Gabi na ng makabalik ako sa amin. Dumeretso agad ako sa bar at halos maubos ko ang isang bote ng alak doon. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari. Walang makapagturo kung nasaan si Marga. Kung nasaan ang asawa ko. At hindi rin ito nagpaparamdam sa akin.
May nagawa ba akong mali? May hindi ba siya nagustuhan sa akin? Nasaktan ko ba siya? Ito ang mga katanungang gumugulo sa aking isipan.
Ngunit, wala namang dahilan para bigla na lang siyang maglaho ng ganito. Kita ko sa mata niya kagabi ang labis-labis na pagmamahal sa akin. At patunay iyon ng ibigay nito ang sarili niya sa akin.
Napapikit ako. Nakaramdam ako ng pagkahilo. Pasuray-suray na umakyat ako sa aking kwarto. At nakatulugan ko na ang pag-iisip dito.
Lumipas pa ang mga araw na naging linggo at naging mga buwan, pero wala pa rin ni anino ni Marga. Araw-araw akong pumupunta sa mga ito, ngunit iisa lang ang laging sagot sa akin, hindi nila alam kung nasaan si Marga. Maging sina Tita Zen at Tito Valencio ay walang pinagsabihan kung nasaan ang mga ito. Pati si Benedict na pinuntahan ko sa Manila ay hindi na rin doon nagtatrabaho.
Para akong mababaliw sa kakaisip kung saan ba talaga nagpunta si Marga, at halos araw-araw ay lasing ako. ‘Ni hindi ko na halos maintindi ang aking sarili. Ang bigote at balbas ko ay nagsisihabaan na. Maging ang buhok ko ay lagpas batok na rin. Namayat rin ako ng husto na lubhang ikinabahala na ni Papa.
Kagaya nga ng hapon na iyon, nadatnan ako ni Papa na umiinom mag-isa sa bar. “Franco,” tawag nito sa akin.
Hindi ko ito nilingon. Patuloy lang ako sa pag-inom ng alak.
Lumapit ito sa akin at inagaw ang baso sa kamay ko. “Franco, tama na,” ang ma-awtoridad na sabi nito sa akin.
Isang bahaw na tawa lang ang isinukli ko dito, at pagkatapos ay kinuha ko ang bote ng alak na aking iniinom. Dumeretso ako sa aking kwarto, habang sinusundan ako ni Papa ng nag-aalalang tingin.
***
Isang taon at kalahati ang matuling lumipas. At kagaya ng nakagawian ko, maaga akong nagpunta sa mansyon ng mga Agustin, nagbabakasakaling may balita na akong matatanggap.
Pagdating ko doon ay abala ang mga katulong. Nakita ko si Mang Dante na naglilinis ng kotse. Nilapitan ko ito.
“Magandang umaga, Mang Dante,” bati ko rito.
“Kayo pala, Sir Franco.” At masuyo itong ngumiti sa akin.
“Mukhang abala ho ang lahat, ah. Anong mayron?” tanong ko rito. Pero sa kaloob-looban ko, hinihiling kong sana ay nagbalik na si Marga.
“Ah…eh…” alanganing nagkamot ng batok si Mang Dante.
Tinitigan ko itong maigi. Mailap ang mga mata ni Mang Dante.
Hindi na ako nag-atubili pa. Dere-deretso akong pumasok sa loob ng mansyon. Nadatnan ko doon ang gulat na gulat na si, “Tita Zen?” nag-aalangang tanong ko sa matandang babaeng aking nadatnan. Kababakasan ito ng kalungkutan sa mukha.
“Franco, hijo!” gulat na gulat namang sabi ni Tita Zenny.
Nangunot ang noo ko. Parang ang laki ng itinanda ni Tita Zenny. Biglang namuti ng halos lahat ang noo’y itim na itim nitong buhok, samantalang isa’t kalahating taon lang naman ang lumipas. Malaki din ang hinulog ng katawan nito. At kitang-kita iyon sa mga laylay na balat sa mukha nito.
Nang makabawi si Tita Zenny sa pagkagulat ay parang nauupos itong naupo sa sofa. Dali-dali ko naman itong inalalayan.
“Oh, Franco hijo…” ‘yon lang ang nasabi ni Tita Zenny at umiyak na ito.
Kinabahan ako ng sobra-sobra. Ano ba talagang nangyari kay Marga? Bakit ganito na lang ang reaksyon ni Tita Zenny ng makita ako?
Matagal na umiyak si Tita Zenny. Parang hindi nauubos ang luha nito sa patuloy na pag-agos noon. Agad naman akong humingi ng tubig kay Manang Lourdes at ibinigay dito. Naupo ako sa tabi nito.
“Salamat, ” ang mahinang usal ni Tita Zenny.
“Tita—”
“Forget about her Franco. Forget about Marga. She won’t coming back,” putol ni Tita Zenny sa sasabihin ko. At nagsimula na naman itong umiyak.
Hindi ko maintindihan ang ibig n’yang sabihin. Bakit niya sinasabi ang mga ganitong bagay sa akin? Alam n’ya kung gaano ko kamahal si Marga.
“You need to forget her, Franco. You need to move on with your life. Please, ‘wag mong itali ang sarili mo sa kanya,” nakikiusap pang sabi nito habang hinahaplos nito ang humpak na pisngi ko.
Nais kong magsisigaw. Nais kong isigaw sa pagmumukha nito na hindi ko iyon magagawa. Na kahit kailan hindi mawawala si Marga sa puso ko. Na kahit pilitin ako nito ay hinding-hindi iyon mangyayari.
Asawa ko si Marga… asawa ko na s’ya, wala ba akong karapatang malaman ang totoo? Ngunit paano? Paano ko nga sasabihin dito iyon? Wala namang nakakaalam na kasal kami, kundi kaming dalawa lang ni Marga at ni Mayor Beuncamino.
“Hindi, Tita… Hindi. Maghihintay ako. Maghihintay ako kung kelan s’ya babalik,” mariing sabi ko.
“Please, Hijo. Wala nang babalik pa.” At lalong lumakas ang iyak nito. “Huwag mo ng pahirapan pa ang mga sarili ninyo. Ako na ang nakikiusap sa ‘yo, Franco,” walang humpay ang ginawa nitong pagtangis.
Doon ako tila natauhan. Para akong pinagsakluban ng langit at lupa sa aking narinig. Kakaiba ang bumundol na kaba sa dibdib ko. Umiling-iling ako.
Anong ibig niyang sabihin? Paanong hindi na babalik si Marga? Litong-litong tanong ko sa sarili habang nakatitig sa umiiyak na si Tita Zenny.
No! Marga is still out there. Nararamdaman ko. Hinihintay niya ako, alam ko iyon. Nagtatalong sabi ng isipan ko. Pero sa nakikita kong anyo ni Tita Zenny, tila malabong lahat ng mga iyon.
Namumuo ang luhang napatitig ako sa kawalan. Iniwan na ba talaga ako ni Marga? Paanong nangyari iyon? Bakit? ‘Ni wala naman siyang nababanggit sa akin. Gulong-gulo ang aking isipan.
Nagmamadali akong tumayo. Malalaking hakbang ang ginawa ko patungo sa aking sasakyan. Mabilis ko iyong pinaharurot. Hindi ko alam pero ang kaninang panlalabo ng aking mga mata ay tuluyan ng naging mga luha. At sa kauna-unahang pagkakataon ay umiiyak ako. Umiyak ako ng umiyak. Hindi ko alam ang gagawin ko. Hindi ko kakayanin ang mawala si Marga sa piling ko.
Paano ko kakalimutan ang isang taong mula sa simula pa lang ay minahal ko na nang todo? Paano ako haharap sa buhay kung wala ito sa piling ko? Paano ako mabubuhay kung wala si Marga sa tabi ko? Paano? At napahagulhol ako ng iyak. Sa nanlalabong mga mata ko, hindi ko napansin ang isang sasakyan na papasalubong sa akin.
Mabilis ang sumunod na mga pangyayari. Naramdaman ko na lang na para akong itinatapon sa ere, bago ako tuluyang nawalan ng malay.
**
“Franco, hijo,” mahinang usal ni Papa nang mapansing nagkamalay na ako.
Nilingon ko ito. Blangko ang aking mukha. “Where am I?” tanong ko rito. Nakita kong naka-cast ang kanang braso at binti ko.
“We’re in the hospital, hijo. Hindi mo ba natatandaan ang nangyari sa iyo?” tanong nito habang lumalapit sa akin.
Lahat ng pait at sakit ay muling bumalik sa akin. Mas matindi pa sa mga sugat na natamo ko sa aksidente. Ipinikita ko ang aking mga mata. Hinihiling sa isip na sana hindi na lamang ako nagising pa.
Kaagad naman akong dinaluhan ni Papa. “Ano ang nararamdaman mo? Sumasakit ba ulo mo?” sunod-sunod na tanong nito sa akin.
Umiling ako. “Iwan n’yo na muna ako,” pagtataboy ko dito nang hindi ito tinitingnan.
Nag-aalinlangan pa ito sa simula, ngunit maya-maya pa’y narinig ko na ang mga yabag nito paaplayo at ang marahang pagsara ng pinto.
Nang makalabas si Papa, dumaloy na namang muli sa isip ko ang naganap na usapan namin ni Tita Zenny. Para iyong sirang plaka na paulit-ulit sa isip ko. Nagtutumining ang salitang kalimutan ko na si Marga pagkat ito’y hindi na kailanman babalik pa.
Huminga ako ng malalim. Kailan ba naging kumplikado ang lahat sa pagitan naming dalawa ni Marga? Wala akong natatandaang nagpakita ito sa akin ng kahit anong senyales na may nararamdaman ito o may masakit dito noon. Puro kasiyahan lang ang tanging naaalala ko habang kasama ko ito.
Pero may isang bagay ang nag-uumalpas sa isip ko, noong isang beses na magsinungaling sa akin si Marga at nalaman ko kay Benedict ang totoo. Hindi kaya iyon ang dahilan? Hindi kaya doon nag-umpisa ang lahat? Ngunit, wala ng sasagot pa sa mga tanong kong ito. Wala na si Marga. Wala na ang babaeng pinakamamahal ko.
Unti-unting pumatak ang mga luha ko. Hindi ako iyakin, ngunit pakiramdam ko parang may sariling isip ang mga iyon na tuloy-tuloy sa pagpatak. Walang patid. Hindi nauubos. Sumasakit na ang ulo ko. Gusto ko ng magpahinga. Gusto ko ng makatulog. Gusto ko ng makalimot. Ngunit sa tuwing ipipikit ko ang aking mga mata, ang masayang mukha ni Marga ang nakikita ko. Ang mga labi nitong laging may nakahandang ngiti para sa akin.
Hindi ko kaya… hindi ko kakayanin. Masakit sa kalooban. Parang dinudurog ng husto ang puso ko sa sobrang sakit. Naghagilap ang kaliwang kamay ko ng maibabato, at nang makatagpo iyon ay ubod lakas kong ibinato sa dingding ang kung anumang bagay na nahagip ko.
Nagmamadaling pumasok si Papa sa loob. “Franco!” ang malakas na sigaw nito sa akin. Hindi nito malaman ang gagawin. Wala ng pinalalampas ang kabilang kamay ko. Lahat ng mahagip nito sa pader bumabagsak.
Dali-dali nitong tinawag ang duktor. Agad naman akong binigyan ng pampakalma, hanggang sa makatulog ako, mukha pa rin ni Marga ang umuukilkil sa isip ko.
***
Ilang linggo pa ang inilagi ko sa ospital. Hindi ko na mabilang kung ilang gamit ng ospital ang nasira ko. Wala namang magawa si Papa. Alam nitong mas malalim pa sa mga sugat na natamo ko ang iniinda ko.
Nang makalabas ako, bumalik na naman ako sa dati. Palaging lasing at laging wala sa sarili. Palagi rin akong nasa tree house. Doon ko ibinubuhos ang lahat ng sama ng loob ko. Umuwi lang ako kapag naubos nang lahat ang luha ko at iinom na naman para makatulog.
Ilang buwang naging ganoon ang ikot ng buhay ko. Wala na nga kong pakialam sa paligid ko. Pero siguro nga may hangganan ang lahat, kung hangganan ngang masasabi iyon. Isang hapong balik ko sa amin, naabutan kong humahangos si Yaya Saling papasalubong sa akin sa may pintuan.
“Saan ka ba galing Franco, ha? At hindi ka sumasagot sa telepono mo?” ang natatarantang sabi nito.
Telepono? Natawa ako. Kailan ko ba huling nahawakan ang bagay na iyon? ‘Ni hindi ko nga alam kung nasaan iyon. Tiningnan ko si Yaya Saling at pagkatapos ay nilagpasan ko ito. Tuloy-tuloy ako sa bar para kumuha ng alak.
“Wala ka ng ginawa kundi ang uminom. ‘Ni hindi mo tinatanong ang iyong Papa,” ang naiiyak ng sabi nito.
Noon ko ito nilingon. “Bakit? Anong nangyari kay Papa?” kunot-noong tanong ko dito.
“Inatake kanina ang ama mo. Nasa ospital siya ngayon.” Mabilis na sabi ni Yaya Saling. “’Ni hindi kita mahagilap kung saang lumapalop ka naroroon. Ang telepono mo puro operator lang ang—”
Hindi ko na tinapos pa ang pakikinig dito. Dali-dali kong kinuha ang susi ng aking sasakyan at agad na nagmaneho papuntang ospital, pero naisip ko, hindi ko nga pala naitanong kay Yaya Saling kung saang ospital naroroon si Papa. Kaya naman bumalik ulit ako sa amin para itanong iyon.
Nang marating ko ang ospital, agad kong hinanap ang kwarto ni Papa. Nakita ko ang pagbabago ng itsura nito, humpak ang mga pisngi nito at nangangalumata. Alam kong iyon ay dahil sa akin.
Doon ako tila nagising. Inusig akong bigla ng konsensya ko. Sa kaibuturan ng puso ko ay naroroon ang namumuong pagsisisi. Mula ng umalis si Marga hindi ko na nagampanan pa ang tungkulin ko dito bilang isang anak. Palagi na lang akong lasing at wala sa sarili, at kahit anong payo at pakiusap nito sa akin ay hindi ako nakinig.
Umiiyak ako sa tabi nito ng magising ito. “Franco…” ang nanghihinang sabi nito sa akin.
“I’m sorry, ‘Pa,” sabi ko dito habang hawak-hawak ko ang kamay nito.
Isang marahang ngiti ang ibinigay nito sa akin. “It’s alright, Son. You don’t have to say sorry for me. Let’s forget about everything and moved on.” Sagot nito. Wala itong binanggit na kahit ano, dahil ayaw na niyang maalala ko pa ang lahat.
Tumango-tango ako rito. Tama ito. Kailangan ko nang intindihin at baguhin ang sarili kong buhay. Mahabang proseso man iyon, ngunit pipilitin kong kayanin at lampasan kasama ito. Higit sa lahat, alam kong si Papa ang nasasaktan sa nakikita n’ya sa akin.
Maaaring tama sila, kailangan kong ipagpatuloy ang buhay ng wala si Marga. Pero hindi ko maipapangako sa kahit na sino, maging sa sarili ko na makakalimutan ko ito. Si Marga ang lahat-lahat para sa akin. Ang kaisa-isahang babaeng aking mamahalin. Ang nag-iisang babaeng magmamay-ari ng aking puso. Hindi ko alam kung hanggang kelan, basta ang alam ko habang-buhay siyang mananatili dito.
Huminga ako ng malalim bago nagsalita. “Para sa inyo Papa at lalong higit, para sa aking sarili,” sabi ko dito at ngumiti.
BINABASA MO ANG
Ikaw Lamang (Unedited)
RomanceNagpakasal si Marga kay Franco the same day after their college graduation. They've been in love with each other since high school days. Mahal na mahal niya si Franco at pangarap niyang bumuo ng masayang pamilya sa piling nito, ngunit nalaman niya p...