Chapter 19
Nakaupo kami ni Vance sa bench, umiinom ng energy drink na inabot ni Coach kanina sa amin. Pareho kaming tulala, si Vance tulala dahil iniisip niya si Master Aia na kanina lang ay kausap si Sean tapos ako naman hindi ko malaman kung anong dahilan bakit rin ako tulala rito.
Nakakahawa siguro talaga 'tong si Vance.
Bumalik si Sean from sports academy at dito muna for a month. Nung mga nakaraang buwan, halos hindi ko makuha ang atensyon nitong kaibigan ko, palaging si Aia ang kasama tapos ngayon ito nanaman siya, lungkot-lungkutan.
"Tangina sana hindi na lang ako pumasok ngayon." Sabi niya. Siniko niya ako kaya naialis ko ang tingin ko kina JV at Kali na pinagpupush-up ni Coach.
"Ikaw bakit ka tulala?" Tanong niya bigla sa akin, lumingon siya sa akin na para bang naghahanap siya ng kakampi niya na tulala rin.
Nagkibit-balikat ako.
Hindi ko talaga alam kung bakit ako nawawala sa mundo these past few days. Na parang hindi naka-align lahat ng mga nangyayari sa tamang direksyon, ang gulo-gulo.
Nahihilo na ko sa gulo ng nararamdaman ko at mga nangyayari.
Lately, puro si Nina ang inatupag ko. Halos hindi ako makita sa bahay namin kasi inaasikaso ko si Nina, 4 days after nung surgery niya lumabas rin siya agad.
Umuwi ang kapatid niya at sinundo na siya pabalik sa Australia. Mukhang naayos na rin naman niya 'yung unfinished business niya dito sa Pinas kaya sumama na siya pabalik sa ibang bansa.
Malinaw na rin sa akin na ang nakaraan namin ni Nina ay mananatiling past na lang namin. Wala naman akong problema doon, kaya lang hindi ko alam bakit ang lungkot ko. Siguro dahil bumalik na siyang Australia? O baka hindi? Ewan.
"Kasama ko nga pala si Cici 'nung nakaraang linggo sa photoshoot," Napalingon ako sa sinabi ni Vance. "Kilala mo siya diba?" Tanong niya pa, hindi ako sumagot at napatingin sa basketball ring dito sa court.
Isa pa 'yan, halos ilang linggo ko na rin atang hindi nakakausap at nakikita si Cici. Mula 'nung malaman kong gumagawa na si Kuya Miles ng paraan para mas mapalapit kay Cici ay wala na rin akong naging balita sa kanila.
Hindi na kasi ako umuuwi muna sa amin, nasa athlete's dorm ako ng ilang linggo na. Si Red ang madalas mameste sa akin dito at kung ano-ano pa ang mga dalang pagkain.
"Bakit?" Tanong ko sa kanya, umiling siya tapos ay ngumiti.
"Crush kasi 'yon ni Damon eh." Sabi niya, kumunot ang noo ko.
"Hindi pwedeng maging crush ng kapatid mo si Cici." Matigas kong sabi sa kanya, halatang nagulat siya kaya napatingin siya sa akin.
"Bakit parang galit na galit ka naman ata?" Tanong niya sa akin habang natatawa. "Trip mo rin si Cici?" Dagdag pa niya.
Napaiwas ako ng tingin sa kanya kaya narinig kong lalong lumakas ang tawa niya.
"Ano nga pre?" Tanong niya habang tumatawa.
"Tigilan mo nga ko, Vance!" Sabi ko sa kanya at hinawi ang kamay niya nasa balikat ko.
"Sige, hindi muna kita pipilitin na ikwento 'yan." Sabi niya kaya umiling ako.
Si Cici? Saan ba nakuha nitong si Vance 'yung mga sinasabi niya?
"Anong plano mo kay Cici? Hahayaan mo na si Kuya Miles 'yung manligaw sa kanya? Paano ka? Paano 'yang nararamdaman mo?"
Biglang pumasok sa isip ko ang sinabing iyon ni Red nung nagkita kami sa park.
Ano ba talagang nararamdaman ko?
"Kap, bukas ba fish ball cart ni Mang Basyo?" Kumunot ang noo niya.
"Mang Basyo?" Napailing siya. "Kailangan mo na rin ng payo ni Mang Basyo ngayon?"
"Sira! Nag-crave ako sa kwek-kwek." Natawa siya at kinuha ang duffle bag niya.
"Sus, palusot ka pa! Eh hindi ka nga madalas kumain ng street foods dahil hindi pasok diyan sa pang-mayaman mong tastebuds, umamin ka na lang kasi." Nabigla ako sa sinabi niya.
"Gago." Sagot ko lang sa kanya.
~