Chapter 11

2K 30 0
                                    

"N-nasaan ako?" Marahan kong ibinangon ang katawan ko mula sa malambot na kama. "S-sino ka?" Tanong ko sa lalaking nakatayo sa gilid ng kama. "Higit sa lahat... Sino ako?" Blanko. Blanko ang utak ko na kahit ang sarili kong pangalan ay hindi ko alam.

Umupo sa gilid ng kama ang lalaki at inabot nito ang kamay ko, sinundan ko ng tingin ang mga mata nito na nakatuon sa singsing na nasa daliri ko.

"Coleen. Coleen ang pangalan mo, at ako si Conrad, ang asawa mo." Sa singsing nakatingin ang lalaki na Conrad ang pangalan. Nakatitig ito roon habang hawak ang kamay ko.

"Asawa? Mag-asawa tayo?" Marahang tumango ang lalaking nagsasabi na mag-asawa kami. Napahawak ako sa aking ulo. "Bakit wala akong matandaan na kahit ano? Kahit ang pangalan ko ay hindi ko alam..." Naguguluhan kong sambit.

"It's a long story. Galing ka sa mahabang pagkakatulog, you've been comatose for long. I'll tell you everything once you feel better. Ang mahalaga ay gising ka na." Tinitigan ko siya. Ang mga mata nito ay may kung anong tinatagong ekspresiyon. "Kukuha lang ako ng tubig sa baba." Paalam nito at lumabas ng kwarto.

Muli kong tiningnan ang singsing sa daliri ko. Asawa ang salitang pumapasok sa isip ko. Paulit-ulit ito sa utak ko pati ang mukha ni Conrad na nagsasabing mag-asawa kami. Mas natandaan ko pa nga ito kaysa sa pangalan ko.

Nakatingin ako sa hawak kong susi at sa wedding ring na nasa daliri ko habang nasa harapan ng nakasaradong pinto. Nakakatuwang isipin na natandaan ko ang araw na magising ako at naroon si Conrad, na sa kabila ng wala akong matandaan na kahit ano tungkol sa sarili ko at sa aming dalawa, pakiramdam ko ay hindi niya ako iniwan. Hinintay niya na magising ako mula sa mahabang pagkacomatose sa kabila ng kung ano man ang kasalanang nagawa ko sa kanya.

Nanatili siya sa tabi ko hanggang ngayon. Hindi ko alam kung ano ang mga pinagdaanan ni Conrad, kung ano ang mga hinarap niyang mag-isa habang tulog ako at ang katotohanan na hindi niya ako nagawang talikuran kahit may nagawa akong kasalanan sa kanya.

Pinili niya pa rin ako.

Nanatili siya sa tabi ko.

Hindi ko na napigilan ang pagluha. Puwedeng-puwede niya akong pabayaan noon, pero hindi niya ginawa, at ngayon handa niyang ibigay sa 'kin ang sagot sa mga tanong ko kapalit man nito ay ang maaari naming pagkasira.

Lumuluha akong umatras palayo sa pinto, umiiling. Ayokong masira kaming dalawa. Ayokong maging dahilan na naman ng paghihirap ni Conrad. Naniniwala ako na kaya naming ayusin ang lahat kahit wala man akong maalala.

Si Conrad, ang asawa ko ang pinipili ko.

Bumaba ako at dumiretso sa kusina, umaasang naroon ang asawa ko pero wala akong naabutan, kaya dumiretso ako sa likod ng bahay, nagbabakasakali na naroon si Conrad, pero bigo ako at ayoko sa naiisip ko ngayon.

"Huwag mo akong iiwan, Conrad..." Sambit ko na parang naririnig ako ng asawa ko. Bumalik ako sa loob ng bahay at luminga sa paligid ng sala habang lumuluha. "Conrad, nasaan ka?" Pinahid ko ang mga luha ko gamit ang likod ng palad ko.

May nabubuong konklusyon sa utak ko ngayon na ayaw kong tanggapin. Nanghihina ang mga tuhod ko dahil sa alam kong hindi ko kakayanin kung sakali man na totoo ang naiisip ko ngayon.

"Hindi. Hindi niya ako i-iwan..." Pagkumbinsi ko sa aking sarili. Tumakbo ako paakyat para bumalik sa kwarto namin. Pagkapasok ko sa loob ng kwarto, binuksan ko kaagad ang malaking kabinet ni Conrad.

Tumulo ang mga luha ko.

Nakahinga ako nang maluwag nang makita ko na nasa loob pa ng kabinet ang mga damit ng asawa ko. Lalo na nang makita ko ang paborito nitong abohang long sleeve na nakahanger. Kinuha ko ito at mahigpit na niyakap habang umiiyak. Nawawala ang takot ko ngayon, takot na baka iniwan na ako ni Conrad dahil sa hindi na niya kayang makasama ako.

On His Painful Cage | COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon