CHAPTER 16

40 8 3
                                        

SAM

Hindi na kami halos nagtagpo ni Jude, nawala rin siya sa puwesto ng klase namin. Hinahanap ko siya ng pasimple pero nawawala na siya, at ayoko naman magmukhang hinahanap ko siya kapag nagtanong ako. Masigla ang lahat dahil sa games, at susunod na rin ang battle of the band. Preparation na rin ng mga colored powder at ako na lang ang sumama sa mga student council na nag-prepare no'n dahil wala naman akong interes talaga sa mga nangyayari, kahit pa masaya ang mga estudyante dahil sa event ay hindi naman ako mahilig, mas gusto ko pa 'tong napapagod ako.

"Ikaw na lang ulit sa certificate, ito may mga pangalan na dahil tapos na ang judgment," sabi ng President sa 'kin. "Okay lang ba sa 'yo? Hindi ka na nakapanood."

"Okay lang, hindi naman ako mahilig sa banda."

Kinuha ko ang iniabot niya sa 'king listahan. Mas gusto ko 'tong gawin dahil tahimik lang sa office at malayo sa malalakas na ingay ng instrumento ng banda.

Bumalik akong mag-isa sa office at hindi ko na rin talaga nakita si Jude. Wala rin siyang message sa 'kin.

"Bakit ko ba iniiisp 'yong baliw na 'yon? Mabuti nga at natatahimik ako."

Sumandal ako sa sandalan ng upuan at tiningnan ang bukas na bintana.

"Bakit ba kailangan ko ngayong isipin ang estado ng relasyong hindi naman dapat umpisa pa lang? Hindi lang dahil pareho kaming lalaki, dahil wala naman akong oras, at kailangan kong mas magpokus din sa college kaya lalong hindi rin dapat tumagal 'to?"

Para akong baliw na kinakausap ko na rin ang sarili ko. Nagkaganito na 'ko dahil nakita kong may nagkakainteres kay Jude—mali, maraming nagkakainteres sa kanya, at sa eskuwelahan pa lang nakikita ko na 'yon, ano pa kapag wala siya sa paligid ko? Napakarami niyang kaibigan at paniguradong marami siyang nakakasalamuha.

Ano ba 'ko kay Jude? Katulad ng mga naging ex niya, gusto niya lang ba ng label para masabi niyang matagumpay siya? Paano kung hanggang doon lang naman siya? O curious lang siya? Hindi naman ako against sa relasyon ng dalawang lalaki, pero ilang porsiyento ba ng ganoong relasyon ang umabot sa pagtanda? Ilang porsiyento ba na tumagal ang ganoong klase ng relasyon? Dapat ba 'kong magpadala? At talagang iniisip ko 'to...

Akala ko ay hindi rinig ang banda sa puwesto ko pero naririnig ko pa rin. Hindi lang sobrang lakas pero hindi naman ako naiistorbo.

Nagsimula na 'kong mag-print habang pinakikinggan ang banda sa malayo. Mahilig si Jude sa mga banda, nasabi niya 'yon minsan sa 'kin at kahit 'di ako mahilig sa music ay naririnig ko siyang kumakanta minsan. Iyong ibang kanta naman na alam ko ay depende sa uso dahil mahilig ang student council makinig ng music habang may ginagawa.

Twenty minutes na 'yong lumipas nang may marinig akong 'di pamilyar na tugtog pero pamilyar na boses. Mas lamang ang boses ng kumakanta dahil hindi ako nakaririnig ng drums sa unang mga linya. Itinigil ko rin ang pag-print dahil tingin ko si Jude.

Pumunta ako sa cellphone ko para tingnan kung tama ako kung sino ang kumakanta dahil alam kong naka-live ang page ng student council.

Ganito ang epekto niya sa 'kin?

Naalala ko na may ipinakikiusap siya sa 'king i-print ko pero nakalimutan ko na. Siguro ay dahil kakanta siya? Nang mapatunayan kong si Jude 'yon ay parang gusto kong bumaba at panoorin siya, pero pinigilan ko na lang ang sarili ko dahil mas malaya ko siyang makikita na hindi iniisip ang sasabihin ng iba.

Magaling talaga siyang kumanta, at kahit wala akong ideya sa kinakanta niya ay parang gustong-gusto ko iyong ulit-ulitin. Kahit ang mga nanonood no'ng ipinakita ay titig na titig sa kanya, at kinikilig pa, napakarami talagang nalilinglang ng mokong na 'to.

CHASING YOU ( BL )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon