Chapter 05

2K 31 0
                                    

"Until you ruined everything..."

Napahinga ako nang malalim habang nakatayo sa dalampasigan at pinapanood ang paglubog ng araw. Nayakap ko ang aking sarili dahil sa pagdaan ng malamig na hangin. Buong araw kong iniisip ang sinabi ni Conrad kahapon, ginugulo nito ang isip ko.

"Ano bang nasira ko?" Wala sa sarili kong tanong. Gaano ba kalala ang nagawa ko at ang lalim ng galit sa 'kin ni Conrad. Ang mata niya kahapon ay punong-puno ng lungkot, na parang walang-wala pa ang mga nararanasan kong sakit at paghihirap sa dinadala niya.

Napahawak ako sa aking dibdib at pinakiramdaman ang kalmadong pagtibok nito. Sa kabila ng nangyayari sa amin ni Conrad, sa masakit na mga salitang binibitawan nito, sa kung paano niya ako itrato, kapag iniisip kong sumuko at umalis na rito, nagpoprotesta naman ang puso ko at lagi itong nananalo kaya wala akong magawa kun'di ang pakinggan at sundin ito na manatili sa tabi ni Conrad sa kabila ng aming sitwasyon.

"Uuwi na ako," nilingon ko si Manang Celia na galing sa loob ng bahay. "Sigurado ako na pauwi na rin ang asawa mo, kaya tara na, pumasok na tayo sa loob." Malumanay na sambit ni Manang Celia pero nanatili akong nakatayo at nakatingin sa dagat.

"Ano po ba ang dapat kong gawin Manang?" Narinig ko ang malalim na paghinga ni Manang Celia.

"Kahit ako man Hija ay walang alam sa kung ano ang dapat mong gawin dahil simula nang kunin ako ng asawa mo para maging katulong at kasama mo rito sa bahay, ganiyan na ang sitwasyon niyong dalawa ang naabutan ko. Ang alam ko lang ay wala kang maalala na kahit ano. Hindi ko rin alam kung ano ang puno't-dulo ng lahat kung bakit nagkakaganito kayo ng asawa mo. Isa lang ang alam ko," nilingon ko si Manang Celia. "Mahal mo siya, mahal mo ang asawa mo Coleen."

"Ang hirap pong humingi ng tawad kapag hindi mo alam kung ano ang nagawa mong kasalanan. Alam niyo ba Manang na pinipilit kong may m-maalala..." Naramdaman ko ang paghagod ni Manang Celia sa aking likod. "Ayaw naman sa 'kin sabihin ni Conrad l-lahat..." Tila magsusumbong na sambit ko. "Pilit ko pong iniintindi ang sitwasyon niya, ang pinanggagalingan niya pero lalo naman akong nahihirapan, nasasaktan. Ang sakit lang ho na gusto niya akong makita na n-nahihirapan. Hindi siya p-patas 'e..." Pinahid ko ang luha ko.

"Isa lang ang nakikita kong solusyon sa problema mo hija," hinawakan ni Manang Celia ang kamay ko. "Maalala ang lahat."

"Pero paano po? Wala akong makitang puwedeng makatulong bukod kay Conrad, pero wala naman po itong balak na tulungan ako." Limitado lang ang mga sinasabi sa 'kin ni Conrad at kapag nagsasalubong na ang kilay nito hindi na ako nagtatanong dahil alam ko na ang susunod na mangyayari, aawayin niya ako. Nilingon ni Manang Celia ang bahay kaya sinundan ko rin ang tinitingnan niya.

"Hindi man kita matulungan at ng asawa mo, isa lang ang sa tingin kong makakatulong sa 'yo," kumunot ang noo ko habang nakatingin pa rin si Manang Celia sa bahay. "Malakas ang kutob ko na may nakatago sa loob ng bahay niyo Coleen na may kinalaman sa mga tanong mo."

"Ano pong ibig niyong sabihin Manang?" Naguguluhan kong tanong.

"Marami ang silid sa bahay niyo pero dalawa lang ang pinapahintulutan ng asawa mo na linisin ko, ang kwarto niyo at ang isa pang kwarto na wala namang gumagamit. Ayaw kong makadagdag pa sa iniisip mo Coleen, pero matagal ko nang gustong sabihin sa iyo ito." Nagsimulang kumabog ang dibdib ko lalo na nang diretsong tumingin sa 'kin si Manang Celia. "Pakiramdam ko ay may tinatago sa iyo ang asawa mo at kung anuman iyon ay maaaring mahanap mo sa loob ng bahay niyo."

Iginala ko ang paningin ko sa buong pasilyo ng ikalawang palapag ng bahay, ang kwartong tinutulugan namin ni Conrad at ang kwarto na minsang pinagkulungan sa 'kin ni Conrad ang napapasok ko palang simula nang magising ako. Ang ibang kwarto ay nakalock at hindi ko pa na susubukan na buksan o kahit lapitan dahil para sa 'kin hindi ko naman kailangan makita ang nasa loob ng mga kwarto dahil sabi ni Conrad ay wala naman daw na laman ang ibang kwarto. Pero bakit hindi niya ito binubuksan kahit isang beses man lang? Tama kaya si Manang Celia na maaaring may makita akong kasagutan sa mga tanong ko sa isa sa mga kwarto?

On His Painful Cage | COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon