SAM
Niluwagan ko ang necktie ko at kaagad ibinagsak ko ang katawan ko sa sofa sa loob ng kuwarto ko. Hindi ako dumiretso sa kama dahil para sa 'kin ay hinihigaan lang 'yon kapag bagong ligo at napalitan na ang naisuot ko sa labas.
Pagod na pagod ang pakiramdam ko, at tuwing sasagi sa isipan ko si Jude ay tumataas ang presyon ko.
Kinuha ko ang cellphone ko sa 'king pantalon nang mag-vibrate 'yon.
"Sir Sam, ipaghahanda na ba kita ng dinner?" text sa 'kin ni Betty, isa sa kasambahay namin na kaedaran ko lang.
"Hindi na, busog ako, thank you."
Pagka-reply ko sa kanya'y tumayo na 'ko para mag-alis ng mga kasuotan.
Sa bahay na 'to, hindi kami sabay-sabay kumakain madalas maliban kung Sunday. Sanay naman kaming kumakain kung kailan namin gusto, hindi rin kami iyong magkakapatid na naghahanap ng magulang, apat kaming magkakapatid at lalaki lahat, pangalawa 'ko sa bunso. Lahat kami ay pinalaki na pinaunawa sa 'min ang trabaho nila sa 'min at ang kalahagahan ng business at kung ano ang magandang bagay na makukuha namin sa pagsusumikap.
Isa siguro 'to sa rason bakit hindi ko gusto ang makipagrelasyon sa iba, at kung bakit sagabal lang sila para sa 'kin. Hindi ko nakikita ang sarili ko sa isang date, pakikipagtalo, pagseselos, at pagsasabi ng mga sweet at corny na bagay. Siguro ay kawawa lang ang babaeng magiging girlfriend ko dahil hindi ko siya priority.
Nag-shower ako, nagbihis ng white shirt at white short saka humiga. Hindi na siguro talaga ako mag-dinner dahil parang punong-puno ang tiyan ko.
Tumingin ako sa social media account ko, ginagamit ko lang 'to dahil sa mga group chat kung nasaan ang mga subject teacher namin at dahil madalas mga groupings ay kailangan kong makisama. Pero kung ako ang tatanungin, kahit mag-isa lang ako ay okay na, mas mabilis kong nagagawa lahat kung ako lang.
Sa group chat naming magkakaklase lang ay puro picture 'yon sa birthday ni Joy. Iba't iba ang kumuha kaya iba't ibang anggulo.
Hanggang sa nag-send si Dorothy ng isang picture lang kaya malaki ang hitsura no'n tingnan.
Picture namin 'yon ni Jude kung saan ay binubulungan ako ni Jude at nakatingin naman ako kay Jude, sa pagkakatanda ko'y naiirita 'ko sa kanya no'n.
"Bagong love team!" sabi ni Dorothy.
Bumuntong-hininga na lamang ako at kung magde-deny pa 'ko ay hahaba lang ito.
Si Dorothy ay isa sa mga pasaway sa klase namin, mahilig sumagot sa teacher, at iniiwasan. Pero may mga kaibigan pa rin naman siya at grupo, sadya lang na madalas niya kaming i-smart shame sa klase. Katulad kay Jude, wala akong pakialam sa kanya.
Maraming nag-heart at hinayaan ko na lang sila sa conversation nila.
Ano bang mapapala ko kung sasayangin ko ang oras pagbabasa sa mga wala namang maidudulot sa 'king maganda? Matutulog na lang ako at may good benefit pa 'yon sa katawan ko.
Nang pumasok ako sa sumunod na araw ay nginitian ko lang sila. Inaasar nila kami ni Jude pero ngumingiti lang ako para itago ang iritasyon ko sa kanila. Magsasawa rin sila, at kung hindi, bahala silang mapagod at mapangal.
Wala si Jude sa araw na 'to, palitaw na lulubog at lilitaw.
Nang nag-lunch break ay nasa classroom pa rin ako at nag-a-advance reading. Walang tao maliban sa 'kin dahil sanay silang sa cafeteria kumakain o lumalabas ng classroom, doon sila napapahinga kapag nakalalabas ng classroom.
Bumukas ang pintuan at si Jude 'yon, hindi ko na lang siya pinansin.
Ang tibay ng mukha ng lalaking 'to at lunch break na pumasok.
"Ang init sa labas!" aniya na tumapat pa sa aircon.
Hindi ko siya pinansin kahit anong salita niya.
Lumapit pa siya sa 'kin at hinila ang upuan malapit sa 'kin.
"Hindi ka mag-lunch?" tanong niya.
Umiling ako.
"Wala kang baon? Ang yaman-yaman mo, eh! Bibigyan na lang kita, ipinagluto ako ng lola ko."
"No, thanks, hindi ako nag-lunch."
Hindi ko siya tinatapunan ng tingin.
Naglabas na siya ng pagkain niya sa bag at binuksan 'yon.
"Oh, ikaw na gumamit nitong kutsara't tinidor, baka hindi ka pa marunong magkamay."
"Ayoko nga, busog ako."
"Baliw ka, magagalit lola ko kapag tinatanggihan luto niya, dali na!"
Tumanggi pa 'ko hanggang natagpuan ko na lang ang sarili ko na hawak na ang kubyertos.
Napakakulit, hindi titigil hangga't hindi gagawin ang gusto niya.
Tinikman ko ang ulam niyang menudo, malambot 'yon at malinamnam. Kumain na 'ko kahit ayoko. Inihiwalay naman niya ang kinakain niya na una niyang ginawa bago iabot sa 'kin ang kutsara't tinidor. Naka-plastic rin ang kamay niya at kahit kumakain ay madaldal pa rin siya, sa bahay ay hindi puwede itong ganitong ingay niya.
"Bakit 'yang tubig mo may kung ano-anong lumulutang," aniya.
Iyong tubig ko 'yon sa mesa na nasa see-through na thumbler.
"Lemon 'yan, iinom ka ba?"
Umiling siya. "Ayoko ng ganyan, gusto ko plain."
"Hindi naman kita inaalok."
Napangiti siya bigla at kapag ganitong ngingiti siya pakiwari ko may masamang laman ang isipan niya.
"Busog na 'ko, bilisan mo na diyan at nang makaalis ka na sa harapan ko."
Ngumingiti pa rin siya habang kumakain kaya nabubuwisit ako.
"Sabihin mo nga kung ano 'yang iniisip mo!"
"Hindi ka naman nagagalit dati, hindi rin kita naririnig makipag-usap masyado, special someone ba 'ko para maging exception?"
"Ano?" Saan ba kumukuha ng kapal ng mukha 'tong si Jude.
"Sabihin mo na kung crush mo 'ko, malay mo lumiko ako sa 'yo."
Kumindat pa siya sa 'kin kaya napailing na lamang ako.
"Alam mo, walang patutunguhan ang usapan kapag ikaw ang kausap."
"Alam mo—" aniya na binitin.
"Ano?"
"Bakit mo 'ko minamadali sumagot?" Ngiti lang siya nang ngiti. Sira nga talaga ulo ng lalaking 'to.
"Alam mo parang—"
"Umalis ka na, sige na." Nginitian ko siya nang pilit.
"Alam mo nga kasi para ngang—"
"Hindi na 'ko sumagot at sinamaan ko lang siya nang tingin.
Ngumiti muna siya bago inulit ang sinabi.
"Alam mo nga kasi parang gusto ko na nga na lumiko sa 'yo. Simula ngayong araw liligawan na kita."
BINABASA MO ANG
CHASING YOU ( BL )
General FictionBoy's Love/ Male to Male Story Kung paiiksiin ang paglalarawan sa kanya, 'BAD BOY' para sa 'kin si Jude. Pero hindi siya most hated, kahit iyong mga ex niya ay kabiruan at kaibigan pa rin niya. Para siyang si Mr. Friendship na sa bawat kanto at sul...