Chapter 15

153 14 0
                                    

"MAAWA kayo sa akin, mahal na hari. . ." umiiyak na saad ni Naomi habang itinatali ng guwardiya ang magkabila niyang kamay, habang ang isang guwaridya naman ay nakahawak sa paa niya.

"Isang malaking karangalan ito sa iyo, Naomi," saad ng hari bago ngumisi. Itinapon nito ang hinubad na damit sa gilid. "Makikipagsiping sa 'yo ang hari ng Corohelia."

Sa kailaliman ng gabi, sa katahimikan sa gubat, at sa harap ni Trevor na walang ibang ginawa kung hindi sambitin ang pangalan ng dating asawa, nagsimula ang bangungot ni Naomi. Paulit-ulit siyang inangkin ng Alexander hanggang sa magsawa ito sa kan'ya.

Nang matapos ay umalis na si Alexander sa kan'yang ibabaw nang hindi nawawala ang ngisi sa labi nito, na siyang kabaliktaran naman kay Naomi. Halos hindi huminto ang luha nito sa buhay na bangungot na sinasapit niya ngayon.

"P-Pakawalan mo si Trevor, mahal na hari. . ." nanghihinang pakiusap ni Naomi habang humihinga nang malalim. "Sabi mo ay hindi mo siya sasaktan—"

Hindi natapos ni Naomi ang sasabihin dahil sa mga sumunod na pangyayari. Mabilis na kinuha ni Alexander ang espada mula sa guwardiya at ginilitan si Trevor sa leeg. Umagos ang dugo mula sa leeg nito, at ang ilan doon ay tumalsik pa sa kan'yang mukha.

"N-Naomi. . ." ani Trevor habang nakatitig sa kan'ya.

Sa bawat pagsasalita nito ay bumubulwak ang dugo sa kan'yang bibig. Tanging iyak na lang ang nasagot ni Naomi sa kan'ya bago ito tuluyang nawalan ng buhay.

"Trevor! Trevor!" iyak niya.

Nanlaki ang kan'yang mga mata dahil hindi siya makapaniwala sa mga nangyayari. Parang kanina lang ay masaya silang nag-uusap ni Trevor tungkol kay Ella, pero ngayon ay duguan na ito sa harapan niya, at hindi na humihinga.

"Bakit ko naman bubuhayin ang magiging karibal ko sa 'yo?" nakangising saad ng hari bago ipinunas ang dugo ng espada sa mamahalin niyang damit. "Hindi ako tanga, Naomi."

"Hayop ka!"

Nakahiga man si Naomi ngayon at walang kalaban-laban ngunit hindi niya napigilang isigaw 'yon. Akala niya ay mabait ang hari at palaging may pakialam sa kan'yang nasasakupan, pero isang pagpapanggap lang pala ang lahat ng 'yon.

Ito ang tunay na ugali ng haring minsan niyang hinangaan. Mala-demonyo pala ang budhi nito.

"Wala kang karapatang maging hari kung gan'yan ang ugali mo!"

Tila isang masakit na ingay ang mga salitang iyon para kay Alexander. Doon ay tuluyang naubos ang pasensiya nito.

Lumuhod ang lalaki sa harapan ni Naomi at hinila ito paupo. Ipinalandas niya ang talim ng hawak na espada sa leeg ng babae. "Nananalaytay ang dugo ko sa mga susunod na hari ng Corohelia, at wala kang magagawa roon. Maging ang anak mo."

"Hindi ako papayag!" sigaw ni Naomi. "Patayin mo na lang din ako!"

Tumaas ang kilay ni Alexander bago mas idiniin ang espada sa kan'yang leeg. Nakaramdam siya ng takot, pero matapos alalahanin ang pambababoy sa kan'ya ng hari ay tuluyan nang dumilim ang kan'yang mga mata. Wala na siyang pakialam kung sa kan'ya susunod na igigilit ng hari ang espada niya.

Pero hindi iyon nangyari. Imbes na espada ay ang labi nito ang sumalubong kay Naomi. Marahan nitong hinalikan ang kan'yang labi at bahagyang sinipsip ang balat sa kan'yang leeg.

"Hindi ka mamamatay hangga't hindi ko sinasabi," tila baliw na saad ng hari. "Akin ka, Naomi. Akin ka lang."

DISYEMBRE 22, 2016

Naging bantay-sarado si Naomi ng mga guwardiya sa abandonadong bahay na 'yon. Tatlong araw na siyang nagtitiis at nagangamba sa takot sa tuwing pumupunta ang hari upang gawin ang anomang naisin nito sa kan'ya.

The Princess Is A Villainess [TO BE PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon