Naramdaman ko ang yanig sa katawan ko dahil sa pagyugyog sa'kin. Halos sarado pa ang aking mga mata kaya hindi ko gaanong maaninag kung sino ang pilit akong ginigising. Naging mas malakas na ang pagyugyog nito at nagsalita na alas-onse na raw ng umaga.
Pinababangon na 'ko ni Tiya Riya dahil pauwi raw ngayon si Tiya Isel, ang panganay nila na galing pang probinsya. Pinaaabang ako ni Tiya Riya sa may bakery dahil baka raw kasi may mga bitbit at maligaw na naman si Tiya Isel.
Hindi pa naman siya ganoon katanda pero napakaulyanin. Kinusot ko ang aking mga mata upang maaninag ko ang paligid. Dumako ako sa banyo upang maghilamos at magsipilyo.
Pagkatapos ay tumungo na 'ko sa mesa. Tiningnan ko ang oras at alas-nuwebe pa lang ng umaga. Si Tiya Riya talaga. Napaka-atat. Kumuha ako ng malamig na pandesal sa mesa na tira sa binili nila kaninang umaga.
Nang unang kagat ko pa lang sa pandesal, rinig ko na agad ang nakabibinging bulyaw ni Tiya Riya. Parating na raw kasi si Tiya Isel. Nag-text na raw kaya abangan ko na lang sa may tindahan ni Mang Anor para makita ako kaagad.
Malalalim at mabibigat na hangin ang nagsilabasan sa'king bibig. Kumuha ako ng isa pang pandesal. Sinuot ko ang tsinelas kong panlabas upang abangan si Tiya Isel.
Minu-minuto at segu-segundo na walang hintong tingin sa kaliwa't kanan ng paligid ko para tignan ang mga traysikel at ang mga pasahero. Baka kasi hindi ako makita ni Tiya Isel. Isang oras na 'kong naghihintay pero wala pa rin. Balak ko na sanang bumalik para magtanong kung nasaan na ba 'to nang may nagkumpulan na grupo ng mga binatilyong lalaki sa harap ko.
Umalis ako sa pwesto ko na 'yon dahil hindi ko makita ang mga traysikel. Nagulat na lang ako nang may tumatapik-tapik sa kamay ko kaya napataas ako ng kilay ko, at tiningnan ko ang kamay nitong hindi tumitigil sa pagtapik. Inangat ko ang aking tingin.
Tinignan ko ito nang masama dahil hindi ko siya kilala. Humingi ng paumanhin sa'kin 'yong lalaki dahil akala niya raw isa ako sa mga kasama nila. Kunwari'y hindi ko na lang ito pinansin at tumawid ako para naman mas lalo kong makita si Tiya Isel.
Nakaputi na damit ang lalaki na siya ring kulay ng damit ko. Ang ganda rin ng mga ngiti nito. Hayst, nasaan na ba kasi si Tiya Isel? Kung anu-ano tuloy ang naiisip ko.
Ano kaya ang pangalan niya? Pinipigilan ko lang tumawa pero iyong tawa ko sa loob ay kakaiba.
Maya-maya ay may tumawag sa pangalan ko kaya nilingon ko ito. Si Tiya Isel pala na kabababa lang ng traysikel. Mainit ang ulo nito dahil kanina pa raw ako tinatawag. Ano ba raw ang iniisip ko at hindi ko siya marinig. Nagdahilan na lang ako na isang oras na 'kong naghihintay dito kaya nabibingi na 'ko.
Nang makatawid na kami ni tiya, narinig ko ang pangalan ko sa mga nagkukumpulang lalaki.
"Chen daw ang pangalan."
YOU ARE READING
Para kay Phen
Short StoryMaaaring sa pagtapik-tapik ay puwede kang magtaka o mabugnot. Ang hindi sinasadyang marahang dampi ng palad ay siyang maging daan para kay Phen at Chen. Ngunit ang lahat ba ng daang 'yon ay mayroong patutunguhan o sadyang nadaanan lang? [Under revi...