Chapter 02

2K 36 0
                                    

"Tuwang-tuwa ang anak ko kahapon, masaya rin ako dahil napasaya ko ang anak ko sa birthday niya." Kuwento ni Manang Celia habang nagpupunas ito ng sahig gamit ang mop dito sa kusina habang kinakain ko naman ang dala niyang pancit.

"Masaya po ba magkaroon ng anak?" Tanong ko kay Manang Celia na tumigil sa ginagawa niya at umupo sa katapat na silya.

"Oo naman, masaya ang magkaroon ng anak, ang bumuo ng pamilya. Mahirap nga lang minsan, pero kapag nakikita ko ang mga anak ko, nawawala ang pagod ko." Nakangiting sambit ni Manang Celia habang nakatingin sa kawalan. "Bakit mo nagtanong? Gusto mo na rin bang magkaanak kayo ni Sir Conrad?" Naibaba ko ang kutsara at napainom ng tubig.

"Nahihiya po ako." Kumunot ang noo ni Manang Celia.

"Nahihiya? Saan? Sa asawa mo?" Marahan akong tumango. "Nahihiya kang makitang hubo't-hubad ng asawa mo?"

"Manang Celia," nahihiya kong sambit.

"Bakit? Wala namang mali sa tanong ko dahil mag-asawa naman kayo ni Sir. Sandali nga," tumayo si Manang Celia at umikot ito papunta sa 'kin. Itinayo ako nito at pinasadahan ng tingin.

"Bakit po?" Nagtataka kong tanong.

"Birhen ka pa." Kumunot ang noo ko. "Hindi pa kayo nagtatalik ng asawa mo." Siguradong sabi ni Manang Celia matapos pasadahan ng tingin ang katawan ko. Muli akong umupo at bumalik naman sa pagpupunas ng sahig si Manang Celia. "Hindi ka ba inaaya ng asawa mo?"

"Inaaya po saan?" Huminga nang malalim si Manang Celia.

"Nakalimutan ko nga pala na wala kang maalala sa mga bagay-bagay." Napapagtantong turan ni Manang Celia. "Pero sa ganda mo na 'yan Coleen, malabong hindi pa natutukso sa 'yo ang mister mo. Maliban na lang kung wala talaga s'yang interes sa 'yo." Natigilan ako sa pagnguya at tila may bumaong kirot sa dibdib ko. Sa hindi malamang dahilan, nawalan ako ng gana na ubusin ang pancit. "Ay, maglalaba nga pala ako." Paalam ni Manang Celia na nagmamadaling tumungo sa likod ng bahay.

Hindi mawala sa isip ko ang sinabi ni Manang Celia kanina na maaaring tama dahil simula nang magising ako ay hindi ko pa nararamdaman ang pag-aalaga sa 'kin ni Conrad, kapag matutulog naman kami sa gabi, nakatalikod ito sa 'kin. Hindi ko pa rin nararanasan na yakapin niya, minsan lang din kung magdikit ang aming mga katawan at iyon ay kapag nagagalit s'ya at hinahawakan ako nang mahigpit sa braso o kamay. Hindi na rin dapat ako mabigla na marinig ang sinabi ni Manang Celia kanina dahil sa mga pinapakita palang sa 'kin ni Conrad ay alam ko na ang sagot.

Nililibang ko ang aking sarili sa pagtingin-tingin sa mga painting na nakasabit sa dingding dito sa sala kahit araw-araw ko na itong nakikita. Gustuhin ko man na lumabas, ayoko namang ipahamak si Manang Celia kay Conrad na binilin nito kanina na bantayan ako bago ito umalis ng bahay.

Bukod sa mga painting na nakasabit sa dingding, wala na akong ibang makitang pictures 'gaya ng pictures ko at picture namin ni Conrad na magkasama, ang sabi kasi sa 'kin ni Conrad na kasama raw ang mga pictures namin sa na sunog na dati naming bahay at kahit isa raw sa mga pictures ay walang natira kaya hirap din akong may maalala dahil sa wala akong mabalikan na kaganapan sa buhay ko kahit sa picture man lang. Ang tanging suot ko lang na wedding ring ang nagsasabi na mag-asawa kami ni Conrad, na nakatali ako sa kanya.

Walang araw na nababagot ako, wala naman kasi akong ibang paglilibangan dito sa bahay. Tanging ang paghampas ng alon sa labas at ang pagtama ng mga dahon dala ng hangin ang naririnig ko sa bawat araw na lumilipas. Napapaisip tuloy ako kung ano bang buhay ang meron ako dati bago mabura ang mga alaala ko. Kung mahigpit ba sa 'kin si Conrad? O malaya ko bang nagagawa ang gusto ko? Hindi ko rin maiwasang hindi maawa sa sarili ko sa tuwing may mga bagay akong gustong gawin pero hindi ko magawa dala ng takot na baka magalit sa 'kin si Conrad at awayin niya na naman ako.

On His Painful Cage | COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon