Chapter 6

239 14 0
                                    

MATAPOS ang araw na 'yon, bumalik na ang lahat sa dati. Walang nagbago sa pakikitungo nila, pero siguradong may nagbago sa akin. Mas maikli na ngayon ang pasensiya ko, at kaunti na lang talaga ay malapit ko nang isubsob si Anastasia rito sa lupa.

Nagtatatalak na naman kasi siya. Hindi ba siya naiingayan sa boses niya?

"Kahit kailan ka talaga, Cinderella!" ani Anastasia bago ibato sa akin ang piraso ng karne na hawak niya. "Ang sabi ko, turuan mo ako. Hindi gawing inutil sa harap ng maraming tao!"

Aba, kasalanan ko ba kung inutil talaga siya? Mamimili na nga lang ng magandang karne, hindi pa magawa. Ang gusto pa naman ng mga lalaki ay 'yong marunong magluto kaya pilit niyang inaaral 'yon. Sa ugali niyang 'yan, paniguradong mamamatay siyang walang asawa.

"'Yong maputing karne ang piliin mo para sariwa—"

"Ayoko na, okay?!" Sa inis nito ay hinagis niya ang isa pang karne sa sahig. "Bahala na kayo ng karne mo!" dagdag niya pa bago umalis.

Napabuntong hininga na lang ako bago tumango sa mga tao, humihingi ng tawad dahil sa kahihiyang dulot ng kapatid ko.

NANG makauwi ako sa bahay ay ganoon pa rin ang ginagawa ni Anastasia, pati na rin ni Dasha. Napataas tuloy ang kilay ko. Balak na ba nilang mag-asawa ngayon kaya sila nag-aaral magluto? Sabi kasi nila, mag-aaral lang sila ng gawaing bahay kapag mag-aasawa na sila.

"Ahhh! Nasunog!" Nabalik ako sa reyalidad nang marinig ang tili ni Dasha. Nasunog pala ang niluluto nitong pancake. "Cinderella, linisin mo nga 'to!"

"Nandiyan na!"

Imbes na kaunti lang tuloy ang gawin ko, mas dumadami pa ang trabaho ko dahil sa dalawang 'to. Napangiwi na lang tuloy ako nang alisin ko ang kawali roon sa kalan.

"Ano ba, ang bagal!" ani Dasha at binangga ko.

Kamuntikan na akong mapasinghap nang madikit sa balat ko 'yong kawali. Ang sakit, pucha! Pero kailangan kong tiisin na huwag magreklamo. Sa oras kasi na makita nilang nasasaktan ako, mas lalo nila akong sasaktan.

Ganoon sila kasama, pero ganoon na rin ako kamanhid. Pakiramdam ko, wala na akong pakialam sa lahat. Ang tanging gusto ko lang ngayon ay malaman kung bakit namatay ang mga magulang ko. . . dahil hindi nila ako maloloko.

Alam kong may tinatago sila, at kailangan kong malaman 'yon.

"Magandang umaga po, mang Isko," pagbati ko nang makarating sa palengke.

Wala akong enerhiya ngayon para makipag-usap sa mga tao, pero mabait kasi si mang Isko. Sa tingin ko ay dapat ko siyang batiin.

Babati na rin sana siya sa akin pabalik, pero hindi na niya 'yon nagawa nang may dumating si tita Elizabeth at kaagad akong sinampal. Kamuntikan na akong matumba kung hindi ko lang nabalanse ang sarili ko.

"Punyeta ka!" mura niya, dahilan para mapataas ang kilay ko sa pagtataka. "Bakit may kagat ng daga rito? Alam mo ba kung gaano 'to kamahal?!"

Ipinakita niya sa akin ang hawak nitong kulay lila na damit. Itinagilid ko ang aking ulo, inaalala kung saan ko nakita 'yong damit.

Ah! Ito 'yong isinukat ni Dasha dati!

Naaalala ko pa 'yong saya niya nang makitang bagay 'yon sa mala-porselana niyang kutis. Kambal sila ni Anastasia, pero hindi siya maganda. Bumawi na lang siya sa kinis ng balat niya kaya ayos na rin siguro 'yon.

"Patawad po, tita," saad ko, pero sa loob-loob ko ay tawang-tawa ako. Bigla kasing pumasok sa isip ko ang pangit na mukha ni Dasha kapag nanggagalaiti.

"Patawad? Maaayos ba ng patawad 'tong damit na 'to?!" singhal niya. "Punyeta ka talaga pati 'yang mga daga mo kahit kailan! Dapat talaga ay pinatay ko na lang ang mga iyon noon pa lang!"

The Princess Is A Villainess [TO BE PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon