Chapter 18

2.1K 27 1
                                    

Tama nga ako.

Ang kinatatakutan ko noon ay nangyari.

Sa pagbabalik ng alaala ko, nawalan naman si Conrad.

Akala ko wala nang mas sasakit pa sa pagtatraydor na ginawa sa 'kin ni Violet, pero mas masakit pala na mawala ang taong minamahal mo lalo na kung hindi ka sigurado kung minahal ka rin ba nito. Araw-araw kong tinatanong ang sarili ko, kung karapat-dapat ba akong mahalin at kung nararapat lang ba sa 'kin ang mga nangyari.

Hindi ko alam kung paano umusad.

Pakiramdam ko ay nakakulong ako sa masakit na katotohanan, na tila naglalakad ako sa pira-pirasong basag na bote, at sa bawat paghakbang ko ay nasusugatan ako.

Ang bigat.

Ang sakit.

Ang hirap.

Ilang araw na ba ang lumipas?

Nang huli akong tumingin sa kalendaryo ay nasa kalagitnaan palang ng taon, pero ngayon halos kakatapos lang ng bagong taon.

Ilang buwan na ba ang nagdaan? Kahit siguro ilang taon pa ang lumipas, hindi na mawawala ang sakit na nararamdaman ng puso ko, nakaukit na ito at hindi na ako makakalaya pa mula rito.

"Mauubos ang naitabi mong pera, anak. Paano ang kinabukasan mo? Sanay naman na ako na walang nakikita, kaya 'wag mo na ako ipaopera."

"Ma, nandito na tayo. Nangako ako sa 'yo, 'di ba? Naghahanap na po ako ng trabaho ngayon kaya kayang-kaya kong kitain muli ang pera, pero ang paningin niyo po habang tumatagal baka lalong hindi kayo makakita." Alam kong iniisip lang ng aking ina ang kinabukasan ko, pero ako mismo ay hindi alam kung anong bukas ang naghihintay sa akin.

Tuluyan kong nakumbinsi ang aking ina na magpa-opera at naging matagumpay ang operasyon, naubos man ang perang naitabi ko sa banko, masaya pa rin ako dahil natupad ko ang pangko ko sa aking ina na ngayon ay may buwan-buwan na check up para sa tuluyang pagrecover ng kanyang mata, kaya mas kinailangan kong makahanap agad ng trabaho para masuportahan ang maintenance ng aking ina.

"Siguro kayo ma'am na mag aapply kayo?" Muling tiningnan ng HR ang resume na pinasa ko sa isang bar and restaurant na nadaanan ko kanina. "Dishwasher lang ang bakante namin ngayon." Dagdag pa nito.

"Wala naman pong masama sa pagiging dishwasher, ma'am." Nakangiti kong turan. Tipid namang ngumiti ang HR na ibinalik sa envelope ang resume ko.

"Wala nga ma'am, pero kasi..." Pinasadahan ako nito ng tingin. "Kilalang tao kayo, napapanood dati sa TV. Makakaapekto sa pangalan namin kung tatanggapin ka namin, baka sabihin ng iba na kinakawawa ka namin 'pag nagkataon."

"Hindi po ako magpapakita sa mga costumer kung 'yon po ang iniisip niyo, sa kusina lang po ako." Litanya ko.

"Pasensiya na talaga ma'am, sa iba na lang kayo mag-apply, sa mas bagay sa inyo." Ibinalik sa 'kin ng HR ang resume ko at may tinawagan ito kaya tumayo na ako at lumabas ng office.

"Kumusta po ma'am? Tanggap?" Salubong na tanong sa 'kin ng security guard. Tipid ko itong nginitian. "Puwede pong magpapicture? Papakita ko lang po sa anak ko, fan na fan niya kayo." Pinagbigyan ko ang security guard na todo pasalamat at hinatid pa ako sa sakayan ng tricycle.

Kapag nakikita ako ng iba na naglalakad sa mga pampublikong lugar, susundan nila ako ng tingin at ang iba naman ay manghihingi ng pabor na makapagpapicture. Kaya para makaiwas ako sa mga ganitong tagpo, minabuti kong magdala ng balabal at sunglass nang sumunod na araw na maghanap ako ng trabaho para walang makakilala sa 'kin habang naghahanap ng trabaho.

Gusto kong mamuhay bilang isang ordinaryo, hindi bilang isang kilalang personalidad dahil hangga't maaari nga ay ayaw ko nang makilala pa bilang si Megan Cameron, na dating sikat na artista. Gusto ko na titingnan ako ng mga tao na isang ordinaryo, pero mukang imposible na iyon dahil sa bawat establisyemento na pinapasukan ko, kinikilala pa rin nila ako bilang isang artista.

On His Painful Cage | COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon