko ang magkabilang kamay ko. Kailangan kong itago ang kabang nararamdaman ko. "Maaari n'yo ba akong dalhin sa kanila?"

"Masusunod," mabilis niyang tugon. "Sumunod ka sa akin."

Sumunod ako sa kan'ya. Tila lalabas na ang puso ko mula sa aking katawan pero kinontrol ko ang kaba ko. Hindi ko alam kung bakit iba ang pakiramdam ko.

Habang naglalakad ay naghahanda ako ng sasabihin sa magulang ko— kung paano ko sila babatiin o kukumustahin. Ito ang unang beses na makikita ko sila ulit sa loob ng matagal na taon, ni hindi ako sigurado kung natatandaan pa ba nila ako.

Pero lahat ng iniisip ko ay biglang naglaho na parang bula. Ang pagkagalak na naramdaman ko kanina ay napalitan ng pagtataka.

"Bakit tayo. . . nandito?" tanong ko nang makita kung nasaan kami ngayon.

DINALA ako ng matanda sa sementeryo. Tahimik dito ngunit maliwanag. Katulad ng dinaanan ko sa labas kanina, nagkalat din ang mga puno rito. Mukhang tagtuyot ang panahon dahil malapit nang maubos ang mga dahon nila.

Ganoon pa man, mas na-pokus ang atensiyon ko sa mga nitsong parang pinagmamasdan ang kilos at galaw ko. Alam ko na kung bakit dito niya ako dinala, at alam ko na rin kung bakit hindi na sila nagpaparamdam sa akin.

The Princess Is A Villainess [TO BE PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon