GENESIS

223 13 6
                                        

Isang taong umaasal na hayop,
Dahil sa mapait na karanasan.
Nagbalik, umaasa't kumakayod,
Upang hustisya ay makamtan.

Pinag-isipan at pinagplanuhan,
Maraming tao ang hahatulan.
Maghihiganti sa kanyang kaparaanan,
Paghihirap man o ang kamatayan.

Ang binata ay naging isang banta,
Ang pagkatao'y naging bangungot.
Tatlong taon nang siya'y namamalagi,
Lahat sila'y nasa panganib, nakapulupot.

Tama! Kamatayan sa pagkapos ng hininga,
Sa sakal ng mapanganib na lubid.
Daramdamin din nila ang talim at sakit,
Ng hinasa kong laro sa aking pagbabalik.

-Mr. Pride

Hindi malakas, hindi rin mahina kung ilalarawan ang tunog ng ulan na bumabagsak sa sahig. Ang sarap sa pakiramdam ng bawat butil na dumadampi sa aking katawan. Gagawa ako ng isang karumal-dumal kung saan walang sinuman ang makakikita't makaririnig. Aking nasisilayan nang maaliwalas ang bilog at maliwanag na buwan.

Kasama ang aking tiyuhin, narito kami sa tuktok ng isang condo. Nakasuot kami ng balabal na kulay itim, na para bang mga multo. Kung kami ay titingnan sa malayuan ng kahit na sinong tao, aakalain nila na kami ay mag-ama at parte ng tinatawag na kulto. 

Ako'y isang batang lalaki na nasa walong-taong gulang, nakahiga sa sahig habang nilalasap ang patak ng ulan na tumatama sa aking mukha. Ang kasama kong lalaki ay nasa tatlumpung taon at husto na ang gulang, sumasayaw at umiindak na parang idinaraos ang bagsak ng ulan na walang tila. 

Ang bakal na pinto ay kumalabog dahil may dumating na isang kasapi. Hindi makita at maaninag ang kanyang mukha dahil ito'y natatakpan ng maskara ng Kamatayan. Ang kanyang suot ay kapote na ang kulay ay kabaliktaran ng puti, kulang na lang ang karit at masasabi nang siya ang tagasundo ng kaluluwa na ating kinatatakutan. 

♠ 

Sa rooftop ng isang condominium ay may tatlong lalaking nakasuot ng balabal na kulay itim. Ang isa sa kanila ay mistulang mahikero dahil may dala itong isang kubyerta ng baraha. Ang kasama niya naman ay isang bata at ang nasa gitna nila ay ang lalaking nakasuot ng maskara ni Grim Reaper.

"Bilog ang buwan at napakaliwanag nito," sabi ng mahikero.

"Saktong umuulan na babagay sa gagawin ko," saad naman ng bata.

"Magsihanda kayo! Ating papaslangin ang pitong demonyo na itinuturing kong banta sa ating kapaligiran," wika ng Grim Reaper.

"Madadamay ka... Paano mo babawian ng buhay ang sarili mo?" tanong ng bata sa kanya.

"Sang-ayon ako! Nahihibang ka na ata. May balak kang patayin ang sarili mo?" ani ng mahikero.

"Ako'y mawawalan ng hininga sa tamang kaparaanan. At ito ay sa kamay pa ng taong malapit sa 'kin," sambit ng Grim Reaper.

Lumakas ang buhos ng ulan na halos humahampas sa bawat natatamaan nito. Kumulog na rin nang malakas at kumidlat na nagbibigay liwanag sa lahat. Ang buwan ay unti-unting nawawala sa paningin nila. Siya ay bumaba mula sa rooftop upang simulan ang pinakaunang hakbang sa kanyang mga plano.

Gusto niyang ipakita sa lahat na siya ang pinakamataas, ang pinakamalakas, at ang pinakanakakatakot na taong hindi gugustuhing kalabanin ng kahit na sino. Sumasakanya ang iba't ibang personalidad na may iba't ibang katangian. Naninirahan din sa kanya ang hari ng kahariang mulat sa agawan ng teritoryo.

"Umpisahan na natin ang laro!" masayang banggit ng Grim Reaper.

May isang babae na kasalukuyang nakasakay sa elevator. Ang kanyang kasuotan ay basang-basa dahil sa bagyo na kanyang sinalubong mula sa labas. Hindi siya nakadala ng payong, kapote o anumang bagay na maaari niyang gamitin sa panahon ng tag-ulan.

[ding!]

Tumunog ang elevator, hudyat na siya ay nakarating na sa tamang palapag. Ang babae ay lumabas at nagpagpag ng kanyang basang sapatos sa sahig ng hallway. Maglalakad pa siya nang bahagya upang makarating siya sa kanyang unit. Habang siya ay humahakbang ay may tinawagan siya sa cellphone.

"Lovie! Huwag mo na akong sunduin, nasa bahay na ako. Pumunta ka na lang dito kapag tumila na ang ulan," bigkas niya sa kabilang linya na may malanding tono.

Nang makarating siya sa harap ng kanyang unit ay tinapat niya lang ang kanyang hinlalaki sa biometrics at ang unit ay nagbukas. Nag-iba ang ihip ng hangin nang makapasok siya sa loob. Ang babae na kaninang kinikilig ay nakakaramdam na ngayon ng sobrang kaba at takot na hindi niya maipaliwanag.

Napansin niya na ang kurtina ay magulo at may parte itong basa, mula sa gitnang bahagi pababa sa sahig. Naririnig din niya ang bawat patak ng tubig galing dito dahil sa sobrang katahimikan.

Ang babae ay pumasok sa banyo upang maligo. Nang matapos ay nagkape siya at nagpahinga. Dahil hindi pa rin mawala sa isip niya ang kurtina ay lumapit siya at tiningnan nang masinsinan kung anong mayroon dito.

Guminhawa naman ang kanyang pakiramdam at nawala rin ang takot sa kanyang dibdib nang wala siyang makita rito. Naisip niya na baka may butas lang ang kanyang kisame dahilan upang may tumulong ulan sa kanyang kurtina.

Maayos na sana ang lahat kaso lang...

Sinu-presa (Sinurpresa) sa kanya ang isang lalaking nakasuot ng balabal na kulay itim pagtalikod niya. Hindi niya ito mamukhaan dahil sa suot nitong maskara ni kamatayan. Hinarangan ng lalaking ito ang kanyang ilong ng isang panyo na may halong kemikal na pampatulog.

Kapag nasinghot ito ng kahit na sinong humihinga ay tiyak na mawawalan siya ng malay at makakatulog sa medyo matagal na oras.

At ang lalaking ito ay ang Grim Reaper na nasa rooftop kanina.

Labinlimang minuto na nakatulog ang babae. Nagising siyang nakagapos ang kanyang mga kamay at paa sa kama. Nasa gilid na rin niya si Grim Reaper, ang batang lalaki, at ang mahikero na kapwa magkakasama sa rooftop ng condominium kung nasaan sila ngayon.

Ang Grim Reaper ay may kinuha sa kanyang bulsa; isang bagay na gawa sa metal na isinusuot sa kamay. Kapag binuksan mo ang itaas na bahagi nito ay may lubid na yari sa matalas na wire. Ito ay nababanat at nahihila na umaabot sa isang metro. Ito ay maliit na klase ng lubid ngunit napakatibay.

Nang makita ito ng babae ay nanginig siya sa takot at nagtanong. "Sino ka?! Anong gagawin mo sa 'kin?!"

Sa halip na sumagot ang Grim Reaper ay umagaw sa eksena ang batang lalaki. Kinuha niya ang kanyang cellphone at nagpatugtog ng piano music, ito ay ang, "Fur Elise," ni Beethoven.

Habang pinakikinggan ng babae ang musika ay nagtaasan ang kanyang balahibo. Labis na ang takot sa kanyang nasasaksihan. Sumisigaw na siya ngunit wala itong gamit dahil ang kanyang unit ay napapalibutan ng soundproof material.

Natapos na ang buong musika kaya't niligpit na ng batang lalaki ang kanyang telepono. Lumapit muli ang Grim Reaper at nagkuwento.

"Ako sa iyo'y magkukuwento ng tila palaisipan, sandali mong itigil ang iyong pagluha. Hanggang dulo ay dinggin nang masinsinan; ang mga katanungan sa iyo'y sagutin nang tama. Sa sagot mo ay subukan mo akong makumbinsi at ang mga gapos sa iyo ay aking isusundi. Buhay mo'y nakasalalay sa iyong mga kamay, kaya't ingat sa pagsablay... Walang awa akong pumapatay. 

"May isang babaeng bayaran, si Allysa raw ang kanyang ngalan. Ang kanyang pamumuhay ay masasabing puno ng maraming kasiyahan. Ang kanyang paglalakbay sa buhay ay puno ng kaligayahan. Kaya't maaari nating sabihin na araw-araw ay puno siya ng kagalakan.

"Ngunit... isang trahedya ang naganap na nagpabago rito: siya ay gin*h*sa at nagbunga ito. Isang batang lalaki na nagngangalang Marco ang namatay dahil sa labis na pagmamaltrato.

"Paano? Kada-uwi ni Allysa, ang bungad ay sampal sa anak. Kada-palo ng latigo, may dugong dumadanak. Ang balat ay napupunit, naggagasgas, at nawawasak. Ang bata'y naubusan ng dugo, kaya ang labi'y nagkulay pilak.

"Dumating ang ilang araw, dumating ang ilang linggo. Namatay ang bata sa kamay ng kanyang inang abusado. Ang ganitong klase ng tao ay sana'y sinentensiyahan na bilang akusado, subalit dinala lang sa lugar ng mga sira-ulo.

"Kaya naman tungkol sa bata ang aking katanungan. Bigyan mo sana ako ng maayos na kasagutan: Sa tingin mo, ano ang kanyang kasalanan at siya ay pinaslang nang hindi kinaawaan?" tanong ng Grim Reaper.

Napaluha ang babae dahil sa kanyang mga narinig. Hindi niya alam kung ano ang isasagot pero alam niya sa sarili niya na tungkol sa kanya ang kuwento.

"Sorry," sambit niya.

"Wala kang tugon?" tanong ng Grim Reaper.

"Tuwing nakikita ko ang anak ko, naaalala ko ang nangyari sa akin. Iyon ang dahilan kung bakit hindi ko siya makita bilang anak ko," utal na sabat ng babae.

"Hanggang ngayon ay magaling ka pa ring magpaikot-ikot,"

"Pinatay mo ang bata hindi dahil nagpapaalala siya ng masamang karanasan kundi dahil ayaw mong masira ang iyong reputasyon," sabi ng Grim Reaper.

"Hindi ko naman sinasadyang mapatay ang bata. Nadala lang ako ng galit ko noon. Maawa ka sa akin, pakiusap, kung sino ka man!" pagmamakaawang saad ng babae.

Ang mahikero naman ang lumapit at nagwika,

"Ako ay may isang pakete ng baraha. Hulaan mo kung anong laro. Pipili ka lang ng isa sa apat na piraso, dapat ay hindi tatlo. Ang may letrang W ang tamang baraha na dapat ay mapili mo. Sana'y hindi letrang P ang mabunot mo upang hindi mo mapili ang kamatayan mo.

"Ikaw ay may dalawampu't limang porsiyento lamang upang mabuhay. Piliin mo ang baraha na sa tingin mong magliligtas sa iyo nang tunay. Ang kapalaran nga naman ng tao ay nakasalalay sa kanyang sariling desisyon. Wala akong kasalanan kung oras na talaga ng kamatayan mo ngayon." 

Binunot ng babae ang pangalawang baraha sa apat na piraso at sa kasawiang-palad ay letrang P ang nakaguhit dito. Hindi na nagsalita pa ang Grim Reaper. Nang makita niya ang barahang napili ng babae ay binanat na niya ang kanyang lubid at ipinaiikot ito sa leeg ng babae. Sinakal niya ito hanggang sa maubusan ang babae ng hininga.

Ginawa niya ito nang walang awa't pag-aalinlangan.

Pagkatapos mamatay ng biktima ay ipinatayo nila ito sa gitnang bahagi ng unit. Kumuha ang mahikero ng mas makapal na lubid at ikinabit iyon sa bawat sulok ng kuwarto saka itinali sa katawan ng biktima. Nilapitan ito ng bata at kinuha ang kamay ng bangkay, pinutol ang buto ng daliri nito at itinuro sa kisame kung saan may simbolong ginuhit ang Grim Reaper.

Ito ay bilog na sa loob ay may letrang T at F na pinagsama.

Habang lumalabas sa unit ay naghabol pa ang Grim Reaper ng katagang, "Hangal! Isa kang maruming babae. Hindi ka kailanman gin*h*sa." 

VigilanteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon