1

38.1K 446 16
                                    



HALOS hindi nakilala ni Calista ang sarili nang humarap siya sa malaking salamin. Inayusan siya kanina, kinulot ang mahabang buhok, pinagdamit ng maganda. Isang full-length tube top gown ang pinasuot sa kanya, kasingpula ng lipstick niya ang kulay. Pula rin ang talampakan ng mga suot niyang itim na high heels.

Kailan lang iyong jeans at shirts ang kadalasang suot ni Calista, nagbe-bestida din siya minsan, pero hindi mga ganitong klase. At lalong hindi mahal, sa mga ukay-ukay lang siya nakakabili ng magagandang damit. Hindi niya inakalang isang araw ay makakapagsuot siya ng designer gown. Oscar de la Renta daw, sabi sa kanya ni Ilsa.

Ngayong gabi niya makikilala nang harapan si Slater Fulgencio. Mahigit dalawang buwan din siyang ihinanda para sa pagkikitang iyon. Tinuruan siyang magdamit nang presentable, mag-ayos nang naaayon sa lakad o okasyon, maglakad nang tama, pati pagkilos, pagkain, at pagsasalita nang maayos ay itinuro din sa kanya. Para siyang ihinanda para sa Miss Universe Pageant, kulang na mag-train para sa talent at sa question and answer portion.

Dinala si Calista sa restaurant ng isang magandang hotel sa Makati, sa isang private room niyon. Pinaupo siya roon at pinaghintay.

"Good luck," nakangiting sabi sa kanya ni Ilsa saka nagpaalam.

Isa sa mga nag-train sa kanya si Ilsa para maging "proper lady", ito rin ang siyang nag-ayos sa kanya kanina.

Maganda ang private room, malamig; may mahabang mesa, may mga flower arrangement na nakapatong doon at sa paligid.

Tumingin si Calista sa kamay, may gold chain bracelet siyang suot. May ternong chain choker sa kanyang leeg, ginto din. 18K karat gold daw ang mga iyon, sabi ni Ilsa.

Ilang saglit pa ay iniluwa ng pinto ang isang matangkad na lalaki, agad niyang nakilalang si Slater Fulgencio iyon, ang CEO ng Acheron Asia, isang chain ng casino. Mas guwapo ito kaysa sa inaasahan niya, maawtoridad ang itsura, mapanganib.

Nakita na niya dati ang larawan nito, nabasa na rin niya ang ilang bagay tungkol dito. Ngunit may iba pa siyang mga narinig tungkol sa pagkatao nito.

May sumunod na lalaki kay Slater, mas matangkad, mas bata, mas guwapo. Mas mukhang maawtoridad at mapanganib. Bodyguard siguro? Blangko lang itong tumingin sa kanya, na para bang sanay nang nakakakita ng mga babaeng iniaalay kay Slater. Ito rin kaya ang nagliligpit sa mga babaeng tumatanggi kay Slater? O, kung may tumanggi na ba?

Alam ni Calista na maraming mga babae ang magnanais na mapunta sa kanyang kalagayan ngayon. Paano'y kahit hindi pa sila nagkikita ni Slater ay napakadami na nitong bigay sa kanya. Mga mamahaling alahas, damit, sapatos, at bags. Pati mga perfume niya ngayon ay mamahalin, kahit panghugas lang ng kamay sa banyo ay Penhaligon's ang tatak. Kahit si Ilsa ay naiinggit sa kanya, hindi daw kasi ito nakapasang maging 'Persephone'. Iyon ang tawag sa mga napipiling maging babae ni Slater. Nagtaka siya roon, dahil napakaganda ni Ilsa, parang isang modelo, may lahing European pa nga. Sabi lang nito ay may partikular daw na hinahanap si Slater sa mga babae, kung ano iyon ay hindi daw nito sinasabi.

"It's okay, Declan. You can leave now," sabi ni Slater sa kasama nito.

Nang tumalima ang bodyguard ay noon na lumapit kay Calista si Slater.

"Hi," nakangiting bati ni Slater sa kanya.

Hindi nagsalita si Calista. Kinalimutan na lahat ng itinuro sa kanya tungkol sa pakikipagkilala.

Hinding-hindi siya masasanay sa buhay na ganito. Hindi siya kabilang sa mga babaeng nangangarap mapasakamay ni Slater. Mahirap lang siya at maraming pangarap, pero hindi siya nag-aambisyon ng magarbong buhay, lalo pa't kapalit naman niyon ang kanyang kalayaan.

CaptiveWhere stories live. Discover now