Habang binabaybay ang daan papunta sa kung saan, hindi maatim ni Harley ang nakabibinging katahimikan sa loob ng sasakyan. Imbes na magtanong, kinain niya ang dalang Burger King ni Zero.
Wala siyang idea kung saan sila papunta. Wala naman itong sinabi sa kaniya.
Gamit din nila pickup trick nitong bihirang gamitin. Kung tutuusin, dalawang beses lang, at noong naglipat pa siya ng gamit.
Gustuhin man niyang magtanong kay Zero, hindi niya magawa. Binuksan na lang niya ang bintana para damhin ang malamig na hangin habang pinakikinggan ang tugtog sa speaker ng sasakyan. Sinasabayan niya iyon.
Siya ang gumawa ng playlist nila ni Zero kaya naman karamihan doon kay Doja Cat. Paborito kasi niya iyong sayawin lalo kapag nagluluto. Isang dahilan din iyon kaya nag-viral siya sa YouTube bilang sexy na nagluluto.
Lumilipad ang mahabang buhok ni Harley. Naisip na rin niyang magpagupit sa susunod na araw para ibang hairstyle naman.
Sinasabayan niya ang kantang Need To Know.
Ipinalibot niya ang tingin sa daan at mukhang papunta sila sa mataas na parte ng siyudad. Hindi naman bago sa kaniya ang lugar dahil madalas naman sila roon para kumain.
Imbes na magtanong, ipinagpatuloy na lang ni Harley ang pananahimik at naghintay kung saan siya dadalhin ni Zero.
Nang makarating sa subdivision na ilang beses na rin nilang pinuntahan, naunang bumaba si Zero, pero tahimik pa rin ito. Sumunod si Harley at naabutang nakaupo ito sa likod ng pickup truck, umiinom ng beer.
Inabot ni Zero ang isa sa kaniya bago siya naupo sa tabi rin nito.
"So, sasabihin mo na ba kung ano'ng nangyayari?" basag ni Harley sa katahimikan. "Kanina pa tayo tahimik, eh. Feeling ko bad breath ka na. Kadiri."
Natawa si Zero. Inabutan siya nito ng isang yosi. "Musta pala 'yung new condo mo? Ayos naman?"
"Oo, mas maganda ang gising ko araw-araw. Ang ganda ng sinag ng araw sa umaga kaya nag-e-exercise ako," aniya at nilingon si Zero. "Pero hindi 'yon ang pag-uusapan natin. Ano'ng meron?"
Huminga nang malalim si Zero bago siya muling hinarap. "Nakatanggap ako ng e-mail galing sa isang university sa Netherlands. Hindi ko alam kung tatanggapin ko."
Kaagad na kumabog ang dibdib ni Harley at para itago iyon, uminom siya ng beer, humithit ng yosi, at tumingin sa city lights na nasa harapan nila.
"Gusto mo bang pumunta?" tanong niya. "Kung gusto mo, puntahan mo! Sayang 'yon, hoy! Opportunity 'yon sa—"
"Gusto mo ba? Kung sakali man, okay lang ba sa 'yong tanggapin ko?" seryosong tanong ni Zero.
Malakas na natawa si Harley at hinampas ang braso ni Zero. "Bakit mo 'ko tinatanong? Siyempre ang isasagot ko, gusto ko dahil support naman ako sa inyo palagi, 'di ba?"
Diretsong nakatingin si Zero sa kung saan. "Gusto kong tanggapin, pero iniisip kita. Maiiwan ka, eh. Two years kasi 'yon."
"Tanga, okay lang! May social media naman saka for sure, tatawagan mo pa rin naman ako, right?" natutuwang sambit ni Harley. "Sino ba naman ako para pigilan kayo?"
Patagilid na tumingin si Zero sa kaniya. Salubong ang kilay niyo ngunit mayroong ngiti. "Bakit parang labas sa ilong?"
Sa sinabi ni Zero, hindi na napigilan ni Harley ang pag-iinit ng mga mata niya at lumuha. Wala na rin siyang balak itago iyon dahil pagdating kay Zero, wala naman na siyang ibang itinatago.
"Siyempre malulungkot ako! Mami-miss kita, pero gusto ko ring ituloy mo kasi sayang 'yan, hoy! Kung may budget ako, bibisitahin na lang kita roon o kaya umuwi ka rin dito!" singhal ni Harley at pinunasan ang luha. "Tanggapin mo 'yan. Dalawang taon lang naman. 'Wag mo 'kong isipin."
"Alam mo, ikaw ang unang pumasok sa isip ko no'ng natanggap ko 'yung e-mail," pag-aamin ni Zero. "Kasi ayokong umalis dahil wala kang boyfriend. Kawawa ka naman. Mag-isa ka lang."
Iyak-tawa si Harley na mahinang pinagsusuntok ang braso ni Zero na humahalakhak din.
"No, parang ayokong umalis kasi maiiwan kita. Sa tuwing magme-message ka, hindi ako makakapunta kasi malayo ako, but I don't wanna keep this from you, too." Tumingala si Zero at umiling. "Ayokong dumating ulit tayo sa puntong hindi mo na naman ako kinakausap."
"Alam mo rin naman sigurong hindi kita pipigilan diyan, 'di ba? Ako pa maghahatid sa airport sa 'yo kung gusto mo. Ako pang tutulong sa 'yong mag-empake," ngumiti si Harley ngunit nagmalabis ang luha. "Malulungkot ako, pero two years 'yon! Malay mo magka-jowa ako. 'Wag mo 'kong hinahamon!"
Nasamid si Zero at natawa.
"Kung sakali ba, kelan ka aalis?"
"Hindi ko pa alam. Gusto muna kitang kausapin. Hindi pa ako nagre-reply sa kanila," ani Zero. "Gusto ko munang magsabi sa 'yo."
Ngumiti si Harley inihilig ang ulo sa balikat ni Zero. "Mabilis lang naman ang two years. Malay mo sa two years, na-friendship over na kita?"
"Harley," mababa ang boses ni Zero.
"Charot lang!" Ipinatong niya ang baba sa balikat ni Zero. "Go lang, tanga. Masaya ako para sa 'yo. 'Wag mong iisiping galit ako. Nagbago na 'ko sa part na 'yan. Kung ano 'yung gagawin mo sa mga susunod, support lang ako."
Zero breathed and wrapped his arm around Harley's shoulders. "Thank you. Bisitahin mo na lang ako roon 'tapos mag-tour tayo around Europe. Tingin mo?"
"Basta ba sagot mo 'yung ticket, 'di ba?" pagbibiro ni Harley ngunit naramdaman ulit niya ang pag-iinit mga maga niya. "Ano ba 'yan! Wala pa nga, naiiyak na 'ko! Nakakainis 'to!"
T H E X W H Y S
BINABASA MO ANG
Soul Meets You (Fireplay #2)
General FictionFP #2: Zero (Epistolary with narration)