Kung alam lang ni Dianne na iyon na ang huling araw na makakasama niya si Marc, sana hindi na siya umalis sa tabi nito at nanatiling kasama nito nang gabing iyon. Sana hindi niya hinayaang umalis ito ng hindi siya kasama. Sana pinaandar niya ang katigasan ng ulo niya. Hindi ganitong nag-aalala siya dahil hanggang sa mga sandaling ito ay hindi pa bumabalik si Marc. Ayon sa mga kasama nito, isang malakas na pagsabog ang narinig nila mula sa isang panig ng bundok kung saan nakaabang ang pangkat na kinabibilangan ni Marc. Pinalibutan kasi ng mga ito ang lugar kung saan sumalakay ang mga rebelde para sana masawata nila ang mga ito. Ngunit sa kasamaang palad, mas handa ang mga rebeldeng iyon. Nakapagtanim na ang mga ito ng iba't ibang klaseng pasabog sa lugar na sinalakay ng mga ito.
"Paanong nangyaring wala ni isa sa inyo ang nakakita kay Captain?" histerical na wika niya sa mga kasamahan nila.
"First Lieutenant, pasensiya na po talaga. Alam naman po ninyo kung paanong kumilos si Captain. May sariling taktika si Captain na hindi naman niya sinasabi sa amin," ani Dexter na sugatan din at kasalukuyang ginagamot ni Mae.
Napapikit siya nang mariin dahil tama si Dex, may mga plano nga ang binata na hindi nito sinasabi kahit kanino. Alam niyang dedicated si Marc sa trabaho at handa itong magsakripisyo para sa kapakanan ng nakararami. Iyon ang isang bagay na hinahangaan niya rito, pero ngayon ay kinaiinisan niya dahil iyon naman ang nakapagpahamak sa binata ngayon.
"Pero First Lieutenant, may mga naiwan naman doon para patuloy na maghanap kay Captain," wika pa ni Dex na ngayon ay tapos ng bendahan ni Mae.
Napatango na lang siya sa lalake bago ito dinismiss. Alam naman niyang wala siyang magagawa sa ganoong sitwasyon kundi ang maghintay. Pero hindi puwedeng wala siyang gawin—kailangang may gawin siya. Ayaw niyang iasa na lang sa iba ang paghahanap kay Marc, kaya kahit delikado gagawa siya ng paraan para mahanap ito.
"Di, alam kong nag-aalala ka kay Captain Marc, pero sana huwag kang gumawa ng desisyong ikapapahamak mo. Hayaan mo nang mga search and rescue team ang humanap sa kaniya."
Napatingin siya kay Mae na nasa loob pa pala ng tent na iyon. Bitbit nito ang medicine kit na ginamit nito sa panggagamot kanina habang seryosong nakatingin sa kaniya. Kaibigan niya si Mae at alam niyang para sa kaligtasan niya ang sinasabi nito. Pero kagaya nga ng sinabi niya sa sarili, hindi siya puwedeng maghintay na lang ng balita.
"Salamat Mae," tugon lang niya rito habang tumatango-tango.
Sorry Mae, pero hindi puwedeng wala akong gawin. Hahanapin ko si Marc sa paraang alam ko.
Lumapit ito sa kaniya at niyakap siya ng kaibigan. Doon naman tila lumambot ang dipensa niya at tuluyang bumagsak ang luha sa kaniyang mga mata. Ang kanina pa niyang pinipigilang emosyon, ngayon ay bumigay na. Hinimas naman ng kaibigan ang kaniyang likuran at inalo siya nito. Hinayaan siyang umiyak ni Mae sa balikat nito hanggang sa kumalma siya. Pinahid niya ang luha sa kaniyang mga mata saka pilit na ngumiti sa kaibigan.
"Thank you, Mae."
"Anytime, Di. Tahan na, mahahanap din nila si Captain Marc," nakangiting wika nito habang hinihimas ang braso niya. "Ang mabuti pa, halika na sa labas para makakain na tayo at makapagpahinga. Masyadong maraming nangyari ngayong araw, kailangan natin ng lakas para sa mga susunod pang mga araw."
Tumango siya kay Mae saka bantulot na sumunod sa kaibigan palabas sa kanilang tent. Tama ang kaibigan, kailangan nilang magpalakas—lalo na siya. Dahil kailangan niyang paghandaan ang gagawin niyang paghahanap kay Marc.
*****
Maingat na kumilos si Dianne upang walang makakita o makarinig sa kaniya. Dala ang malaki niyang backpack na naglalaman ng mga armas, dahan-dahan siyang naglakad at sumilip sa bukana ng tent. Iginala niya ang kaniyang mga mata sa paligid upang makita kung saan siya maaaring dumaan ng walang makakakita at makapapansin sa kaniya. Nang makita niya ang isang punong 'di kalayuan mula sa kanilang tent, agad siyang kumilos at mabilis na nagtungo roon.
Napahinga siya ng malalim at napangiti nang matagumpay siyang nakarating doon ng walang nakakapansin sa kaniya. Ngunit agad ding napalis ang kaniyang ngiti nang makita si Mae na nakaupo sa isang bato malapit sa punong iyon. May hawak itong baril at matamang nakatingin sa kaniya. Bigla tuloy bumagsak ang kaniyang balikat at tuluyang napasandal sa katawan ng punong pinagkukublihan.
"First Lieutenant, saan ang lakad natin?" sita sa kaniya ni Mae nang makatayo na ito mula sa kinauupuan nito. Naglakad itong palapit sa kaniya saka luminga sa paligid.
"Mae, please hayaan mo na akong hanapin si Marc. Alam mo namang hindi ako mapapakali hanggat hindi ko nakikita si Marc," aniya sa kaibigan.
"Di, akala ko ba nagkaliwanagan na tayo? 'Di ba sinabi ko naman sa iyo na hayaan na lang nating ang searc and rescue team ang maghanap kay Captain? E, ano itong ginagawa mo?" mahinang wika nito sa kaniya habang manaka-nakang sumusulyap sa paligid.
"Mae, hindi ako puwedeng maghintay na lang dito. Kailangang may gawin ako para mahanap si Marc. Naiintindihan mo naman ako 'di ba?"
"Dianne naman e! Oo, naiintindihan ko iyang nararamdaman mo. Pero friend, paano kung maya-maya o bukas mahanap na si Captain at maibalik siya rito, tapos ikaw naman ang mawawala? Tingin mo ba hindi mag-aalala si Captain? Ang ending maghahanapan kayong dalawa. Please, manatili ka na lang dito," pakiusap ng kaibigan sa kaniya.
"Isa pa, kailangan ka namin dito. Remember, ikaw ang na ang susunod na hahalili kay Captain lalo pa at wala siya. Paano kung may mangyari rito? Paano kung mas maraming mapahamak dahil diyan sa kagustuhan mong mahanap si Captain? Paano na ang misyon?"
May punto naman si Mae, paano nga kung ganoon ang mangyari? Napahugot siya ng hininga saka napatango na lang sa kaibigan. Gulong-gulo na ang isip niya at hindi na talaga siya nakakapag-isip ng matino dahil ang nasa isip lang niya ay ang mahanap si Marc. Hindi niya naisip na in the absence of their Captain, siya ang susunod na dapat humalili rito. Dapat siya ang mamuno at hindi ang magpasaway.
"Pasensiya na Mae, naging makasarili ako. Hindi ko kayo naisip. Hindi ko naisip ang kapakanan nating lahat. Hindi ko naisip na may misyon pa tayong dapat tapusin," aniya sa mababang tinig. Tila nagising siya sa katotohanan dahil sa sinabi ng kaibigan sa kaniya.
"First Lieutenant De Perio, huwag mong hayaan na kainin ka ng pag-aalala mo para kay Captain. Alam mo naman na gagawin ng mga kasamahan natin ang lahat maibalik lang ng ligtas si Captain dito. Sa ngayon, please, pamunuan mo muna kami. Kailangan ka namin sa labang ito," pakiusap ni Mae sa kaniya.
Hinawakan niya sa balikat si Mae saka tumango. Tama ang babae, kailangan siya ng mga ito kaya hindi siya puwedeng maging mahina. Tatapusin nila ang misyon—kahit na anong mangyari.
BINABASA MO ANG
Captain Marc: The Captain of War
RomanceCaptain Marc, the handsome and hot Captain of the Philippine Army Task Force. He's so friendly and charming that most of the people around him mistakenly think that he's a playboy. While Dianne De Perio is his hard-headed First Lieutenant, who will...