"Never try to escape from me..."
Tila narinig ko ang boses ni Conrad kaya hindi ko nagawang humakbang. Basang-basa na ang pisngi ko dahil sa pagluha habang binabaybay ang masukal na gubat mula kanina palayo sa bahay hanggang sa mapagod ako at tumigil sa gitna nang matataas na kahoy.
"Anong dapat kong gawin?" Tanong ko sa sarili ko. "Anong nagawa ko?" Napapikit ako at nanlulumong napa-upo sa mga damo.
"How I wish I could kill you..."
"Huwag mo akong pilitin na maging katulad mo, dahil hindi ko kayang pumatay..."
"Alam naman natin ang totoong nangyari at hawak ko ang totoong mamamatay tao..."
"Kung hindi siya magbabayad sa batas, puwes ipaparanas ko sa kanya ang batas ng impyerno."
Natakpan ko ang aking tenga dahil tila naririnig ko ang mga sinabi ni Conrad, paulit-ulit ito na parang sirang plaka sa pandinig ko.
"Tama na..." Usal ko habang nasa gitna ng matataas na kahoy.
Isang desisyon ang nabuo sa isip ko bago sumikat ang araw kanina, ang lumayo. Nagdesisyon akong umalis sa bahay, hindi ko man alam kung saan ako dadalhin ng mga paa ko, ang tanging nasa isip ko lamang ngayon ay ang lumayo dahil hindi ko alam kung ano ang posible kong magawa sa oras na bumalik ang mga alaala ko.
Natatakot ako. Natatakot ako para sa sarili ko, sa kaya kong gawin.
"Anong nagawa ko?!" Galit na sambit ko. "S-sino? Sino ang pinatay ko?!" Napahagulgol na ako at nasapo ko ang aking dibdib. Ang hirap at ang sakit na kahit ang sarili ko ay hindi ko na magawang pagkatiwalaan. "May maalala ka na! May maalala ka na! Pakiusap..." Paulit-ulit kong hinahampas nang nakakuyom kong palad ang ulo ko. "Pakiusap, alalahanin mo na ang lahat!" Lumuluhang turan ko.
"Coleen! Hija," marahan akong lumingon sa aking likod at nakita ko si Manang Celia na humahangos kasunod si Bianca.
"Oh my god, buti nahanap ka namin." Sinubukang lumapit ni Bianca sa 'kin pero umatras ako at umiling. Hanggang sa lumabas mula sa matataas na damo si Conrad na hinahawi pa ang ilang damo.
"Akala mo ba makakatakas ka?!" Umatras ako at agad na pinigilan ni Bianca sa braso si Conrad na malalalim ang paghinga. "Bitawan mo ako Bianca! Hindi ako papayag na makawala ang babaeng 'yan!" Marahas na binawi ni Conrad ang braso niya mula kay Bianca at ang mga mata nito ay nanlilisik, sigurado akong galit na galit ito marahil sa kanina pa nila ako hinahanap.
"H-huwag kang lumapit sa 'kin..." Umaatras at lumuluha kong sambit.
"Ano? Naalala mo na ang lahat? Naalala mo na ang ginawa mo?! Kung paano mo sirain ang buhay ko!" Mabilis na nakalapit sa 'kin si Conrad at hinawakan ako sa magkabilang braso. "Naalala mo na?! Kaya tatakas ka?!"
"H-hindi..." Pag-iling na sambit ko. Pinipilit kong makawala mula sa humihigpit na hawak ni Conrad sa magkabila kong braso.
"Conrad, let her go!" Turan ni Bianca na hindi alam kung lalapit sa 'min ni Conrad.
"Asawa mo siya Sir Conrad, maawa ka naman..." Sambit ni Manang Celia.
"Huwag kayong mangialam!" Galit na sigaw ni Conrad kina Bianca at Manang Celia na parehong napaatras.
"C-conrad, 'wag mo na silang idamay..." Nilingon ako ni Conrad. "Hindi pa bumabalik ang alaala ko p-pero lalayo ako..."
"Sa tingin mo ba hahayaan kong makawala ka sa mga kamay ko?!" Binitawan ni Conrad ang braso ko at agad na hinawakan ang palapulsuhan ko at pilit ako nitong hinihigit.
BINABASA MO ANG
On His Painful Cage | COMPLETED
General FictionAng tanging alam n'ya lang ay asawa siya ni Conrad, ang lalaking puno ng galit at pagkamuhi sa kanya sa hindi n'ya malamang dahilan. Hanggang dumating ang araw na bumalik ang kanyang mga alaala at malaman na bihag siya ng kasinungalingan at masakit...