Chapter 7

31 2 2
                                    

Ang mga sumunod na buwan ay naging abala para kina Dianne at Marc. Ngunit magkagayon pa man ay hindi naman nakakalimutan ng binatang kulitin ang dalaga sa tuwing magkakaron siya ng maluwag na oras. Kagaya ngayon, gabi na at alam niyang oras na rin ng pahinga ni Dianne kaya pumuslit siya sa kaniyang tent at naghanap ng malakas na signal upang makausap ang dalaga. Kahit pa dala niya ang unan ni Dianne, hindi pa rin sapat iyon para maibsan ang pangungulila niya rito.

"Hi!" nakangiting bati niya kay Dianne habang kumakaway rito.

"Hi! Kumusta?" nakangiti ring bati ni Dianne sa mahinang tinig. Naka earphone ang babae habang nakahiga sa kama nito. Mukhang tulog na ang mga kasama nito at handa na rin sa pagtulog si Dianne kaya halos pabulong na ang sagot nito sa kaniya.

"Okay naman ako. Malapit na kaming bumalik sa siyudad, kung magiging matagumpay ang plano namin bukas. Ikaw? Kumusta? Baka nagpapaligaw ka riyan ha? Humanda ka talaga sa akin," aniya rito. Mahinang tumawa si Dianne na tila musika sa kaniyang pandinig. Kaya naman napaungol siya at napapikit. Kung nakakapasok lang sana sa cellphone, malamang ginawa na niya para lang mayakap at mahalikan si Dianne.

"Captain Gravador, puwede ba, tigil-tigilan mo ang kababanta sa akin. Besides, hindi naman ako nagpapaligaw rito. I'm here for the training," nakangiting wika ni Dianne.

"Good! Basta mag-iingat ka riyan. I'll see you soon."

"Ikaw ang mag-iingat diyan. Ikaw kaya itong nasa panganib ang buhay."

"Ako pa? Siya, good night, Di. Sweet dreams." Kinindatan pa niya ang babae saka ngumuso bago tuluyang pinutol ang pakikipag-usap dito. Kontento na siyang makausap ito kahit sandali. Dahil ang sandaling iyon ang nagbibigay ng kalakasan sa kaniya.

*****

Nakangiti si Dianne habang yakap ang kaniyang cellphone. Katatapos lang nilang mag-usap ni Marc at kagaya ng dati, parang yelong natunaw ang kaniyang pagod para sa araw na iyon.

"Ses, baka naman mapunit iyang labi mo sa sobrang banat."

Nilingon niya ang katabing higaan at nakita si Mae na dilat na dilat pa rin habang nakangisi sa kaniya. Tumagilid siya ng higa paharap sa kaibigan upang madali niyang makausap ito.

"So, si Captain ba ang dahilan ng mahiwaga mong ngiti?"

Nangislap ang kaniyang mga mata at tumango sa kaibigan. Hindi naman na kasi lihim kay Mae ang nararamdaman niya para sa binata. Dahil simula nang araw na muntik na siyang mapahamak sa mga kuta ng tulisan, nagbago ang pakikitungo niya kay Marc. Kung dati ay palagi niyang sinusuway ang binata, ngayon naman ay para siyang maamong tupang sinusunod ang anomang ipag-utos nito. Bagay na nahalata ni Mae. Kaya nang kumprontahin siya nito tungkol sa pagbabago ng pakikitungo niya kay Marc, hindi na siya naglihim pa rito.

"Sus! So, kailan pa naging kayo?"

"Ha? Kami? Walang kami, ano ka ba?" mahinang sabi niya rito.

"Gagi! Anong wala? Iyang lagay na iyan ibig mong sabihin hindi pa kayo ni Captain? Maniwala ako!"

Bahagya niyang hinatak ang kamay ni Mae dahil napapalakas ang tinig nito, baka mamaya magising ang mga kasamahan nila. Inilagay pa niya ang hintuturo sa tapat ng kaniyang bibig upang senyasang tumahimik ito.

"Ang ingay mo! Kung ayaw mong maniwala, 'di 'wag! Pero wala nga kasing kami ni Marc, okay? Kaya matulog na tayo at maaga pa ang gising natin bukas. Good night!" Akmang aayos na siya ng higa nang magsalitang muli si Mae.

"Naku, Di, mukhang malaking problema iyang sinasabi mo. Kung walang kayo ni Captain, ibig sabihin kapag may babaeng lumapit sa kaniya, okay lang. Kasi nga wala namang kayo kaya malaya pa rin siyang malilingkisan ng mga babae sa paligid niya." Tinapik pa ni Mae ang kamay niya saka muling nagpatuloy, "Kung ako sa iyo, lilinawin ko kay Captain kung ano ba talaga ang status ng relasyon ninyo. Hindi kasi sapat na naglalandian lang kayo, tapos wala namang label. Baka mamaya masaktan ang isa sa inyo."

Umayos na ng higa ang kaibigan kaya hayun siya ngayon at naiwang nag-iisip. Papayag ba naman siyang hanggang landian lang ang mayroon sa kanila ni Marc? Siyempre, hindi! At lalong hindi siya papayag na may ibang babaeng aali-aligid sa binata. Lalo na ngayong alam niya sa sarili niya kung saan talaga nakapuwesto ang lalake sa puso niya.

*****

Makalipas pa ang ilang araw at natapos na rin ang training ng mga bagong miyembro ng PATF. Kasalukuyan silang nasa malawak na field kung saan gaganapin ang parangal at pagkilala para sa mga ito. Nakasuot ng puting gala uniform ang lahat ng mga opisyal na humawak sa training na iyon kasama sina Mae at Dianne. Isa-isang tinawag ang mga trainees at ginawaran ng sertipiko, patunay na matagumpay nilang natapos ang training.

Nang matapos ang pagpaparangal, naglakad nang patungo sa isang gusali—kung saan naroroon ang mga gamit nila si Dianne. Nagpaiwan pa si Mae dahil may nakita itong kakilala kaya ngayon ay mag-isa na lang siyang magtutungo sa gusaling iyon, upang kuhain lahat ng kaniyang gamit.

"First Lieutenant De Perio!"

Napahinto siya sa paglalakad at lumingon sa kanyang likuran nang marinig niyang may tumatawag sa kaniya. Nakangiti't kumakaway si Mike habang tumatakbo itong palapit sa kaniya. Nginitian naman niya ito at hinintay na makalapit sa kaniya.

"Buti na lang naabutan kita. Uuwi ka na ba? Isasabay na sana kita e," hinihingal na tanong nito sa kaniya.

Guwapo naman si Mike, kaso hindi ito kasing guwapo ni Marc. Maliit ito sa hieght nitong 5'9 kumpara sa six footer na si Marc. Bilugan ang mga mata at matangos din naman ang ilong. Pero mas gusto niya ang malalalim na mga mata ni Marc na kapag tumitig ay tila tutunawin ka. Maputi at makinis ang binata na halata namang galing sa may kayang panilya. Ngunit mas malakas pa rin talaga ang dating sa kaniya ng tan color ni Marc na sobrang makalalake ang dating. Higit sa lahat, mas malaki ang katawan ni Marc na gugustuhin niyang makulong sa mga bisig nito. In short, hindi niya type si Mike.

"Oo, pauwi na ako kukunin ko lang ang mga gamit ko roon sa loob. Kung hindi naman ako makakaabala sa iyo, sige sasabay ako. Tutal wala namang susundo sa akin dahil sira ang sasakyan namin," aniya sa lalakeng tila nabuhayan ng loob.

"Nice! Tutulungan na kita sa mga gamit mo," alok pa nito na maagap niyang tinanggihan.

"No need. Sa parking na lang tayo magkita para makuha mo na rin ang mga gamit mo."

"Sigurado ka? P'wede namang..."

"Sigurado ako. Sige na, sa parking na lang tayo magkita," aniya rito saka tumalikod.

Kung hindi lang dahil pagod siya nitong mga nakaraang araw, hindi sana siya sasabay rito. Puwede naman kasi niyang tawagan si Jeffrey para ito na mismo ang sumundo sa kaniya. Alam naman niyang hindi siya nito tatanggihan dahil pinsan siya ng babaeng minamahal nito. Pero dahil nagprisinta si Mike, pumayag na lang siya. Besides, malaki naman ang sasakyan ng binata.

"Thank you!" pasasalamat ni Dianne nang makarating na sila sa kanilang bahay. Papadilim na nang makarating sila dahil pinagbigyan pa niyang dumaan sa isang kainan ang binata.

"You're always welcome, Di. I hope this will not be the last," tugon nito habang inaabot ang mga gamit niya.

"Ahm, Mike, sorry pero I think this will be the last."

Tila nagulat naman ang binata at nalungkot sa kanyang sinabi. Ayaw man niyang saktan ang binata, kailangan niyang sabihin iyon para hindi na rin umasa pa ito. Masyado itong mabait kaya tama lang na maging tapat siya sa nararamdaman niya para rito.

Tumango at pilit ngumiti si Mike saka nakapamulsang hinarap siya ng binata. "I understand. Thank you for today. And thank you for being honest with me."

"Sorry, Mike. You'll find her soon. Thank you, buddy!" sabi niya na nag tinutukoy ay ang babaeng para rito.

Iyon lang at umalis na ito sa kaniyang harapan. Pinanood pa niyang umalis ang sasakyan nito saka siya pabuntong hiningang pumihit paharap sa kanilang gate.

"Nililigawan ka ba no'n?"

"Anak ka ng tupa!" malakas na bitla niya nang bigla na lang sumulpot ang lalakeng ilang buwan niyang hindi nakita.

Captain Marc: The Captain of WarTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon