Chapter 4

300 17 0
                                    

NAGING mabilis ang pagkilos ko. Inilagay ko na ang mga damit ko sa maleta, at nagpaalam na ako sa mga daga ko bago muling pumunta sa sala.

"Aba, maglalayas ka talagang tanga ka?" nakataas-kilay na tanong ni Anastasia nang dumako ang tingin nito sa mga gamit ko.

Hindi ko siya sinagot at nagpatuloy sa paglalakad. 'Di bale nang mamatay ako sa kalsada, kaysa naman patuloy akong magpagamit sa mga mapang-alipin na pamilyang 'to.

Narinig ko ang pag-ismid ni Anastasia. "Good luck. Tingnan natin kung makatagal ka ng isang araw diyan sa daan."

Hindi ko na siya sinagot. Imbes ay lumabas na ako at naglakad-lakad.

Sa totoo lang, hindi ko rin alam kung makakatagal ako. Pero bahala na. Siguradong sa gagawin kong 'to ay gagaan ang pakiramdam ko.

Walang sisita sa akin. Magagawa ko kung ano'ng gusto ko. Masasabi ko nang bukal sa loob ang nasa puso ko.

Wala nga lang akong bahay.

"Kahit maliit na espasyo lang sana. Ayos na ako roon," bulong ko bago nagpatuloy sa paglalakad na walang destinasyon.

Kung saan man ako dadalhin ng mga paa ko ay ayos lang, pero hindi ko inaasahan na dito ako dadalhin ng paglalakbay ko.

ISANG mahinang tawa ang pinakawalan ko nang makita kung saan ako napadpad. Nandito na pala ulit ako sa gubat papunta sa palasyo. Mukhang gusto ulit akong makita ng mga magulang ko kaya nila ako dinala rito.

"Parang kanina lang, sabi ko ay babalik ako, ah." Napangiti na lang ako nang mapagtanto 'yon.

Tumingin ako sa aking likuran, at doon ko rin napagtanto na sa tagal ng pagmumuni-muni ko ay malayo na rin ang narating ko. Kaunting lakad pa ay makakarating na ako sa palasyo.

Dito na ako titigil. Mahirap na, wala na ang medalyon sa kamay ko kaya siguradong hindi ako papapasukin doon.

Pero saan naman ako makakakita ng bahay sa ganitong klaseng lugar? Baka naman bahay ng kapre ang makita ko rito! Bumalik na lang kaya ako?

"Masyadong malayo." Umiling ako. Tumingin ako sa langit at nagdasal sa magulang ko, kung nakikinig man sila sa akin. "Sana, tulungan n'yo akong makahanap ng matutuluyan ngayong gabi. Kahit maliit lang, ayos na 'yon," taimtim kong panalangin.

Muli akong naglakad habang lumilinga-linga sa paligid. Tinitingnan ko kung narinig ba nila mama ang panalangin ko, pero wala, eh! Wala pa rin akong makitang bahay, at malapit na ring bumuhos ang ulan.

Maya maya pa nga at lumakas pa ito. Nalintikan na! Kahit hindi na pala bahay, kahit silungan na lang pala!

Lakad-takbo ang ginawa ko habang naghahanap ng masisilungan. Masukal ang paligid, at puro puno lang naman ang mayroon dito. Bakit kasi rito ako napunta? Hindi ko tuloy maiwasang sisihin ang sarili ko!

"Aray ko, punyeta," pagrereklamo ko nang madapa sa nakakalat na kahoy.

Mabigat ang dala ko, ganoon din ang paghinga ko pero hindi ako puwedeng tumigil. Kapag namatay ako dahil sa lamig, para ko na ring pinatunayan kila tita Elizabeth na tama ang sinasabi nila. Hindi ako papayag!

Nahihirapan man dumilat dahil sa marahas na patak ng ulan ay pinilit ko pa ring maghanap ng kahit maliit na masisilungan, at nagtagumpay naman ako. Halos mapatili ako nang makakita ng isang maliit na bahay rito sa gubat.

May tao bang magtatangka na tumira sa ganitong klaseng lugar? Nakakapagtaka, ah. Pero ganoon pa man, iwinaksi ko na lang ang isip ko. Mamamatay na ako sa lamig, ngayon pa ba ako mag-iinarte?

Maliit lang ito at mayroong isang ilaw na nakabukas. Mukha man itong abandonado, pero sa tingin ko ay puwede na rin ito para masilungan ko. Kahit ngayong gabi lang.

The Princess Is A Villainess [TO BE PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon