Chapter 8

192 12 0
                                    

TUMAYO ang lahat ng balahibo ko sa katawan dahil sa biglaang pagsulpot ng tao na iyon. Hindi ko alam kung bakit. . . pero nakaramdam ako ng kakaibang takot. Hindi ko rin napansin na napigil ko na ang hininga ko.

"S-Sino ka?" nauutal na tanong ko. Nanginginig man ang mga tuhod ay nilakasan ko ang loob ko at nilingon siya.

Wala akong dalang kahit anong gamit kaya naman ikinuyom ko na lang ang kamao ko, handang lumaban sa kan'ya ng sapakan pero napatigil ako nang makita ang mukha niya. Isa siyang lalaki na nakasuot ng itim na damit at pantalon.

Guwapo siya, makisig, at mukhang kaakit-akit. Bumilis ang tibok ng puso ko nang pakatitigan ko ang mukha niya, hindi dahil sa kilig. . . kun'di dahil sa takot, lalo na nang makita ko ang kulay ng mga mata niya.

Namamalikmata lang ba ako, o talagang kulay pula iyon na tila'y mata ng isang demonyo?

"Kailangan mo pa bang malaman 'yon?" Ngumisi siya. Sobrang lalim at lamig ng boses nito. "Hindi ba dapat ay itanong mo muna ang tungkol sa hiling mo?"

"Alam kong hindi ka nagsasabi ng totoo kaya naman hindi ako interesado." Umismid ako, dahilan para tumawa siya. "Alam kong magnanakaw ka, pero wala kang mapapala sa bahay na 'to. Maghanap ka na lang ng ibang bahay diyan."

Siguro ay iniisip niya na sinabi ko lang iyon para mapaalis siya, pero totoo ang sinabi ko. Wala naman kahit anong kanakaw-nakaw sa bahay na 'to bukod sa 'kin.

"Teka. . . Ako ba ang pakay mo?" Napakagat ako sa pang-ibabang labi ko.

Mukha siyang mayaman kaya hindi na niya kakailanganin pang magnakaw. Nayari na! Baka ako talaga ang gusto niya!

"Kung ano man 'yang iniisip mo, itigil mo 'yan." Iwinagayway niya ang magkabilang kamay sa harap ko. "Hindi ako magnanakaw, at wala rin akong balak sa 'yo. Sadyang narinig ko lang ang hiling mo kaya ako napadpad dito."

"Hiling ko?" Tumaas ang kilay ko. "Isa ka bang genie?"

"Higit pa roon, binibini."

Humakbang siya papalapit sa akin, kasabay naman ng pag-atras ko. Hindi ko alam kung bakit kapag sinusubukan kong pakatitigan ang mukha niya ay parang gumugulo lalo ang utak ko. Marami na nga akong problema, nagawa niya pang dumagdag.

"Alam mo, antok lang 'yan," saad ko bago umiling. Sumasakit na kasi ang ulo ko. "Bahala ka na magnakaw diyan o ano. Basta binalaan na kita, nagsasayang ka lang ng oras mo rito."

Imbes na sinasayang ko ang oras ko sa pakikipag-usap sa kan'ya ay papasok na lang ulit ako sa loob. Sayang, baka may makuha pa akong ibang ebidensiya katulad ng sulat kanina. Pucha kasi, kung hindi lang sana nasira ang damit ko ay si prinsipe Ashton na lang mismo ang tatanungin ko.

"Pupunta ka ba sa palasyo ngayon? Balita ko, naghahanap ng mapapangasawa ang prinsipe," tanong niya, dahilan para pagtaasan ko siya ng kilay.

"Nakikita mo ba 'tong suot ko?" Buwisit 'to, ah. Inaasar niya ba ako? "Paano ako pupunta kung sira 'tong damit ko—"

Hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang bigla niyang ibinuka ang kanang palad niya. Sa itaas no'n ay mayroong bilog at kulay itim na crystal. Noong una, akala ko ay gusto niya lang ipakita sa akin na hindi siya ordinaryong tao, pero nanlaki ang mga mata ko sa sunod kong nakita.

"Sa inyong magkapatid, ikaw ang pinakainaasahan ko. . ." ani tita Elizabeth at hinawakan si Anastasia sa magkabilang balikat nito. "Akitin mo ang prinsipe. Gamitin mo ang ganda mo."

"Opo, mama," tugon ni Anastasia. Kumindat pa ito bago lumayo kay tita.

Pumikit ako nang dalawang beses dahil baka namamalikmata lang ako. . . pero hindi. Nandoon pa rin ang bagay na 'yon.

The Princess Is A Villainess [TO BE PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon