Chapter 13

160 15 1
                                    

NAKABUSANGOT si Anastasia habang naglalakad sa loob ng palasyo. Masama ang loob niya dahil doon sa prinsesang bigla na lang sumulpot. Siya dapat ang napansin ng prinsipe, pero dahil lang sa isang babae ay tila nawalan na ng interes ang prinsipe sa lahat!

"Hindi ka man lang hihingi ng tawad?" singhal ni Anastasia nang may makabangga ito, at mas lalo lang lumukot ang mukha niya nang makitang ito 'yong prinsesang kinaiinisan niya.

'Hindi naman siya kagandahan!' panlalait niya pa sa isip. 'At parehas pa kami ng sapatos! Kung minamalas ka nga naman!'

Gusto niya itong komprontahin. Ngayon niya lang nakita ang babae sa Corohelia kaya nagtataka siya. Bukod pa roon, hindi siya makapaniwala na basta na lang ito tatakbo palayo matapos mang-abala ng tao, at sa hindi malamang dahilan ay pamilyar ang boses ng babae sa pandinig niya.

"Saka bakit pamilyar ang boses mo? Nagkausap na ba tayo dati?" pagtatanong niya.

Gusto niyang magsalita ang babae, pero kaagad na dumating si Elizabeth at pinaalis ang babae. Inis na inis si Anastasia pero wala naman siyang magawa dahil nakalayo na ito.

"Kumalma ka." Hinawakan siya ni Elizabeth sa balikat. "Nagustuhan lang siya ng prinsipe, pero hindi pa sila magpapakasal. Hindi pa tapos ang laban mo."

"Mama. . ."

"Kailan kita pinalaking mahina, ha?" Tinitigan niya si Anastasia sa mata. "Maganda ka at matalino. Makukuha mo ang prinsipe sa kahit ano'ng paraang naisin mo, okay?"

Iyon ang mga salitang pinangkapitan ni Anastasia. Matagal siyang nagtigil sa labas ng palasyo habang nag-iisip kung ano'ng puwede niyang gawin. Naglakad-lakad siya sa labas ng palasyo para makapag-isip, at sakto ay nakita niya ang prinsipe na may kausap na guwardiya.

'Sapatos?' Napakunot ang noo ni Anastasia nang tingnan ang hawak na sapatos ng prinsipe. Kagaya iyon ng sa kan'ya.

Mabilis siyang nagtago sa pader para marinig ang pag-uusap nila.

"Ilagay mo 'to sa silid," ani Ashton bago ibinigay ang sapatos. "Kahit ano'ng mangyari ay hahanapin ko siya. Makikita ko rin ang babaeng 'yon."

'Ang tinutukoy niya ba ay 'yong prinsesang papansin?' Halos lumukot ang mukha ni Anastasia nang maisip iyon.

"Masusunod."

Umalis na si prinsipe Ashton papunta sa ibang daan, habang ang guwardiya naman ay naglakad sa daan papalapit sa kan'ya.

'Hindi 'to puwede.' Kinagat ni Anastasia ang hintuturo habang nag-iisip. 'Kapag nakita niya ulit ang babaeng 'yon, siguradong wala na akong pag-asa!'

Tumakbo si Anastasia para sana pumunta sa loob ng palasyo. Hihingi sana siya ng tulong kay Elizabeth dahil hindi na niya alam ang gagawin, pero napatigil siya nang makabangga ang guwardiyang kausap ng prinsipe kanina.

"Pucha!" singhal niya nang matanggal ang sapatos niya. Ganoon din ang sapatos na hawak ng guwardiya. Parehas iyon tumalsik sa sahig.

"Pasensiya na," paumanhin ng kausap. Yumuko ito at kinuha ang sapatos. Ang isa ay ibinigay nito kay Anastasia bago umalis.

"Hindi kasi tumutingin sa dinadaanan, buwisit!" singhal ni Anastasia bago inilagay sa sahig ang sapatos.

Isinuot niya ito, pero napamura na lang siya dahil masyadong maluwag ang sapatos sa kan'ya. "Hindi sa akin 'to, ah!"

ISANG matamis na ngiti ang sumilay sa labi ni Anastasia nang matapos ang pagkukuwento nito, at kabaliktaran naman no'n ang ekspresiyon ni Cinderella.

"Lahat ng nangyari ay pawang tadhana ang may gawa. . ." aniya bago hinaplos ang pisngi ko. "Huwag mong isisi kung 'yong sapatos ko ang nadampot ng guwardiya at hindi ang pipitsuging sapatos mo, okay?"

Sobrang sarsaktiko ng bawat salita niya, kasabay ng paglawak pa lalo ng ngiti niya na may kasama pang mahinang tawa. Sa sobrang tamis din no'n ay parang gusto kong punitin ang buong mukha niya.

"Sinasabi mo ba na kaya nasira ang buhay ko. . . ay dahil sa putanginang tadhana na 'yan?"

Ginaya ko ang ngiti niya, pero sinigurado kong mas nakakatakot ang sa akin. Hinawakan ko ang palapulsuhan niya at bahagyang binali iyon.

"Sinasabi mo sa akin na wala kang responsibilidad sa nangyari, tama ba?"

Mas tumaas ang sulok ng labi ko, at natuwa ako nang makita kung paano lumikot ang mga mata niya.

"Paano kaya kung sirain ko rin ang mukha mo katulad ng pagsira mo sa mga plano ko, tapos sabihin ko rin na wala akong responsibilidad sa mangyayari sa 'yo?"

Dumako ang tingin ko sa gunting na nandoon sa gilid, at namutla siya nang mapansin iyon.

"A-Anong binabalak mo sa akin?!" tanong niya.

"Ano pa ba? E'di guguntingin ko 'yang mukha mo," walang alinlangan ko namang sagot.

Napapikit ako habang iniisip na ginugunting ang mukha ni Anastasia. Ang dugo at iilang piraso ng laman niyang nagkalat sa sahig, ang mga mata niyang pagugulungin ko sa kalsada, at ang mga ngipin niyang gagawin kong kuwintas. . .

"Nababaliw ka na!" mangiyak-ngiyak niyang saad.

Gagapang na siya paalis kaya naging mabilis ang pagkilos ko.

"Diyan ka lang. Hindi pa tayo tapos mag-usap, 'di ba?" nakataas-kilay na saad ko, kasabay ng pagiging paralisado ng buo niyang katawan.

"Aaaahhhh! Tulong!" sigaw niya nang mapagtantong nasa panganib na talaga ang buhay niya. "Demonyo ka!"

Humalakhak ako. Kinuha ko ang gunting sa lamesa at lumapit sa kan'ya. "Prinsesa ako, Anastasia. Ako ang prinsesa ng Corohelia."

Ipinalandas ko ang talim ng gunting sa kan'yang mukha, pababa sa kan'yang leeg. Ramdam ko ang pagpigil niya ng hininga habang ginagawa ko iyon.

Paano kaya kung pagalawin ko ulit ang katawan niya habang nakatutok sa kan'ya ang gunting? Panigurado ay dadanak ang dugo kapag ginawa ko 'yon.

"Huwag! Please, huwag!" pagmamakaawa niya nang unti-unti kong ibaon ang gunting sa leeg niya.

"Hmmm?" Inosente ko siyang tinitigan, pero may panghahamak sa boses ko. "Ang hina naman. Medyo lakasan mo nga."

"Anastasia, nandito ka ba?!"

Napatingin ako sa pinto nang marinig ko ang boses ni Dasha. Mukhang aalis na yata sila papunta sa palasyo.

"Tulong! Tulong, Dasha—"

Sa isang pitik ng kamay ko ay hindi na siya makapagsalita. Para na akong mangkukulam ngayon, pero wala akong kahit anong ideya kung saan ko nakuha itong kapangyarihan ko.

"Aalis ka nang tahimik kung ayaw mong guntingin ko talaga ang mukha mo ngayon," seryosong saad ko bago ipinakita ang gunting. "Naiintindihan mo?"

Paulit-ulit siyang tumango, tila natatakot na magbago isip ang isip ko. Umupo na ako sa kama bago ipinitik ang daliri, dahilan para makagalaw na ulit si Anastasia.

Mabilis siyang tumakbo at binuksan ang pinto, at hindi na ako nakaangal nang biglang pumasok si Dasha at hinampas nang malakas sa ulo ko ang baseball bat na dala niya.

Nang magising ako ay ako na lang mag-isa rito sa basement. Napangiwi ako dahil sa biglaang pagsakit ng ulo ko, pero ganoon pa man ay nagawa ko pa ring tumayo.

Binuksan ko ang pinto, at halos mapamura ako nang mapagtantong sarado iyon. Kinulong pala ako ng mga buwisit na 'yon dito sa loob.

"Aray, punyeta. . ." Umupo ako sa sahig habang tila walang katapusan ang pagmumura ko.

Sa isang iglap ay nakaramdam ako ng hangin sa harapan ko na para bang may dumaan. Nang i-angat ko ang ulo ko ay nakita ko si mama, duguan at umiiyak habang nakatitig sa akin.

"Ella. . ." pagtawag niya, kasabay ng pagtulo ng dugo sa mga mata at bibig nito.

Napasinghap ako, at halos hindi makapagsalita dahil sa takot at kakaibang lungkot. Noong una ay iniisip ko kung bakit palaging sumasakit ang puso ko kapag nakikita ko si mama.

Pero ngayon, nang dumikit ang dugo niyang umaagos sa sahig papunta sa mga paa ko, nasagot ang mga katanungan ko.

The Princess Is A Villainess [TO BE PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon