"Ano ba ang plano mo ngayon?" Nilapag ko ang pinupunasan kong pinggan sa mesa habang abala naman si Manang Celia sa pagtitimpla ng niluluto niyang Italian dish na nirequest ni Bianca para sa mamayang tanghali.
"Sinubukan ko po kahapon na alamin ang nasa loob ng isa sa mga kwarto sa taas pero..."
"Pero?" Nilingon ako ni Manang Celia at tinakpan ang kaldero.
"May kung anong meron po sa 'kin na pumipigil na alamin ang nasa loob ng kwarto."
"Takot ba Hija?" Napababa ang tingin ko sa mesa. "Natatakot ka sa kung anuman ang matutuklasan mo?" Tumango ako.
"Pakiramdam ko po ay hindi ko kakayanin ang kung anuman ang malalaman ko, pakiramdam ko rin po na..." Natatakot akong sabihin ang susunod na mga salita kaya bumuntong hinga ako para kumuha ng lakas. "Na mawala sa 'kin si Conrad, ang asawa ko."
"Ang gusto mo lang naman na mangyari ay bumalik ang mga alaala mo, hindi ba? Kaya bakit pakiramdam mo ay mawawala sa 'yo ang asawa mo?" Naguguluhang tanong ni Manang Celia na naghugas ng kamay.
"Hindi ko po maipaliwanag ang takot na nararamdaman ko kapag sinusubukan kong bumalik ang alaala ko, pakiramdam ko po kasi mawawala sa 'kin si Conrad o ako ang mawawala sa tabi niya kapag bumalik ang mga alaala ko. Lagi niya ho sa 'king pinaparamdam na sobrang bigat ng kasalanan na nagawa ko sa kanya kaya hindi po imposible na sa oras na bumalik ang mga alaala ko, baka ako rin ang magdesisyon na umalis sa tabi niya dahil sa kasalanang nagawa ko sa kanya," naalala ko na naman kung paano lumuha si Conrad sa harapan ko at doon ko napagtanto na malalim ang pinanggagalingan niya, na malalim ang sugat na dinadala niya na posibleng ako ang may dahilan 'gaya ng pinapakita at pinaparamdam niya sa 'kin.
"Gusto mo pa bang bumalik ang mga alaala mo?" Tiningnan ko si Manang Celia.
"Gusto ko pong maintindihan si Conrad, ang sakit na dinadala niya, ang pinanggagalingan ng galit niya sa 'kin, pero kung ang pagbalik ng mga alaala ko ay maging dahilan naman ng pagkawala ni Conrad sa buhay ko, mas pipiliin ko na lang po Manang na 'wag na lang bumalik ang mga alaala ko." Handa akong talikuran ang kung anuman ang dati kong buhay, ang kung anuman ako dati bago mawala ang mga alaala ko para kay Conrad, para sa asawa ko.
"Coleen," pareho kaming napalingon ni Manang Celia sa kakapasok lang sa kusina na si Bianca. May suot itong bathrobe at labas ang panloob nitong one piece swimsuit na kulay asul. "Can you join me? Gusto kong maligo sa dagat."
"Hindi ka ba muna kakain?" Tanong ko rito.
"Ah, ma'am," singit ni Manang Celia. "Medyo matagal pa po ang pinapaluto niyo."
"That's fine po Manang," nakangiting sambit ni Bianca na lumapit sa 'kin at humawak sa wrist ko. "Matagal pa naman daw maluluto kaya maligo muna tayo sa dagat, ang ganda kasi ng araw kaya masarap lumangoy ngayon."
"Sasamahan na lang kita, baka kasi magalit si Conrad kapag naligo ako." Nahihiya kong turan at umarko naman ang kilay ni Bianca.
"Ako ang bahala sa asawa mo, tara na." Wala na akong nagawa nang hatakin ako ni Bianca palabas ng kusina at tumigil ito sa may sala kaya napatigil din ako. "Hindi ka magpapalit?"
"Ng suot?" Pinasadahan ko ang suot kong pambahay na bistida.
"Don't tell me you don't have any swimsuit?" Bumaba ang tingin ko, lagi lang akong nakapambahay at madalas paulit-ulit lang ang suot kong damit na kadalasan ay mga simpleng bistida dahil sa iilan lang ang damit ko. "Come with me," inakay ako ni Bianca paakyat ng hagdan at pagdating namin sa taas ay ang pagbukas naman ng pinto sa kwarto namin ni Conrad na s'yang lumabas sa kwarto kaya binawi ko ang kamay ko sa kamay ni Bianca na tiningnan ako.
BINABASA MO ANG
On His Painful Cage | COMPLETED
General FictionAng tanging alam n'ya lang ay asawa siya ni Conrad, ang lalaking puno ng galit at pagkamuhi sa kanya sa hindi n'ya malamang dahilan. Hanggang dumating ang araw na bumalik ang kanyang mga alaala at malaman na bihag siya ng kasinungalingan at masakit...