Chapter 10

23 7 3
                                        


SAM

Nakagawa na 'ko ng listahan ng mga bibilhin, maging recipe na nakita ko sa video tutorial ay nailista ko na ang mga ingredients. Nagsimula ang klase na wala si Jude, hindi naman bago 'yon at may mga pagkakataong late talaga siya. Pero dahil hindi siya pala-absent nitong mga nakaraan ay naging kulang ang pakiramdam ko sa oras na lumilipas. Hindi siya pumasok, wala rin siyang chat o text sa 'kin.

Iniisip kong baka nag-inom na naman siya at hindi na naman nagising ng maayos. Pumunta ako sa apartment niya ng lunch break dahil nalaman kong iyong after lunch break na teacher namin ay wala at activity lang ang ibinigay, kaya iyong iba nga ay sa mall na nagpuntahan.

Sa apartment niya ay wala siya, kaya tumawag ako sa kanya at nag-ring naman pero sa ikalawang call ko ay hindi ko na siya ma-contact. Thirty minutes ko rin siyang paulit-ulit na tinawagan hanggang sa makarating na 'ko sa mall para kumain.

Nakakapagtaka at ang weird niya no'ng huli kaming magkasama, dahil ba 'di ko sinagot kung may plano akong maging kaming dalawa? Masaya naman kami, gusto niya bang masira ang pagsasama namin? Iyon ba talaga ang nagbubuklod sa 'ming dalawa? Masaya naman akong kasama si Jude, dahil close kami sa palagay ko at nagkakasundo kami sa mga gawain sa apartment niya kapag magkasama ay naisip kong magiging okay siguro kaming magkasama sa apartment.

Marami talaga kaming pagkakaibang dalawa, mahilig siya sa ingay at gusto ko naman ang tahimik na lugar. Gusto niya ang bonding kasama ang maraming tao, ako ay hindi at mas gusto ko iyong kami lang dalawa. Mahilig siyang manood at makinig ng musika na hindi ko gusto. Pero sa naging pagsasama namin sa apartment natuto akong makisabay sa kanya kapag kami lang dalawa. Sinubukan kong manood kasama niya, makinig ng music dahil madalas niyang kinakanta at sa unang pagkakataon nga ay may mga nakilala na 'kong banda, solo singer, at maging rapper.

Talented si Jude, magaling din siyang sumayaw, at sabi ng mga kaklase namin na mas kilala siya ay siya ang gagawa ng booth namin dahil kaya niya 'yon, at magaling siyang magpinta. Ang tanging wala siyang interes ay mag-aral, hindi rin siya mahilig magbasa maliban kung comedy ang binabasa niya. Napansin ko rin mahilig siya sa mga palabas na action, lalo iyong mga tagalog na may kahalong comedy. Ayoko mang aminin, pero marami na 'kong alam na magandang katangian niya kaya rin siya maraming kaibigan. Isa na roon 'yong pagiging present niya kapag may matinding pinagdaraanan ang kaibigan niya.

Kaya ngayon, kapag may nagsabi sa kanyang wala siyang patutunguhan siguro ay hindi ko maiiwasang mainis, pakiramdam ko ang pagiging people magnet ay malaki ang magiging role sa pagiging successful niya pagdating ng araw.

"Oh, Sam, bakit mag-isa ka?"

Hindi ko gusto ang pag-upo ni Dorothy sa okupado kong p'westo sa isang coffee shop dito sa loob ng isang mall. Bago ang buhok niya, maiksi 'yon ngayon at pinakulayan niya ng light brown, may contact lens din siya para lumaki ang itim ng mga mata niya. Kahit hindi pansinin, agaw atensiyon ang fitted uniform niya at maganda naman talaga ang katawan niya ayon sa mga classmates namin na lalaki, maging ang hitsura niya, pero hindi ko siya gusto dahil bukod sa tamad siya ay mahilig siyang magbigay ng mga remarks kapag may mahilig sumagot o magpaalala ng activity o quiz sa teacher.

"Wala si Jude?" Lumingon pa siya sa paligid. "Absent siya kanina, bakit?"

"Hindi ko alam, wala naman siyang sinabi," kaswal na sagot ko. Binuklat ko ang libro na kabibili ko lang para mapahinga ang isip ko kaiisip kung bakit parang ayaw akong kausapin ni Jude, dahil bago ako umorder kanina ay sinubukan ko pa siyang tawagan, nag-ring saglit pero biglang naging busy tone.

"Oh," nangalumbaba siya sa mesa. Isa sa ayaw ko ang nangangalumbaba sa mesa pero hindi ko siya pinansin kahit nakaramdam ako ng iritasyon. Sa tingin ko pagdating sa pagtatago ng iritasyon kaya kong itago 'yon. "So, natapos na rin siya sa 'yo?" natawa siya. "Baliw talaga 'yong si Jude, ganyan na ganyan 'yan, kapag trip ka lahat gagawin para makuha ang atensiyon mo. Habang 'di mo siya gusto lalo siyang mag-effort, at kapag pakiramdam niya nahuhulog ka na doon ka niya bibitiwan, hindi na kasi masaya para sa kanya kapag bumigay na ang pinagpapapansinan niya."

CHASING YOU ( BL )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon