Alam mo ba, Chen, kung bakit tatlo ang binigay kong tsokolate sa’yo?
I LIKE YOU.
Confession talaga ‘yon. Bigla lang talaga akong natorpe kaya nasabi kong ibigay mo sa mga pinsan mo iyong dalawa. May ibibigay din naman ako sa kanila pero nanghihinayang talaga ako sa pagkakataon na ‘yon. Ang kinaiinisan ko pa sa sarili ko ay noong tinanong ako ng pinsan mo kung mag-m.u. ba tayo at ang nasagot ko ay magkaibigan lang tayo. Nag-aabang ka ng sagot sa’kin noon, alam ko. Sa sobrang kaba ko ay ‘yon ang nasabi ko. Natakot ako.
Halatang-halata ko rin na nagpalusot ka lang na hinahanap na kayo kaya alam kong nasaktan ka sa sinabi ko. Dahil doon sa sinabi ko ay lumayo ka sa’kin. Sobrang sama siguro ng loob mo.
Mas lalo ko pang pinasama noong pinuntahan mo ‘ko sa room ko. Nahihiya akong kausapin ka, Chen. Tinitignan mo pa ang suot ko dahil siguro hindi na ‘ko naka-uniporme. Natapunan kasi ang uniporme ko ng toyo ng siomai. Idinahilan ko na lang na may pupuntahan ako kahit pauwi na talaga ako. Pagkakataon na ‘yon. Ang sarap talaga sapakin ng sarili ko dahil sinayang ko lang ang pagkakataong iyon.
Napapansin ko rin ‘yong hindi ka na pumapasok ng mga bandang alas-singko kaya sabi ko aabangan kita sa gate niyo. Alas-sais na ng umaga kaso walang lumalabas na Chen. Ilang araw din akong nagbabakasakali pero wala talaga kaya sabi ko siguro mas maaga pa sa alas-singko. Sakto paglabas ko noon sa gate namin ay nasulyapan ko ang gate niyo. Tama nga ang hula ko. Mas maaga sa alas-singko ka na pumapasok.
Nang isinasara ko na ang gate namin, nawala ka naman agad. Kaso imposible ‘yon kasi nakita agad kitang naglalakad at mukhang nag-iba ka ng rota. Hindi pa naman matatawag na shortcut ‘yong daanan doon.
Hinintay kita sa pinto ng room niyo at tinanong ko pa ang mga classmate mo kung nandoon ka na pero wala pa raw.
Bumalik muna ako sa room namin habang hawak-hawak ang binili kong cream-o. Hinanda ko na ang sarili ko na aamin na ‘ko pero pumasok sa isip ko na iniiwasan mo na talaga ako. Siguro ayaw mo na ‘kong makita kaya iba na ang rota mo. Maaga ka na rin pumapasok. Napabuntong hininga na lang ako.
YOU ARE READING
Para kay Phen
Short StoryMaaaring sa pagtapik-tapik ay puwede kang magtaka o mabugnot. Ang hindi sinasadyang marahang dampi ng palad ay siyang maging daan para kay Phen at Chen. Ngunit ang lahat ba ng daang 'yon ay mayroong patutunguhan o sadyang nadaanan lang? [Under revi...