Chapter 16

158 15 0
                                    

BAKIT kaya ang tamis ng dugo ko? Hindi ko tuloy mapigilan ang paulit-ulit na dilaan ang dugo ko rito sa kutsilyo kahit alam kong nakangiwi na si Anastasia sa harapan ko ngayon. Ganoon din si Dasha at si tita Elizabeth na nasa likod niya lang.

"A-Ano'ng. . . Ano'ng kabaliwan 'yang ginagawa mo?!" singhal ni Anastasia habang nanlalaki ang mga matang nakatingin sa akin.

"Umiinom ng dugo. Bulag ka ba?" nakataas-kilay na tanong ko.

Hindi ko alam pero bigla kong gustong uminom ng dugo, pero ako lang naman ang nandito. Kahit alam kong paparating na sila tita Elizabeth ay hindi ko na sila nakayang hintayin.

Itinarak ko ang kutsilyo sa hita ko hanggang sa sumirit ang dugo. Doon ay natikman ko ang lasa ng dugo ko—Manamis-namis ngunit maalat hindi. Hindi ko maintindihan ang lasa no'n pero nakakaadik iyon tikman nang paulit-ulit.

Paulit-ulit din akong dumila sa kutsilyo hanggang sa maramdaman ko na nagkakaroon na rin ng hiwa ang dila ko.

"Bakit gan'yan kayo kung makatingin?" nagtataka kong tanong. "Ngayon lang ba kayo nakakita ng dugo?"

"Hindi, pero ngayon lang ako nakakita ng taong umiinom ng dugo!" asik ni Anastasia bago ito humakbang pagilid, pero kaagad din itong umirit nang may matapakan.

Napangisi ako nang makita ang panlalaki ng mga mata niya. Tila hindi ito makapaniwala sa nakikita niya ngayon.

"A-Ano'ng. . ."

Ni hindi niya matapos ang sasabihin. Nakatitig lang ito sa tatlo kong daga na lasog-lasog na ang mga katawan ngayon sa sahig. Tinanggal ko rin ang mga laman-loob nito at pinaghiwalay. Sabi kasi ng boses na bumubulong sa akin kanina ay ganoon daw dapat ang gawin ko.

"P-Pinatay mo rin ang mga paborito mong daga?!" nauutal niyang tanong.

"Ako, pumatay? Wala akong pinapatay." Ngumisi ako bago umiling. Ipinaikot ko ang kutsilyo sa kamay ko. "Baka kayo, mayroon?"

Namutla siya nang marinig ang sinabi ko, ganoon na rin si tita Elizabeth. Napakunot naman ang noo ni Dasha, nagtataka dahil wala naman siyang ideya sa sinabi ko.

"Pinagsasasabi mo? M-Manahimik ka nga!" Mabilis na lumayo si Anastasia sa bangkay ng tatlo kong daga, dahilan para mapadako ang tingin ko roon.

Iniisip siguro nila tita ngayon na napakabrutal ko, pero sa totoo lang ay masakit din sa loob ko na kitilin ang buhay nila. Habang ginigilitan ko ang leeg nila at hinihiwa ang tiyan nila ay paulit-ulit nilang sinasambit ang pangalan ko.

Pero wala akong pinapatay. . . Dahil sila tita Elizabeth ang dahilan kung bakit kinailangan kong gawin ang mga bagay na 'yon.

Dahil ang pagsasakripisyo ko sa isang bagay na mahalaga sa akin ang susi para mas maging malakas ang kapangyarihan ko. Ngayon, pakiramdam ko ay imortal na ako. Kahit marami nang dugo ang lumabas sa katawan ko ay hindi ako nakararamdam ng sakit.

Kaya wala akong kasalanan. Kung mayroon mang taong dapat magdusa rito, sila tita Elizabeth iyon.

Pati na ang mahal na hari.

Sa pag-iisip ko ng mga bagay na 'yon ay bigla akong napahalakhak. Parang ang saya ko ngayon. Para akong nakawala sa hawla kung saan ako nakakulong nang matagal na panahon.

Gusto ko ang ganitong pakiramdam. Sobrang nakakagaan ng loob.

"Ma! Tuluyan na yata siyang nabaliw noong ikinulong natin siya rito!" natatakot na saad ni Dasha bago ito nagtago sa likod ni tita Elizabeth.

"Oo, Dasha. Tama ka. Sobrang tama ka!" sagot ko sa kan'ya habang pumapalakpak. "Ang tagal n'yo naman kasing bumalik, eh. Kung bumalik lang sana kayo kaagad, e'di sana ay paa n'yo ang pinagdiskitahan ko."

The Princess Is A Villainess [TO BE PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon