Paalala: Ang kuwentong ito ay BL o Boy's Love, ang pangunahing tauhan ay may tiyansang magkaroon ng romantikong relasyon sa isa't isa at pareho silang lalaki.
***
"Cel, ikaw na lang hindi ko ex dito, jowain mo na 'ko ngayon."
Napatitig ako sa umpukan ng mga kaklase ko sa bandang unahan. Ginulo pa nila ang ayos ng mga upuan para lang magka-umpukan. Nagkakasiyahan na naman sila, as usual parang lider si Jude na kapag pumapasok ay daig pang pinalilibutan ng mga alipores niya.
Hindi siya madalas pumasok, mas marami yata ang absent niya kaysa sa ipinapasok niya. Transferee lang ako sa school na 'to, ngayong taon ko lang siya nakilala at sapat na 'yon para malaman ko ang takbo ng buhay niya.
"Sam, tapos ka na ba sa assignment sa English?"
Tiningnan ko si Veronica, isa siya sa kaklase ko na kasama sa honors. Sa hitsura pa lang niya ay parang nakikiusap na siya sa 'kin na pakopyahin.
"Tapos na, nahirapan ka ba sa huling topic?"
Tumabi siya sa 'kin nang mabilisan. "Nahihirapan talaga ako sa English, ibigay na sa 'kin lahat ng subject, 'wag lang talaga English, sobrang hina ko ro'n as, in!"
"Palagi mo 'yang sinasabi kaya pinaniniwalaan ng utak mo na mahina ka sa English."
Iniabot ko sa kanya ang English notebook ko.
"Thank you talaga, Sam! Hindi ka madamot katulad ng iba!"
Nagmamadali siyang kumopya.
Nangalumbaba na lang ako at tumingin sa orasan sa taas ng whiteboard. Ten minutes pa bago dumating ang susunod naming Teacher.
"Ex ka rin ba niya?" tanong ko kay Veronica.
"Ni Jude?"
Mukhang narinig naman niya ang usapan sa unahan.
Tumango ako sa kanya.
"Oo, ex ko 'yan, patay na patay ako diyan pero atleast matino naman ako at alam ko na hindi nagseseryoso 'yang lalaking 'yan," aniya. Natawa pa siya na tila may naalala.
So, kahit pala siya nadala rin ng lalaking maingay?
"Hindi ka ba galit sa kanya?"
Curious ako dahil alam ko na marami nga siyang ex sa classroom pero parang masaya naman silang lahat. Walang bitterness na namamagitan, samantalang iyong nagkaroon ng relasyon sa klase namin at sa ibang klase na rin ay tila hindi nila gustong nagkakasalubong man lamang.
"Hindi! Ewan ko, basta hindi ako galit sa kanya. Para kasing simula pa lang alam ko na baliw-baliw 'yang lalaking 'yan at paiiyakin lang ako, baka okay na 'ko sa experience na magkaroon ng jowang badboy!"
Napailing na lamang ako.
Masarap ba sa pakiramdam ang umiyak at pumasok sa relasyon na alam din na walang patutunguhan?
"Ikaw ba, Sam, sino ba sa mga girls ang tipo mo?"
"Wala," kaswal na sagot ko.
Napaangat siya ng ulo. "Baka lalaki ang type mo?"
Napailing lang ako at nginitian siya.
Wala akong nagugustuhan romantically. Hindi ko minamadali at siguro kahit may maramdaman ako na gano'n ay hindi ko rin palalalimin. Sa palagay ko, istorbo lang sa 'kin at hindi pa panahon para doon. Marami akong gustong gawin at sa edad kong labing-pito ngayon sa senior high, sigurado akong walang bahagi sa pagkatao ko ang gusto kong ma-involve sa isang walang kabuluhang bagay.
BINABASA MO ANG
CHASING YOU ( BL )
General FictionBoy's Love/ Male to Male Story Kung paiiksiin ang paglalarawan sa kanya, 'BAD BOY' para sa 'kin si Jude. Pero hindi siya most hated, kahit iyong mga ex niya ay kabiruan at kaibigan pa rin niya. Para siyang si Mr. Friendship na sa bawat kanto at sul...