SAM
Wala pa kaming klase pero dahil five minutes na lang ay halos kumpleto na rin kami sa classroom. Malakas ang aircon kaya para na naman kaming nasa loob ng refrigerator. Hindi ko alam sa mga kaklase kong 'to bakit ganito kalamig ang gusto nila.
"Sam, gusto mo bang hulaan kita sa lovelife mo?"
Nangiti ako sa sinabi ni Louie. Siya 'yong classmate namin na sabi nila'y mukhang matalino dahil nakasalamin, pero wala raw sense ang mga sinasabi kung recitation at kahit sa examination parang suwerte na 'yong makakuha siya ng kalahati. Pero masipag siya sa mga project at umattend, mag-ambag na rin.
"Hindi ako interesado sa love life, puwede bang career?" tanong ko sa kanya.
Madalas siyang tumitingin sa future raw, pero sabi ng mga classmate namin ay epek niya lang daw ito para makahawak sa kamay ng mga babae.
Kinuha niya ang kamay ko at hinaplos-haplos 'yon ng dalawang palad niya.
Nagpipigil ako matawa nang pumikit siya at tila tumitirik ang mata tapos ay galaw pa nang galaw ang pilikmata niya.
"Limited lang ako sa love life, eh," sagot niya bigla.
Kinagat ko ang ibabang labi ko para 'di tumawa nang malakas.
Bigla siyang nagmulat kaya napadiretso ko sa pagkabigla.
"Ano na?" Nakangiting tanong ko.
Madiin niya nang hinahawakan ang kamay ko.
"Iyong first love mo, nasa loob lang ng room natin!"
Hinila ko ang kamay ko sa kanya. "Tama ka na, nandiyan na si ma'am."
Tumingin ako sa unahan at kapag umpisa naman ng klase ay nag-uumpukan pa sila para batiin ang Teacher at ka-close naman nila si Ms. Domingo. Hindi nalalayo ang edad niya sa 'min dahil fresh graduate lang siya no'ng magturo sa 'min.
"Pero iyong first love mo, may mamahaling iba sa dako pa roon," bulong ni Louie.
"Oh? Congrats sa kanila, alam kong kasalanan ko 'yon dahil wala akong time sa kanya. Tama ba?" Nakangiting sagot ko sa kanya.
Napaisip siya bago nagsalita.
"Hindi naman niya siguro kami pagsasabayin?"
Nangunot ang noo niya. "Hindi ako sure, eh."
Nangunot din ang noo ko. Sinasakyan ko lang naman siya, at katulad nila, hindi rin naman ako naniniwala sa kanya.
"Basta magulo, Sam!" aniya na sobrang seryoso ng anyo.
"Oh, hayaan mo na iyong gulo na matagal pa naman."
"Pero puwede kasi iyong mabago, depende sa mga desisyon mo sa buhay. Sa ngayon, iyon ang mga choices mo kung sakali, kaya—"
"Sa palagay ko kung may choice ako at firm decision hindi ko 'yon mababago. Pero sige, sino ba sa klase natin iyon at nang maiwasan na kaagad bago pa niya mapasok ang buhay ko?" sakay ko pa rin sa kanya.
Lumapit ang mukha niya malapit sa tainga ko at mabilis na bumulong.
"Jude Matthew," aniya.
Natawa ako sa kanya. "Iyong pangti-trip niya, sinasakyan mo na rin?"
"Seryoso! Siya talaga 'yon!"
Umiling na lang ako, lalong nawalan ng sense.
"Ma'am, may i-a-announce ako!" sigaw ni Jude na kadarating lang.
Tuwang-tuwa pa siya at kasama ang mga lalaking alipores niya.
"Ano na naman 'yon?" tanong ni Ms. Domingo na napapailing. Nakaupo pa naman siya at nag-check ng attendance.
"Ehem!" aniya pa sa bottled water niyang ginawang mic.
"I-a-announce ko lang na natagpuan ko na ang the one ko."
Nagtawanan sila dahil sa sobrang babaero niya talaga at napakarami niyang the one.
"Bakit ba kayo tumatawa? Seryoso ako!" Maging siya natatawa sa sarili niyang kalokohan.
"Diyan na magsisimula 'yon," ani Louie.
Isa pa 'tong bugok na 'to.
"Nakilala ko na ang the one ko," ulit Jude na masayang-masaya.
"Sabihin mo na para makapagsimula na tayo ng klase," sabi ni Ms. Domingo na natatawa rin. Hindi ko alam kay Ms. Domingo bakit sinasakyan niya ang kalokohan ni Jude.
"Ehem, mic-test, mic-test," ani Jude pa, sira talaga ulo ng lalaking 'to.
"I-a-announce ko na liligawan ko na ang the one ko, tanungin ninyo ako sino."
"Sino?" Sabay-sabay pa silang tila nasisiyahan.
Napailing na lamang ako dahil tunay talagang may nagmamahal sa demonyo, isa na nga si Jude sa bumulag sa mga tao dahil sa komedya niyang dala.
Inilabas ko na ang libro ko kasabay nang pagsagot ni Jude.
"Si Sam!" Inilahad pa niya ang kamay niya paturo sa 'kin.
Nagtinginan sila sa 'king lahat.
Pinandilatan ko si Jude dahil iyong dugo ko tila umakyat hanggang ulo ko. Sinalubong niya lang ako nang ngiting-ngiti niyang labi.
Marami silang sinabi pero wala akong marinig.
"May magiging iba siya, Sam," ani Louie na tila nagbababala.
"Umalis ka nga diyan, diyan na 'ko uupo mula ngayon," ani Jude kay Louie.
Kaagad naman tumayo si Louie at umalis. "Feeling boss talaga 'tong si Jude."
Kinindatan pa 'ko ni Jude. "Wala ng aagaw sa 'yo sa 'kin, kahit babae lagot sa 'kin," aniya na ngiting-ngiti.
"Tuwang-tuwa kang isali ako sa trip mo?"
Ngumiti lang siya lalo.
Nginitian ko rin siya, iyong dugo kong kumukulo sa kanya'y gustong bumawi.
"Edi mag-tripan tayong dalawa," bulong ko sa sarili ko.
Niloloko na kami ng mga kaklase namin at inaasar. Sobrang papansin ng lalaking 'to dahil gustong-gusto talaga niya ng atensiyon at wala siyang pakialam kung pareho kaming lalaki at asarin kami sa isa't isa.

BINABASA MO ANG
CHASING YOU ( BL )
Ficción GeneralBoy's Love/ Male to Male Story Kung paiiksiin ang paglalarawan sa kanya, 'BAD BOY' para sa 'kin si Jude. Pero hindi siya most hated, kahit iyong mga ex niya ay kabiruan at kaibigan pa rin niya. Para siyang si Mr. Friendship na sa bawat kanto at sul...