Chapter 17

159 15 0
                                    

NAKATITIG lang ako sa relo habang nakaupo sa kama. Hinihintay ko kasi na magising si Anastasia at Dasha na nakatali ngayon sa kuwarto nilang dalawa.

Hindi naman ganoon karami ang pampatulog na nilagay ko roon sa sinigang, pero bakit ang himbing ng tulog nila? Nainggit tuloy ako bigla.

Pero hindi ko na lang muna sila pinansin. Abala kasi ako sa pagsusukat ng mga damit ni Anastasia. Sobrang bagay sa akin, at nagmukha akong prinsesa! Ang ganda ng tela nitong gown na ginaya niya sa akin, ah.

"Mas maganda sana kung makikita nila 'to, eh." Napalingon ulit ako sa magkambal at napasimangot.

Masyado namang unfair na ang sarap ng tulog nila habang ako, halos gising na ang diwa ko araw-araw dahil sa mga nalaman ko. Kailangan ko na silang gisingin.

Mabilis kong kinuha ang takure na may lamang mainit na tubig. Magkakape kasi sana ako kanina, pero biglang nagbago ang isip ko. Ni hindi man lang ako nakaramdam ng sakit kahit hinawakan ko ang takure nang walang proteksiyon, at kahit nakikita ko na kung paano mapaso ang mga kamay ko.

"Gising na, mga mahal na prinsesa!" Humalakhak ako at ibinuhos ang mainit na tubig sa paligid nila. Tumalsik ang iilang patak ng tubig sa balat nila, dahilan para magising sila at mapasigaw.

"Aaahh!" mangiyak-ngiyak na singhal ni Dasha.

"Cinderella—Ano ba?!" pagsita naman ni Anastasia. Pinipigilan nito ang pagngiwi.

"Ano, masakit ba?" Mas lumawak ang pagngisi ko.

Para kasing isang napakagandang musika ang mga sigaw nila sa pandinig ko. At para mas marinig ko pa 'yon ay inubos ko pa ring ibuhos ang tubig sa sahig—sinimot ko ito hanggang sa pinakahuling patak.

"Hayop ka talaga!" nanggigigil na saad ni Anastasia, pero halata rin na nasasaktan ito base sa ekspresiyon niya.

Sinubukan niyang gumalaw at lumapit sa akin, pero halos lumabas ang ugat niya sa pagsigaw nang dumiin sa tubig ang kanang binti niya.

"Ingat sa paggalaw." Ngumiti ako bago itinapik ang mga paa ko sa tubig. "Sige ka, gusto mo bang masunog din ang balat mo katulad ng sa akin?"

Halos manlamig sila nang mapatingin sa balat ko. Nandoon pa rin ang peklat ng ginawa kong paghihiwa sa sarili ko, dinagdagan pa ngayon ng pagtuklap ng ilan kong balat dahil direkta ang dikit ng mainit na tubig sa paa ko.

Gustong-gusto ko na rin na maging ganito ang mga paa nila, pero kinakalma ko muna ang sarili ko. Ayoko kasing matakot sila sa akin nang husto kaya naman sinusubukan kong kunin ang loob nila.

Marami akong kailangang itanong at malaman.

"Si mama?" tanong ni Anastasia nang mapagtantong wala rito si tita Elizabeth. "Nasaan si mama?!"

"Tsk. Mali iyan. 'Di ba dapat sarili mo muna ang inaalala mo?" Umiling ako at pinatunog ang aking dila. "Teka, kanina pa nga pala kayo tulog. Baka nagugutom na kayo."

Sakto at ipinaghanda ko sila ng pagkain. Ganoon ako kabait. Sa kabila ng ginawa nila sa akin, pakakainin ko pa rin sila.

Naglakad ako papunta roon sa may gilid at kinuha ang pagkaing hindi ko alam kung ano'ng tawag. Pinaghalo-halo ko lang kasi ang mga pagkaing nakita ko sa labas.

Kahit ako ay napapaisip habang tinitingnan ko 'yong itsura ng ihahain ko. Ano kayang lasa nito?

"Kanina ay nilutuan ko kayo ng sinigang, hindi ba? Paborito n'yo iyon." Umabot ang ngiti hanggang sa mga mata ko. "Ngayon, ang paborito ko naman ang kakainin natin."

Umupo ako sa harapan nila—Sa lugar kung saan ko ibinuhos 'yong tubig kanina. Medyo maligamgam na ito, hindi kagaya kanina.

Ipinakita ko sa kanila 'yong laman ng timba kung nasaan ang kakainin namin, at napangisi na lang ako nang marinig ang mga mura nila.

The Princess Is A Villainess [TO BE PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon