"Harley?"
Dumilat si Harley at nakitang naupo si Brett sa harapang upuan. Pinupunasan nito ang utensils na gagamitin nila sa pagkain. Isinalin na rin nito ang nabiling pagkain malapit sa ospital.
Nakahiga ang ulo niya sa lamesa at bumangon. Humikab siya. Walang pakialam kung maraming taong makakakita. Tinanggal niya ang hood na suot at muling humikab.
"Umuwi ka na kaya," suggestion ni Brett. "Nandito naman na sina Reid at Sam, puwede na raw tayong umuwi kasi sila naman."
"Nagpaalam na rin ako kay Frankie na uuwi na muna ako. Babalik na lang siguro ako bukas sa pag-out nila," sagot naman ni Harley. "Ikaw, uuwi ka na rin ba?"
Tumaas ang dalawang balikat ni Brett. "Hindi ko pa alam. Depende kay Sam. Wala rin naman akong flight sa mga susunod pa kaya puwede muna ako mag-stay hanggang sa makauwi na sila. Medyo delikado pa rin kasi si Reid, eh."
Tumango lang si Harley at hinalo ang sabaw na pinabili niya. Ramen ulit iyon dahil gusto niya ng medyo maanghang na mainit. Antok na antok na siya. Kumportable naman ang hinihigan niyang sofa, pero hindi siya makatulog dahil may mga pumapasok sa kwarto ni Frankie para i-check ito.
Nag-extend ng isang araw ang mag-ina dahil gusto ni Reid na ma-check ang lahat bago makauwi. Sinabi namang puwede na siyang umuwi, pero hindi siya pumayag dahil alam niyang maiilang si Frankie na makisuyo sa iba. Sa kaniya lang ito kumportable.
Suminghot si Harley at mahinang umubo. Dala na rin siguro ng pagod at puyat kaya hindi ganon kaganda ang pakiramdam niya.
"Gusto mo bang magpa-check bago umuwi? Para kang sisipunin," ani Brett. "Daan tayo sa ER mamaya, gusto mo?"
Umiling si Harley. "Hindi na. Uuwi na rin naman na ako, makakatulog na 'ko," sagot niya.
"Ano palang sasakyan mo pauwi? Puwede naman kitang isabay kung sakali," pag-offer ni Brett.
"Susunduin ako ni Zero," mahinang natawa si Harley. "Nagpasundo na rin ako kasi baka makatulog ako sa Grab. Mahirap pa naman akong gisingin, kawawa 'yong driver."
Yumuko si Brett at natawa ngunit pareho silang natahimik na lang at nagpatuloy sa pagkain. Wala na rin sa mood makipagkuwentuhan si Harley. Gustong-gusto na niyang humiga at umuwi, ayaw lang niyang iwanan si Frankie.
Nilingon niya ang phone niya nang umilaw iyon, nakita niyang tumingin din doon si Brett. Si Zero ang tumatawag na kaagad niyang sinagot.
"On the way na 'ko," ani Zero. "Saan kita dadaanan?"
"Sa Entrance na lang ng ospital, doon na lang kita hihintayin," sagot naman ni Harley at muli siyang humikab. "Sa'n ka na ba banda? Kumakain pa kami."
Matagal bago sumagot si Zero at narinig ni Harley ang mga busina sa paligid. "Malayo pa. One hour, fifteen minutes away pa raw. Depende pa 'to. Medyo traffic."
"Sige lang, take your time. Kumakain pa naman kami. Mag-aayos pa rin naman ako ng gamit." Uminom ng tubig si Harley. "Sige na. Mamaya ka na tumawag. Phone ka na naman habang nagmamaneho, kokotongan kita."
Pagbaba ng tawag, tiningnan ni Harley si Brett na nakayukong kumakain. Nagpatuloy na rin siya sa pagkain at nang matapos, bumalik na sila sa kwarto ni Frankie. Buhat nito ang baby at katabi si Reid na naka-mask.
Sumandal si Harley sa hamba ng pinto habang nakatingin sa bestfriend niya. Nakaramdam siya ng inggit sa parteng ang saya-saya nito, samantalang siya, hindi niya pa rin alam kung ano ang susunod sa buhay niya.
Successful naman ang blog at ang YouTube channel niya, pero alam din niya sa sarili niyang mayroong kulang na walang makapupunan kahit na sino kung hindi siya.
BINABASA MO ANG
Soul Meets You (Fireplay #2)
General FictionFP #2: Zero (Epistolary with narration)